Inday TrendingInday Trending
Barumbado, Sinampolan Ni  SK-Chairman

Barumbado, Sinampolan Ni SK-Chairman

May tumawag sa telepono ng Baranggay at inire-report ang mga grupo ng kabataan na nagkakagulo sa gitna ng daan sa Tambunting Sta. Cruz Manila. Agad namamg rumesponde ang mga tanod kasama si SK Chairman Larry.

Naabutan nila ang grupo ng mga kabataan na nagsusuntukan kaya agad nila itong inawat upang matigil na ang gulo. May isang lalaki na duguan ang buong mukha, ayon sa mga saksi ay hinampas iyon ng bote ni alyas siga o mas kilala bilang si Santi.

“Umuwi na kayo!” saway ni Larry. Nakainum ang mga ito dahil sa amoy na nanggagaling sa mga katawan nito. “Lasing na naman kayo kaya nagwawala na naman kayo dito sa barangay natin! Umuwi ka na Santi at ikaw naman Reyman, sumama ka sa patrol para magamot iyang sugat sa ulo mo,” saad ni Larry.

“Samalat po SK,” wika ni Reyman at tsaka sumakay sa patrol ng baranggay.

“Magsiuwian na kayo! Kabataan ang pag-asa ng bayan pero sakit kayo sa ulo,” singhal ni Larry sa pitong kabataan na natira. “Sino ba ang may pasimuno ng gulo?” tanong niya.

“Sila Santi po, dumaan lang naman kami sa harapan nila. Pero bigla na lang nila kaming hinarang at hinamon ng suntukan,” paliwanag ng barkada ni Reyman.

Kung titignan ang magka-away na grupo. Sila Santi nga ang mukhang mga nakainum, sa klase ng tayo nito at sa pungay ng mga mata. “Sakit ka talaga sa ulo kahit kailan, Santi. Kailan ka ba magtitino?” mariing tanong niya rito.

“Yabang mo Larry ah! Por que SK ka na ngayon inaangasan mo na kami,” nanghahamon na wika ni Santi.

“Santi, lasing ka lang ngayon kaya mayabang ka. Bukas ka na namin ipapatawag sa baranggay dahil sa atraso mo doon kay Reyman,” pigil ang galit na sambit ni Larry. Laging ganito si Santi lalo na kapag lasing, nanghaharass at naghahamon ng away kaya suking-suki na ang mga ka-grupo nito sa barangay nila.

“Tandaan mo, Larry, hindi sikat ang frat mo! ‘Di katulad sa frat ko na nationwide ang kasikatan. Kung tutuusin wala kang binatbat kapag ikaw ang tinira ko,” mayabang na wika ni Santi.

“Hindi kita papatulan, Santi, dahil lasing ka na,” mahinahon niyang wika sabay lakad palayo sa mga ito nang biglang sumigaw si Santi.

“F*ck you, Larry! Kurakot ka naman SK ka pa nga lang. Anong ipinagmamalaki mo? Iyong mga ka-frat mong maliliit ang et*ts,” sigaw nito sabay tawa. “Bahag naman ang mga buntot ninyong lahat! Walang-wala kayong panama sa’min,” tatawa-tawang wika pa nito.

Hindi na niya napigilan ang sarili. Dinalawang hakbang niya ang kinaroroonan nito sabay lapat ng matigas niyang kamao sa mukha ni Santi. Agad itong natumba at muli ay sinundan niya ng sunundan ang pagsuntok sa mukha ni Santi. Kung hindi pa siya inawat ng mga kasama niya ay baka hindi niya pa ito tinigilan.

“Bakit mo ginawa iyon, Larry?!” galit na tanong ni Chairman Roy sa kaniya.

“Somusobra na po kasi siya chairman. Patawarin niyo po ako kung nawala ang pasensiya ko sa kaniya. Handa naman po akong panagutan kung ano ang dapat kong panagutan chairman. Tao lang ako at napupuno din, patawad po ulit,” hinging paumanhin ni Larry.

