Minamaliit ng Tiyahin at Mga Pinsan ang Dalagang Ito dahil Mahina raw sa Eskwela; Diskarte pala ang Magdadala Dito ng Tagumpay
Nagmamadaling umuwi ang dalagang si Andeng upang maasikaso niya ang inang si Rosa. Matagal na kasing pilay ang mga binti mnito at hirap na itong kumilos. Dahil nakikitira lang siya sa kaniyang tiyahin ay lalong mabigat sa kaniya ang pasanin.
Nasa gate pa lang si Andeng ay dinig na niya ang bunganga ng kaniyang Tita Elena.
“Saan ka na naman ba galing, Andeng? Kanina pa dumumi itong nanay mo! Hindi naman p’wedeng ako ang maglinis sa kaniya, Nakakahiya naman iyon masyado sa akin, ‘di ba? Nilisan mo na kaagad at palitan mo ng lampin! Umaalingasaw na dito sa loob ng pamamahay ko! Diyos ko po, puro kayo perwisyo!” patuloy ang sermon ng ginang.
Agad namang nilinis ni Andeng ang kaniyang ina.
“‘Nay, pasensya na po at nahuli ako, a. May binayaran kasi sa klase kanina kaya nagkulang ang pamasahe ko. Naglakad lang po ako pauwi,” sambit ng dalaga.
“Ayos lang, anak. Pasensya ka na sa akin. Imbes na ako ang nag-aalaga sa iyo’y ikaw pa itong nag-aalaga sa akin. Napagalitan ka pa tuloy ng Tiya Elena mo,” paumanhin naman ng ina.
“Hayaan n’yo na po ‘yun, ‘nay, sanay naman na po ako. Saka malaki rin naman ang utang na loob natin sa kanya dahil kahit kapatid siya ni tatay ay pinatira pa rin niya tayo rito,” dagdag pa ng dalaga.
Matagal nang nasawi ang ama ni Andeng dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Ito rin ang dahilan kung bakit baldado ngayon ang kaniyang ina. Simula noon ay naghirap na ang mag-ina. Napilitan naman si Elena na kupkupin ang dalawa dahil tingin niya’y mapapakinabangan niya itong si Andeng sa mga gawaing bahay.
Sa ilang taong pamamalagi nila sa bahay na iyon ng kaniyang Tiya Elena ay wala ngang ginawa si Andeng kung hindi pagsilbihan ito pati ang mga anak nito. Para siyang naging kasambahay na ang tanging sweldo lang ay pagkaing natitira nila, libreng masisilungan at higit sa lahat ay nakakapag-aral siya.
Isang araw ay tuwang-tuwang umuwi si Andeng upang ipakita sa kaniyang ina ang report card. Wala kasi siyang bagsak ngayon. Aminado kasi siyang hindi naman siya kagalingan sa pag-aaral. Ang mahalaga ay pumapasa naman siya.
Nang marinig ng isang pinsan na ipinagmamalaki niya ang grado sa kaniyang ina ay tumawa ito.
“Anong dapat ipagmalaki riyan? Pasang awa! Dapat sa iyo ay hindi na mag-aral dahil kahit ano pang ituro ng guro ay wala rin namang nadaragdag d’yan sa utak mo! Hindi ka pa rin matalino, Andeng!” tukso ng pinsan.
Hindi na lang siya kumibo dahil ito ang bilin sa kaniya ng ina. Huwag na huwag siyang sumagot dahil nakikitira lamang sila.
Nang magtapos ng hayskul ay naghahanda na itong si Andeng upang makapag kolehiyo. Nakapasa siya sa isang pampublikong unibersidad. Ayos na rin ‘to basta makatapos siya ng pag-aaral. Ngunit patuloy pa rin ang panghahamak sa kaniya ng tiyahin at mg pinsan niya.
Wala lang siyang magawa dahil ayaw niyang mapalayas sila. Kaya tinitiis niya ito sa mahabang panahon.
Nang makatapos ng kolehiyo ay isa-isa na silang naghandap ng trabaho. Masyadong ipinagmamalaki ni Elena ang kaniyang mga anak dahil sa opisina nagtratrabaho ang mga ito.
“Wala ka pa ring nakukuhang trabaho? Umaasa ka pa ba na tatawagan ka talaga nila? Kung ako sa iyo, Andeng, ay tatanggapin ko na lang ang mga trabahong kahera, ganyan, dahil ‘yun naman ang nababagay sa iyo. Tapos ka nga ng pag-aaral pero wala naman kasi talagang laman ‘yang utak mo!” kantiyaw pa ng tiyahin.
Nasasaktan si Andeng. Gustong-gusto na niyang makahanap ng trabaho upang makabukod na sila ng kaniyang ina.
Dahil gumugulong na ang araw at wala pa ring nakikitang trabaho itong si Andeng ay napilitan siyang magnegosyo muna. Bumili siya ng mga damit sa ukay-ukay at saka niya ito nilabhan at pinalantsa.
Habang kinukunan niya ito ng litrato ay nariyan naman ang tiyahin at mga anak nito.
“Mas pinili mo na lang na magtinda ng gamit na damit kaysa humanap ng trabaho? Sabi ko sa iyo’y sinayang mo lang ang apat na taon sa kolehiyo! Sana noon ka pa huminto para noon ka pa kumita. E ‘di sana ngayon ay hindi na kayo umaasa ng nanay mo sa akin!” sumbat ng ginang.
