Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Magandang Babaeng Ito ang Matabang Kapwa niya Nag-a-apply bilang Modelo; Laglag ang Panga Niya nang Hindi Ito Magpatalo!

Ininsulto ng Magandang Babaeng Ito ang Matabang Kapwa niya Nag-a-apply bilang Modelo; Laglag ang Panga Niya nang Hindi Ito Magpatalo!

Napangiwi si Tatiana nang bumukas ang entrance ng lobby kung saan naghihintay ang mga aplikanteng modelong katulad niya, at iniluwa no’n ang isang matabang babaeng nakasuot ng damit na hapit sa katawan nito.

“Ang lakas ng loob!” hindi niya napigilang komento, lalo na nang lumakad ito sa kanilang harapan na punong-puno ng kumpiyansa sa sarili. Halos doble ang laki ng katawan nito kung ikukumpara kay Tatiana, ngunit taas-noo ito kung maglakad! Dahil doon ay hindi napigilan ng dalaga ang mainis sa nasabing matabang babae, kahit wala naman itong masamang ginagawa sa kaniya. Maya-maya pa ay hindi na talaga niya kinaya pang magpigil at nilapitan na niya ito…

“Hoy, ikaw,” tawag ni Tatiana sa nasabing babae, “ano ngang pangalan mo?” iritable pang tanong niya.

“I’m Precious, and you are?”

“Tatiana,” mabilis namang sagot niya. “Gusto kong tandaan mo ang pangalang ’yan, dahil ’yan ang pangalang makikita mong magiging mukha ng brand na ’to. Hindi katulad mong tabachingching ang tatalo sa akin,” tahasan pang anang dalaga na ikinataas naman ng kilay ng kausap.

“Ano’ng problema mo, miss?” inis na anito.

“Ikaw…’yang katabaan mo. ’Yan ang problema ko. Ang lakas ng loob mong sumali sa pag-a-apply dito, e, nakita mo namang puro sexy at magaganda ang mga nagbabakasakali! Sino’ng nagsabi sa ’yo na bagay ka rito?” nakataas ang kilay na pasaring naman ni Tatiana.

“Wala,” ngunit taas-noo pa ring sagot ng babaeng si Precious, “pero wala rin namang nagsabing hindi p’wedeng mag-apply dito ang mga plus-sized na ’tulad ko. Pareho lang naman tayong aplikante rito, kaya wala ka ring karapatang pagbawalan ako,” mariing dagdag pa nito na nagpatahimik naman kay Tatiana.

Nang tingnan niya ang iba pang kapwa aplikante ay nakita niyang masama rin ang tingin sa kaniya ng mga ito. Wala man lang ni isa sa kanila ang sang-ayon sa kaniyang mga sinabi.

Walang nagawa si Tatiana kundi ang padabog na bumalik sa kinauupuan niya kanina, habang si Precious naman ay masayang nakipagkuwentuahan sa iba pang kapwa nila aplikante.

Maya-maya pa, isa-isa nang tinawag ang kanilang mga pangalan para sa interview na ang may-ari daw mismo ang siyang nagsasagawa. Ganoon na lang ang lakas ng hagalpak ni Tatiana nang makita niya kung paano nanlaki ang mga mata ng sekretaryang tumatawag sa kanila, nang si Precious na ang tawagin nito. Pinagtinginan na naman tuloy siya ng iba pang aplikante, at maging ang may-ari mismo ng kompaniya ay napalabas sa opisina upang silipin kung sino ang gumagawa ng malakas na ingay na ’yon.

“Bakit ka tumatawa, miss?” takang tanong nito sa kaniya nang hindi namalayan ni Tatianang nakalapit na pala ito.

Pupunas-punas pa siya sa maluha-luha niyang mga mata, dulot ng katatawa nang sagutin niya ito. “Paano, sir. Hindi yata alam ng tabachoy na ’yan na hindi para sa katulad niya ang mga ganitong linya ng propesyon. Hindi siya nababagay na maging modelo, lalo na ng mga beauty products na katulad nito, dahil, tingnan n’yo naman ang hitsura niya! Wala yatang salamin sa kanila ang babaeng ’yan, e!” tuwang-tuwa pang aniya at inaasahan niyang makikitawa sa kaniya ang mga ito, ngunit hindi, dahil biglang natahimik ang paligid at lahat ng mga taong naroon sa lobby ay nakatitig muli nang masama sa kaniya!

Nang lingunin niya ang may-ari ng kompaniya, na si Mr. Ledesma, ay ganoon na lang ang takot ni Tatiana nang makita niyang madilim ang mukha nito at halata ang galit sa ekspresyon. Hindi nito nagustuhan ang kaniyang sinabi.

“Aplikante ka ba?” tiim-bagang na tanong nito sa kaniya at tango lang ang naisagot ni Tatiana. “Kung ganoon ay huwag ka nang umasang matatanggap ka, dahil hindi ko kailangan ng isang katulad mo sa kompaniya ko. You’re not even a model-material, dahil ayaw ko ng modelong mapang-insulto sa kapwa.”

Natulala si Tatiana sa mga narinig na sinabi ng lalaki, bago nito hinarapa ang matabang aplikanteng si Precious.

“You’re hired,” anito na ikinagulat ng lahat. “Sa lahat ng aplikante rito, ikaw lang ang nakita kong pinakabagay na maging mukha ng aming brand, dahil ikaw mismo ang sumasalamin sa mga costumers namin. Mga babaeng matatapang at walang inuurungan. Mga babaeng kayang magtiwala sa sariling kakayahan kahit pa inaapakan at iniinsulto siya ng kaniyang kapwa.”

Hinarap din ni Mr. Ledesma ang iba pang mga aplikante upang kausapin ang mga ito. “Sa inyong lahat, sana ay palagi ninyong tandaan…beauty is in the eyes of the beholder. Huwag ninyong hayaang sakupin ng kakitiran ng isip natin ang pagiging makatao natin. Sana’y huwag kayong tumulad sa mga taong panlabas na anyo lang ang pinagaganda, dahil ang mga taong ganoon ay walang pag-unlad. Iyon lang at maraming salamat sa inyong lahat,” dagdag pa nito bago muling hinarap ang ngayon ay nakangiting si Precious upang makipagkamay sa dalaga.

Umuwing pahiyang-pahiya si Tatiana nang araw na iyon, dala ang leksyong natutunan niya mula mismo sa may-ari ng kompaniyang pinag-a-apply-an niya. Siguradong hindi na siya magtatangkang umulit pa sa panlalait ng iba.

Advertisement