Kinabukasan ay maagang pinatawag si Larry ng Baranggay dahil magsasampa ng kaso ang mga magulang ni Santi sa ginawa niya. Hindi naman nagdalawang isip na pumunta si Larry sa Baranggay upang harapin ang mga ito.

“SK ka pa lang ang yabang-yabang mo na! Nakuha mo pang bugbugin ang anak ko!” mangiyak-iyak na wika ng nanay ni Santi.

“Hindi naman siya mabubugbog misis kung hindi mayabang ang anak ninyo,” sabat ni Wilfred isa sa mga tanod na kasama nila sa operasyon.

“Kahit na! Sapat ba na dahilan iyon para mambugbog kayo? Por que nasa serbisyo kayo ang yayabang niyo na,” muling wika ni Manang Salie ang ina ni Santi.

“Misis, ito na lang ang tanong ko. Itutuloy niyo po ba ang pagsampa ng kaso kay SK Larry?” singit ni Chairman Roy.

“Opo! Para ma-leksyunan ang mga abusadong tauhan ng Barangay katulad ni Larry,” galit na sagot nito.

“Ano ang masasabi mo dito, Larry,” tanong sa kaniya ni Chairman.

“Hindi ko naman gagawin ang bagay na iyon kung hindi ako pinagsalitaan ni Santi ng masama. Pero handa akong harapin kung anuman ang nararapat kong gawin,” wika ni Larry.

“Paano naman misis kung mamaya pumunta rito si Reyman? Siya lang naman po ang ginamot namin kagabi kasi hinampas ng bote nitong anak niyo. Pina-medical namin iyon, at nalamang menor de edad pa lang si Reyman dahil kinse anyos pa lang ito. Samantalang iyang anak ninyo disi otso na. Sinong uunahin ko?” tanong ng chairman rito. Nakita ni Larry kung paano namutla ang mukha ni Manang Salie sa sinabi ni Chairman Roy.

“Hindi naman po kasi mangyayaring masusuntok iyang anak niyo kung hindi ‘yan barumbado. Tapos ngayon na nabugbog siya kasalanan pa naming mga opisyal. dahil pinigil namin ang gulong ginawa niya. Ang tapang-tapang kapag nakainum pero kapag nabugbog animo’y tuta na magtatago sa palda ng nanay?

Inaamin ko na may kasalanan si Larry sa anak ninyo. Pero mas may malaking atraso ang anak ninyo kay Reyman. Basag po ang bungo nung bata, samantalang siya, kung hindi sa kayabangan niya hindi naman mababasag iyang mukha niya. Kaya ngayon uulitin ko itutuloy niyo ba ang kaso kay Larry? Kung mamaya lang ay si Santi na naman ang kakasuhan? Sinong uunahin ko? Malamang iyong menor de edad na hinampas niya ng bote ang pagtutuunan ko ng pansin misis,” mahabang paliwanag ni Roy sa ina ni Santi.

Hindi na nakaimik ang babae at maya-maya pa ay inatras na lamang ang kaso laban kay Larry. Nangako naman si Larry na sasagutin ang pagpapagamot sa bugbog saradong mukha ni Santi. Habang si Reyman ay itinuloy ang pagsampa ng kaso laban kay Santi. Ayon sa ina nito’y para magtanda ang lalaki at para hindi na rin ito pamarisan ng katulad nitong barumbado. Makalipas ang dalawang buwan ay nahatulan ng ilang taong pagkakulong si Santi dahil sa ginawa nito kay Reyman. Leksiyon sa mga taong masyadong matapang.

Huwag mag-angas-angasan kung hindi sapat ang iyong tapang. Katulad na lang sa nangyari kay Santi, ang tapang at yabang kasi alaka niya’y takot sa kaniya ang lahat. Hindi niya inakalang makakahanap siya ng katapat sa katauhan ni Larry at kay Reyman. Hindi man siya kayang patumbahin ni Reyman sa suntukan, pinatumba naman siya nito sa pamamagitan ng batas.

Kung ano ang iyong itinanim, siya din naman ang iyong aanihin. Kaya’t kamalas-malasan lamang ni Santi na mali siya ng kinalaban at bumalik sa kanya ang mga kasamaang ginawa niya.

Advertisement