Inday TrendingInday Trending
Maaga Niyang Binungangaan ang Kaniyang Asawa sa Hindi Nito Pagsunod sa Kaniya, Isang Nakakatakot na Pangyayari pala ang Magbibigay Aral sa Kaniya 

Maaga Niyang Binungangaan ang Kaniyang Asawa sa Hindi Nito Pagsunod sa Kaniya, Isang Nakakatakot na Pangyayari pala ang Magbibigay Aral sa Kaniya 

Tuwing may pagtatalo sila ng kaniyang asawa, hindi makontrol ng padre de pamilyang si Jonas ang kaniyang emosyon at bunganga. Hangga’t nakakaramdam siya ng galit, gusto niya na tuloy-tuloy bungangaan ang kaniyang asawa na palagi lang namang tumatahimik kapag nararamdaman na nitong sasabog na siya sa galit. Sabi nga ng iba, daig niya pa nga raw ang mga babae kung magbunganga.

Kinahihiya man niya ito minsan, hindi niya naman makontrol ang sarili kapag nasa ganoong sitwasyon na naman siya. 

Isang araw, maaga siyang bumangon para sana maaga rin siyang makapasok sa trabaho at dahil nga hindi niya naman kayang kumilos mag-isa, agad niya na ring ginising ang kaniyang asawa. 

“Jonas naman, ang aga-aga pa. Baka pwedeng mamaya ka na kumilos? Kakababa ko lang sa anak mo, eh. Alam mo namang madaling araw na ‘yan matulog,” daing ng kaniyang asawa habang pupungay-pungay pa ang mga mata. 

“Kasalanan ko bang madaling araw na iyan matulog, ha? Kumilos ka na lang bago pa ako mabwisit sa’yo!” sigaw niya rito saka na siya agad na lumabas ng kanilang silid sa pag-aakalang susunod na rin ito sa kaniya. 

Kaya lang, natapos na siyang maligo at magsipilyo, hindi pa rin ito kumikilos para paglutuan siya ng almusal! Kaya naman, dali-dali siyang bumalik sa kanilang silid at ito’y agad na binungangaan. 

“Ano ba, Karmen? Hindi ka ba talaga babangon d’yan? Kailangan ko nang pumasok!” sigaw niya rito. 

“Ito na, ito na,” hinang-hina nitong tugon at dahil nga dahan-dahan pa ito kung gumalaw, hinila na niya ito patungo sa kanilang kusina. Doon niya ito mas binungangaan. 

Ngunit habang siya’y nasa kalagitnaan ng pagbubunganga, may isang ginang ang biglang kumatok sa kanilang tindahan na hindi pa naman bukas. Sigaw nito, “Pabili nga ako, Jonas, ng isang yelo!” 

“Kaaga-aga pa, yelo agad ang hinahanap mo! Wala pa kaming yelo, tanda!” sigaw niya rito habang pinipigil ang galit na nararamdaman para sa asawang naglalamas na ng kaning lamig upang isangag. 

“Ikaw nga, kaaga-aga, imbis na tilaok ng manok ang gumising sa buong barangay na ito, bunganga mo ang umaalingawngaw!” sagot pa ng matanda na talagang ikinabwisit niya. Nakita na ng kaniyang asawa ang pamumula ng mukha niya kaya agad itong naghugas ng kamay at nagpunta sa kanilang tindahan. 

“Manang, ako na pong kukuha, saglit lang po!” sigaw nito upang tumigil na ang matanda na ikinainis niya lalo kaya sinundan niya rin ito sa tindahan. 

“Uunahin mo pa ‘yan kaysa lutuan mo ako ng…” hindi niya pa natatapos ang pagbubunganga sa asawa, may bigla na lamang siyang narinig na malakas na pagsalpok sa kanilang kusina at pagtingin nilang mag-asawa, isang trak ng basura ang nawalan ng preno at pumasok sa loob ng kanilang kusina. 

Kung hindi umalis doon ang asawa niya, sigurado ay duguan din ito katulad ng drayber na tinulungan niyang makalabas mula sa trak. 

“Mabuti pala bumili ako ng yelo, at nagulo ko kayo, ano? Kung hindi, baka bunganga mo ang huling narinig ng asawa mo sa mundong ito,” iiling na sabi ng matanda habang yakap-yakap ang asawa niyang labis na nabigla sa naturang pangyayari. 

“Opo nga po, manang, eh. Patuloy niyo lang po kaming guluhin, ha? Kahit madaling araw, kahit gabi,” mangiyakngiyak niyang sabi habang karga-karga ang kaniyang anak na mahimbing pa ring natutulog at kaniyajg inaalala ang pangyayaring muntikan nang magbigay ng matinding kalungkutan sa kaniya. 

Simula rin noon, siya’y labis na natakot sa pagkawala ng kaniyang asawa. Kaya naman, ginawa niya ang lahat upang makontrol ang emosyon at bunganga para rito. Kung dati ay inilalabas niya sa bunganga ang lahat ng galit na nararamdaman niya, ngayo’y unti-unti niyang natututuhang huminga nang malalim bago magsalita na nagbibigay ng daan upang siya’y kumalma. 

Ang pangyayaring iyon din ang nagbukas sa kaniyang isipan na anumang oras ay maaaring kuhanin sa kaniya ang asawa niyang walang ginawa kung hindi ang pagsalbihan siya. Upang makabawi rito, simula nang araw na iyon, araw-araw niya itong niyayayang lumabas upang kumain, magpalinis ng kuko, at kung ano pa mang aktibidad na magugustuhan nito na talagang nagbigay upang muling lumalim ang kanilang pagmamahalan at maghilom ang mga sugat sa puso ng kaniyang asawa mula sa mga ginawa niyang pagbubunganga rito noon. 

Kung dati ay puro sermon at pangmamaliit sa asawa ang lumalabas sa bunganga niya, ngayo’y puno na ito ng pagmamahal at pag-aalaga hindi lang dito kung hindi pati na rin sa kanilang munting anak. 

Advertisement