Nakapag-uwi Siya ng Isang Kahong Grocery na Hindi sa Kaniya, Hindi Niya Ito Isinauli at Ginawa Pang Paninda
Maagang namalengke ngayong araw ang ginang na si Karen upang mamili ng mga panindang ilalagay niya sa kaniyang sari-sari store.
Katulad ng kaniyang nakagawian, bago siya mamalengke, ipinaghanda niya muna ng almusal ang natutulog niya pang mga anak saka siya naglista ng mga panindang malapit nang maubos sa kaniyang tindahan.
Habang iniisa-isa niyang binubusisi kung anong paninda ang dapat niyang bilhin, hindi niya maiwasang mag-alala dahil pahaba na nang pahaba ang kaniyang listahan at kakaunti lang ang perang hawak niya.
“Paano ko ba pagkakasyahin ang dalawang libong pisong kita ko sa dami ng panindang kailangan kong bilhin? Hindi naman yata ako tumutubo sa tindahang ito!” kamot-ulo niyang sabi at nang makita niyang malapit ng mag-alas sais ng umaga, siya’y dali-dali nang lumabas ng kaniyang tindahan at sinabing, “Bahala na nga, kung ano na lang ang mabibili ko sa perang ito, iyon na lang ang ititinda ko!”
Habang nasa grocery, pilit niyang pinagkasya ang perang mayroon siya. Ang mga mabibiling paninda sa kaniyang tindahan ang una niyang binili katulad ng mga alak, sigarilyo, kape, at mga kendi na patok sa mga bata.
Nang matantiya na niyang kukulangin na ang dala niyang pera, dali-dali na rin siyang nagbayad sa cashier at tumawag ng pedicab drayber na tutulong sa kaniyang magbuhay ng mga napamili niya.
“Sa may baryo uno, manong!” agad niyang sabi sa drayber at siya nga ay hinatid nito sa kaniyang bahay. Kaya lang, nang siya’y makauwi na sa kanilang bahay, napansin niyang may isang malaking kahon ng grocery ang napasama sa kaniyang mga napamili! Sa labis niyang pagkataranta, agad niya itong binuksan at siya’y napasigaw nang mahina dahil ang laman ng kahong iyon ay ang mga panindang hindi niya nabili dahil kapos ang pera niya!
“Diyos ko! Marami pong salamat! Mahal na mahal mo talaga ako, ano? Alam mo talagang kulang ang pera ko kaya biniyayaan mo ako ng ganito!” malakas niyang panalangin.
“Hindi ‘yan biyaya ng Diyos, hija. Isauli mo ‘yan, siguradong may taong nagmamay-ari niyan at ngayon ay namomoblema kung saan niya hahagilapin ang kahong iyan,” sabat ng matanda na nakatira sa tabing bahay niya.
“Ay, naku! Nakialam na naman ang matandang hukluban! Ano bang bibilhin mo, manang? Dali na at mag-aayos pa ako ng mga paninda!” sigaw niya rito habang pilit niyang tinatago ang naturang kahon.
“Hindi ako bibili, narinig ko lang na nananalangin ka kaya tiningnan ko kung anong biyayang natanggap mo ngayon. Pero para sabihin ko sa’yo, hindi para sa’yo ang biyayang iyan kaya isauli mo na bago ka pa makarma!” payo nito na talagang ikinatawa niya.
“Bakit naman ako makakarma? Kinuha ko ba ang kahong ito? Hindi naman, eh! Kusa itong dinala rito sa bahay ko!” sigaw niya pa rito.
“Bahala ka, hija, basta nabalaan na kita!” wika nito at dahil nga bwisit na siya sa matanda, binelat-belatan niya pa ito pagtalikod.
Sa pag-aakalang para nga sa kaniya ang biyayang iyon, agad niyang inayos at sinalansan sa kaniyang sari-sari store ang laman ng kahong iyon na labis na ikinataba ng kaniyang puso dahil halos mapuno ang maliit niyang sari-sari store.
Ngunit, kinabukasan, biglang sumakit ang kaniyang ulo nang makitang puro kagat ng daga ang kaniyang mga paninda at lahat ng ito ay nakabukas at nakasabog na!
Nang imbestigahan niya kung saan nanggaling ang mga daga at kung anong paninda ang unang kinain ng mga ito, naalala niyang naiwan niyang bukas ang pinto ng kaniyang tindahan at ang unang nakain ng mga daga ay ang ilang chichiryang laman ng malaking kahong hindi naman sa kaniya!
Puno man ng inis ang buong pagkatao niya, pinilit niya pa ring isalba ang ilang paninda. Kaya lang, kung hindi ito may kagat ng daga, nakabukas na ito at hindi na pupwede pang ibenta dahilan para ganoon na lamang siya manghina.
“Ayaw mong makinig sa akin, eh!” sigaw ng matanda sabay tampal sa likod niya at dahil wala siyang ganang makipagtalo rito, umiyak na lamang siya sa harap ito.
Laking gulat niya nang siya’y yakapin nito at tulungang maglinis ng kaniyang tindahan. Hindi pa roon natatapos ang kabutihan ng matanda dahil bago ito umuwi ng sariling bahay, inabutan siya nito ng dalawang libong piso saka sinabing, “Magsimula ka muli. Ngayon, maging tapat ka na sa pagnenegosyo. Sigurado, aayon na sa’yo ang panahon,” na talagang nagbigay ng panibagong pag-asa sa kaniya.
Maliit man ang puhunang ibigay sa kaniya ng matanda, laking gulat niya nang agad niya itong mapalago pagkalipas lamang ng isang buwan. Doon niya napagtanto ang kaibahan ng biyaya sa temptasyon at aral.
Kaya naman, naging maingat na siya sa pagnenegosyo at kaniyang prinotektahan ang puso sa ganid na maaari niyang maramdaman. Sa ganoong paraan, natugunan na niya ang mga pangangailangan ng kaniyang mga anak, nagkaroon pa siya ng matandang masasandalan na naging kadikit na niya simula nang araw na iyon.