Siya ang Tanging Inaasahan ng Kaniyang Pamilya; Sa Tindi ng Problemang Pasan Niya, Hindi Niya Napansin ang Pagtingin ng Kaibigan 
Pakiramdam ng dalagang si Kikay, pasan-pasan na niya ang mundo dahil sa dami ng problemang binibigay sa kaniya nito. Sa edad niya kasing trenta anyos, siya ang tanging inaasahan ng kaniyang buong pamilya. Hindi man siya ang panganay na anak, siya naman ang tanging anak na mayroong magandang trabaho kaya siya ang palaging nilalapitan ng kaniyang mga magulang, mga nakababatang kapatid, at pati na rin ang mga nakatatanda niyang kapatid na may kaniya-kaniya ng pamilya.
Malalakas pa rin naman ang kaniyang mga magulang. Ang tatay niya nga’y wala nang ginawa sa buhay kung hindi ang magbasketball kasama ang bunso niyang kapatid na lalaki. Tila nakampante ito nang malamang malaki-laki ang sinasahod niya buwan-buwan at tumigil na sa pamamasada ng dyip.
Habang ang nanay niya naman, palaging wala sa kanilang bahay dahil ito’y abala sa paghahanap nang mayamang lalaking maipapareha sa kaniya na talaga nga namang mas nagpapatindi ng sakit ng ulong nararanasan niya araw-araw.
Mabuti na lamang talaga, mayroon siyang kaibigang masasandalan at makukwentuhan ng mga problema niyang ito. Paulit-ulit man ang mga hinaing sinasabi niya rito sa araw-araw na pagkikita nila, masaya siyang makitang interesado itong tumulong sa kaniya. Ito ang binatang si Sandy, ang tanging taong mapagkakatiwalaan niya at ang tanging nilalang na ayaw ng pritong manok na talagang ikinatutuwa niya dahil siya’y palaging napapakain nang marami kapag kasama niya ito!
Katulad ng mga nakaraang araw, pagkalabas niya sa trabaho, agad na niyang nakita ang sasakyan nito sa harap ng pinapasukan niyang kumpanya. Dali-dali niya itong nilapitan at pagkakitang-pagkakita niya rito, puro hinananing na naman sa kaniyang problema na naman ang lumabas sa kaniyang bunganga.
“Pwede bang kumain muna tayo? Puro problema na naman ang nasa utak mo!” saway nito na ikinagalak niya.
“Ililibre mo ba ako? Sige, roon tayo sa bagong bukas na chicken house sa kabilang kalsada!” yaya niya na ikinailing naman nito.
“Diyos ko! Mukhang ikaw na naman ang may maraming makakain!” wika pa nito na talagang ikinatawa niya.
“Syempre, ayaw mo ng pritong manok, eh!” sabi niya habang sumasayaw-sayaw pa!
Habang kumakain at nagkukwentuhan silang magkaibigan sa restawrang iyon, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang ina. Siya’y pinapapunta nito sa isang kapehan dahil mayroon daw itong ipapakilala sa kaniyang mayamang lalaki!
“Mama, ayoko nga pong makipag-date sa ngayon! Ang dami-dami kong problem…” hindi na niya natuloy ang sasabihin dahil agad na siya nitong sinigawan.
“Kung hindi ka pupunta rito, hindi na ako uuwi sa bahay!” bulyaw nito na ikinarindi niya.
“O, sige na, sige na, magpupunta na ako riyan,” napipilitan niyang sabi saka agad na binaba ang tawag.
Magpapaalam pa lang sana siya kay Sandy nang bigla nitong kainin ang isang malaking pritong manok na galing sa plato niya!
“Hoy! Anong ginagawa mo? Hindi ba’t ayaw mo niyan?” sigaw niya sa kaibigan.
“Akala mo lang ‘yon, Kikay! Paborito ko kaya ito noon pa man! Binibigay ko lang sa’yo ang mga manok na binibili ko dahil alam kong paborito mo iyon!” paliwanag nito na labis niyang ikinapagtaka.
“A-anong ibig mong sabihin?” tanong niya pa rito.
“Hindi mo pa rin ba naiintindihan? Gusto kita, Kikay, matagal na! Kaya lang, hindi mo ito makita-kita dahil puro problema ang nasa isip mo!” sabi pa nito na ikinawindang niya, “Huwag ka nang pumunta sa kapehang iyon. Ako nang bahala sa nanay mo,” sabi pa nito saka agad na tinawagan ang kaniyang ina.
Hindi man niya alam ang gagawin niya dahil sa labis na pagkabiglang nararamdaman, hindi niya mawari kung bakit masaya ang puso niya nang malaman ang katotohanang iyon.
Nawala ang takot niya na baka hindi umuwi ang kaniyang ina kapag hindi siya nagpunta sa naturang kapehan at agad na guminhawa ang puso niya dahil ang lalaking may gusto sa kaniya ay ang tanging taong nakakaintindi sa kaniya.
Mayamaya pa, dumating na sa restawrang iyon ang kaniyang ina at agad nitong niyakap ang kaniyang kaibigan. Tuwang-tuwa ito dahil sa pag-aming ginawa nito at sa kagustuhan nitong siya’y ligawan.
Pinangako rin nito sa kaniyang ina na giginhawa ang kanilang buhay kaya ganoon na lamang ito natuwa. Dahil nga kilalang-kilala na naman niya ang naturang binata at nakaramdam na rin siya ng pagmamahal dito, agad na rin siyang sumang-ayon sa kagustuhan nitong sila’y pumasok sa isang relasyon.
Iyon na ang naging simula nang pagkakaroon niya ng tunay na saya sa kaniyang puso. Hindi naman agad naging maayos ang takbo ng buhay niya bilang tagatugon ng lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya, malaking ginhawa ang nararamdaman niya araw-araw dahil ngayon, hindi na siya mag-isa sa pagsolusyon dito. Kasama na niya ngayon ang dati niyang kaibigang si Sandy na ngayon ay nobyo na niyang nagtayo ng negosyo para sa kaniyang pamilya.
Dahil sa negosyong iyon, kung dati ay umaasa lang sa kaniya ang kanilang buong pamilya, ngayo’y lahat sila ay kumikilos na para maipagpatuloy ang pag-arangkada ng naturang negosyo. Ito ay talagang nagbigay ng malaking tulong at ginhawa sa kaniya.