Oo! Nagparetoke Ako, Paki Mo?!

Mula pagkabata hanggang sa pagdadalaga ni Grace, tampulan na ng tukso ang malapad niyang ilong ng mga taong nakakasalamuha niya. Katunayan, may angking ganda itong babae, ang tanging “sablay” nga lang daw sa kanya ay ang pagiging malapad ng kanyang ilong. Kaya’t iyon na lamang ang napapansin ng mga nakakaalitan niya o kaya naman ng mga naiinggit sa kaniya.

“Ang lapad ng ilong ko, parang sinagasaan nga ng pison! Hindi ko na maidaan sa make-up e. Halata naman kasi kapag kinapalan ko ang pagko-contour ko,” bulong ni Grace sa sarili habang nakatitig sa repleksyon niya sa salamin.

Sa oras din na iyon, napagdesisyunan na niyang ituloy ang bagay na matagal na niyang ipinaplano. Magpaparetoke na siya sa doktor upang ipaayos ang kanyang ilong! Rhinoplasty na ang pangmatagalang solusyon!

“Dok! Gandahan mo ha? Para masiyahan na ako sa tuwing titingin ako sa salamin,” nakangiting bilin ng dalaga sa doktor bago ang operasyon.

“Oo naman! Makakaasa ka,” maiksi ngunit siguradong sagot ni Dok, at saka niya sinimulang turukan ng pampamanhid at pampatulog itong si Grace upang sila ay makapagsimula na.

Makalipas ang mahigit kumulang tatlong oras na paghihintay, sa wakas ay natapos na ang operasyon! Matagumpay! Matangos na nga ang ilong ni Grace, at bagay na bagay pa ito sa hugis ng kanyang mukha. Mukha na siyang artista!

Dalawang linggo ang hinintay ng dalaga bago tuluyang maghilom ang mga sugat sa kanyang ilong. Sa mga oras na iyon, maligayang maligaya siya sa halos perpektong pagkakagawa ng doktor sa kanilang operasyon. Agad kinuha ni Grace ang kanyang cellphone at saka kumuha ng picture upang i-post sa social media.

“Finally!” katagang isinulat ni Grace kasabay ng pagpost niya ng kanyang larawan.

Advertisement

Binitawan ng babae ang kanyang cellphone at saka nagpatuloy sa pagsasalansan ng mga papeles sa kanyang mesa sa opisina. Dalawang linggo kasi siyang nawala sa trabaho kaya’t medyo marami-rami ang mga bagay na kailangan niyang gawin.

Ngunit maya-maya pa ay natigilan siya sa kanyang ginagawa nang marinig ang paulit-ulit na pagtunog ng kanyang cellphone.

“Sino ba ‘to? Bakit tunog nang tunog ang notification bell ko,” wika niya sa sarili habang inaabot ang cellphone. Laking gulat niya nang makitang sandamakmak na komento at reaksyon sa ipinost niyang litrato.

“Grace, bakit ka nagparetoke? Masama ‘yan!”

“Lalo kang pumangit, ‘di na kasi natural.”

“Yuck! Sayang pera mo, sana ibinigay mo na lang sa mahihirap!”

“Nako, lalong walang manliligaw sa’yo! Retokada!”

Iilan lamang ang mga iyan sa mga negatibong komento mula sa kanyang mga kaibigan sa Facebook. Huminga muna ng malalim si Grace upang mapa-kalma ang kanyang sarili, nang biglang isang mensahe mula sa matalik niyang kaibigang si Marie ang lumabas sa kanyang cellphone.

Advertisement

“Grace! Ganda, girl! Congrats. Alam kong matagal mo nang pangarap na maipaayos ang ilong mo,” chat ni Marie sa kaniya.

“Kaya nga e. Kaso, parang nagsisisi ako? Bakit ako inaaway ng mga tao?” tugon ni Grace.

“Nakita ko nga. Alam mo? Hayaan mo sila! ‘Di mo talaga maiiwasan ang mga ganiyang tao. Hindi ba, iyong mga nagkomento, sila rin ang mga taong wagas kung manlait sa’yo noon? Ganiyan sila! Kahit anong gawin mo e may masasabi!” tugon ni Marie.

“Kaya kung ako sa’yo? Hayaan mo lang sila na magsalita nang magsalita. Pero huwag kang magsisi sa desiyon mo dahil mukha at katawan mo naman ang ipinabago mo. At isa pa, pinaghirapan mo ‘yan!

Itinaguyod mong mag-isa ang business mo, tapos nabigyan mo na ng magandang buhay ang mga magulang mo. Napagtapos mo pa sa kolehiyo ang kambal mong magkapatid! Saludo ako sa’yo!” dagdag pa ni Marie, na siya namang pinagkunan ni Grace ng lakas ng loob.

Muli, ngumiti sa harap ng camera ng kanyang cellphone si Grace at saka nagpost muli sa social media. Ang caption naman ngayon ay “Oo! Nagparetoke Ako, Paki Mo?!”. Muli, umani ito ng sandamakmak na reaksyon mula sa mga tao. Ngunit hindi tulad noong unang post, iba na ang naging reaksyon ng dalaga rito.

Natutunan niyang huwag pansinin ang mga tao walang ibang alam kundi ang makisawsaw sa buhay ng ibang tao. Basta’t sigurado siyang wala siyang inaagrabyadong tao at nakakatulong siya sa kapwa niya, hindi problema kung anong maging desisyon niyang gawin sa sarili niyang katawan at pera.

Simula sa araw na iyon, naging maluwag ang dibdib ni Grace nang simulan niyang huwag magpaapekto sa sinasabi ng mga tao.