“Naghahanap pa rin naman po ako ng trabaho, tiya, pero habang wala pang tumatawag sa akin ay tyatyagain ko muna itong pagtitinda para kahit paano po ay makatulong ako sa gastusin,” saad ng dalaga.
“Sa tingin mo talaga’y kaya kayong buhayin ng pagtitinda mo ng mga ukay-ukay ndamit na ‘yan, a! O siya, sige, paghusayan mo!” tatawa-tawang sambit pa ni Elena.
Walang naniwala ay Andeng kung hindi ang kaniyang ina. Todo ang suporta nito sa negosyo ng anak.
Hindi nagtagal ay nabenta na rin ang mga damit na kaniyang binili. Imbes na ipambili ng luho ay inipon niya ang kaniyang kita upang makabili ng mas maraming paninda. Pinaghihirapan niyang labhan ang sulsihin ang mga damit na ito bago kunan ng larawan. Tawang tawa naman si Elena dahil ayaw sumuko ng kaniyang pamangkin. Pero naiirita siya dahil nagkalat ang mga damit.
“Tutal kumikita ka naman na kahit paano. Bakit hindi na kayo magrenta ng nanay mo. Nang sa gayon ay ma-enjoy naman namin ng mga anako ko itong bahay namin. Matagal naman na kayong naki pamilya sa amin. Panahon na para umalis kayo!” saad ni Elena.
“Pero, tiya, hindi ko pa po kayang bumukod. Bigyan n’yo pa po ako ng kaunting panahon para makapag-ipon,” pakiusap pa ni Andeng.
Ngunit ayaw kasi ni Elena na maungusan ng pamangkin ang kaniyang mga anak. Ngayong nakikita niya na unti-unti nang nagkakapera ang dalaga’y gusto niya itong pahirapan.
“Umalis na kayo rito! Karapatan kong paalisin kayo dahil pamamahay ko ito! Ilang taon na rin kayong tumira dito, hindi na ba kayo nahiya? Umalis na kayo dahil ipapapulis ko kayo kapag umangal ka pa!” bulyaw ng tiyahin.
Hindi na nakaimik pa si Andeng at sumunod na lang sa gusto ng kaniyang Tiya Elena. Sa kabilaang banda ay alalang-alala naman siya sa kaniyang ina dahil sa kalagayan nito. Wala kasi silang mahanap na matutuluyan kung hindi isang maliit na silid malapit sa isang estero. Dito muna nila kailangan magtiyaga hanggang makalipat silang muli.
“‘Nay, pasensya na at kaunti pa lang kasi ang ipon ko. Peor hayaan ninyo at gagalingan kong magtinda para makaalis tayo sa lugar na ito,” wika ni Andeng.
“Anak, huwag mo akong alalahanin. Sanay akong magtiis. Mas mainam na ito dahil wala na tayo sa poder ng Tiya Elena mo. Hindi ka na nila makakawawa pa. Hindi ka na nila gagawing utusan,”sambit ni Rosa.
Naging inspirasyon para kay Andeng ang kalagayan ng kaniyang ina. Nais niyang ipagamot ito at iparanas ang magandang buhay. Kaya pinaghusayan niya talaga sa pagtitinda. Kahit na ukay-ukay lang ito’y pinapaganda niya upang magmukhang bago at kaaya-aya sa mata ng magsusuot.
Sa patuloy niyang pagsisikap ay nakaipon siya upang makalipat sila sa mas maayos na lugar. Tapos ay mas pinagigihan pa nya ang pagtitinda. Patuloy ang paghahanap niya ng magagandang produkto. Pinasok na rin niya ang mundo ng online selling at dito nga lalong umusbong ang kaniyang negosyo.
Dahil maganda ang paghawak ni Andeng sa kinikita niyang pera ay nakaipon siya ng malaking halaga para makapagrenta ng isang malaking shop. Ang sumunod ay gumawa na siya ng sarili niyang clothing line. Maganda disenyo ang kalidad ng tela ngunit swak lang sa badyet. Ito ang labis na nagpasikat sa kaniyang tindahan ng damit.
Hindi nagtagal ay nagtagumpay na ngai tong si Andeng. Nakapagpatayo na siya ng bahay at naipagamot na niya ang kaniyang ina. Ang matagal na niyang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang ina ay abot kamay na niya.
Nakarating naman sa kaniyang tiyahing si Elena ang lahat. Hindi sila makapaniwala na mas malaki pa ang kinikita ng pamangkin kaysa sa kanila kahit pagsama-samahin pa ang kanilang sahod.
“Paano mo nagawa ang lahat ng ito? Hindi ba’t mahina naman ang utak mo? Hindi ka nga magaling sa eskwela!” sambit ni Elena.
“Marahil nga ay hindi ako magaling sa akademiko pero pinalad naman ako sa pagnenegosyo. Hindi naman sukatan ang taas ng pinag-aralan tiya. Ang mahalaga ay madiskarte ka sa buhay at patuloy kang mangarap para sa bahay mo sa buhay,” tanging nasambit ng dalaga.
Inggit na inggit ngayon si Elena at kaniyang mga anak sa buhay na tinatamasa ng mag-inang Rosa at Andeng. Hindi sila makapainwala na ang dati nilang kinakawawang dalaga ay nasa rurok na ng tagumpay!