Gandang-ganda ang Babaeng Ito sa Kaniyang Sarili; Kalauna’y May Paglalagyan ang Kaniyang Matataas na Tingin sa Sarili
Panay ang tingin ni Rochelle sa salamin at hindi niya maiwasang humanga sa kaniyang sarili.
“Ang ganda ko talaga ngayong araw, bes, ano? Sigurado akong ngayon ay aamin na rin si Clyde sa nararamdaman niya sa akin,” sambit ng dalaga sa matalik na kaibigang si Sonia.
“Gaano ka naman nakakasigurado na gusto ka nga rin ni Clyde? Hindi mo ba nabalitaan na may nagugustuhan na raw siya?” saad naman ng dalaga.
“Kaya ko nga sinasabi sa iyo na sigurado na akong magtatapat na sa akin ni Clyde ay dahil ako ang babaeng gustong-gusto niya. Sigurado ako roon dahil palagi ko siyang nakikitang nakatingin sa akin!” saad muli ni Rochelle.
“Bes, ayaw kitang masaktan pero sigurado ka bang sa iyo siya nakatingin?” muling tanong ng dalaga.
“Kanino pa, bes, e, wala namang magandang babae dito sa eskwelahan natin kung hindi ako. Kaya wala na siyang titingnan pa kung hindi ako!” pagmamayabang pa ni Rochelle.
“Pero kailangan kong magbigay ng motibo dahil alam kong mahiyain si Clyde. Kailangan kong magparamdam sa kaniyang gusto ko rin siya para hindi na siya mahiya pa sa akin. Siguro ay natatakot siya dahil maraming nanliligaw sa akin. Akala siguro niya’y wala siyang pag-asa!” dagdag pa nito.
Kahit na kaibigan ni Sonia itong si Rochelle, minsan ay hindi na niya mapag pasensyahan ang ugali nitong gandang-ganda sa sarili. Sa tingin kasi nito’y lahat ng lalaki ay may gusto sa kaniya.
“Kung iyan ang tingin mo, Rochelle. Pero sinasabi ko na sa iyo, hindi maganda na ikaw ang nagbibigay ng motibo sa lalaki. Hayaan mo siya na kusang umamin sa iyo ng nararamdaman niya!” wika pa ng kaibigan.
Nang matapos ang isang klase ay nilapitan ni Rochelle itong si Clyde.
“Alam ko na ang sikreto mo, Clyde. Gusto ko lang sabihin na sa iyo na kahit malayo ang agwat natin ay payag ako. Huwag ka nang mahiya sa akin,” wika pa ng dalaga.
Napailing naman si Sonia sa ginawa ng kaibigan. Samantalang si Clyde ay takang-taka sa sinasabi ng dalaga.
“Nakita mo ‘yung itsura ni Clyde nang sabihin ko sa kaniyang payag ako. Gulat na gulat siya. Namula siya, e! Talagang halata sa kaniyang hulog na hulog siya sa akin!” pagmamalaki ni Rochelle.
“Pero sa tingin ko ay parang wala siyang alam sa mga sinasabi mo. Parang hindi niya nauunawaan ang mga nangyayari,” wika naman ni Sonia.
“Hind ka talaga marunong magbasa ng kilos ng mga lalaki! Siyempre hindi nila ipapahalata pero basang-basa ko ang kilos niya, bes. ‘Yung mga tingin pa lang niya sa akin ay nabibighani na siya,” muling sambit ni Rochelle.
Nang marinig ng isang kaklase ang sinasabing ito ni Rochelle ay bigla na lang itong natawa.
“Hindi ka ba makahalata kung sino talaga ang gusto ni Clyde? Pero isang bagay ang alam ko, hindi ikaw ‘yun!” saad ng kaklaseng si Dino.
“Naku, Dino, alam naman ng lahat na kaya mo ‘yan sinasabi ay dahil binasted kita. Bitter ka pa rin siguro, ano? Kaya gumagawa ka na lang ng usap. Umalis ka nga rito at kahit anong mangyari ay hindi ako magkakagusto sa tulad mo! Hindi nababagay ang katulad mo sa kagandahan ko! Ipangdi-display mo lang ako!” pahayag pa ng dalaga.
Pinagtatawanan na lang siya ni Dino dahil sa sobrang pagtitiwala niya sa kaniyang sarili.
“‘Yung mga ibang babaeng kaklase natin ay inillihim sa akin ang mga nobyo nila dahil baka kapag nakita ako ay hindi na sila gustuhin at ako na ang ligawan!”
“Alam mo, bes, huwag kang magsalita ng ganyan dahil baka marinig ka nila at mauwi pa ito sa away. Kumalma ka lang. Huwag mo na munang aminin kay Clyde ang lahat ng nararamdaman mo dahil babae ka pa rin, tandaan mo!” bilin ni Sonia.
Ngunit matigas talaga ang ulo nitong si Rochelle. Sinusundan pa rin niya si Clyde kahit saan ito magpunta.
Maya-maya ay nawala ito sa kaniyang paningin. May nakapag sabi na nagpunta raw ito sa parke. Kaya agad niyang inaya si Sonia para magtungo sila roon.
Sa kanilang paglalakad ay may nakasalubong na lalaki ang dalawa. Galit na galit si Rochelle dahil pakiramdam niya’y nginitian siya ng lalaki.
“Bastos talaga ang mga ‘yun! Hindi man lang nila mapigil ang sarili nila kapag nakikita ako! Akala naman nila makikipag ngitian ako sa kanila!” naiinis na sambit ni Rochelle.
Nang tingnan ni Sonia ang lalaki ay nakita niyang may kausap ito sa selpon sa pamamagitan ng headset. Marahil ito ang dahilan sa mga ngiting ikinagagalit ng kaibigan.
Nang makarating ng parke ay agad na hinanap ni Rochelle ang binata.
“Dito muna tayo sa ilalim ng puno para hindi naman halata na sinusundan natin siya! Kapag nakita natin siya’y magpapanggap tayo na hindi sinasadya ang aming pagkikita,” sambit muli ni Rochelle.
Habang nakaupo at naghihintay sa ilalim ng puno ay napansin ni Rochelle ang isang ginoon na tila nakatingin sa kaniya at malaki ang ngiti.
Noong una ay binalewala niya ito. Ngunit hindi siya inalisan ng tingin ng lalaki at patuloy pa rin ang pagngiti nito. Dito na tinubuan ng inis ang dalaga.
“Talagang kahit may edad na ay hindi ka nakapagpigil sa ganda ko. Kapag hindi pa ako tinantanan ng lalaking ‘yan ay makaktikim talaga siya sa akin!” galit na sambit ni Rochelle.
“Huwag ka namang gumawa ng eskandalo rito, bes. Baka mamaya ay hindi naman tama ang hinala mo,” pigil naman ni Sonia.
“Kanina ko pa siya nahuhuling nakatingin sa akin! Panay pa ang ngiti! Sobrang bastos! Tingnan mo nga at nakatingin pa rin!” tuluyan an siyang nagalit at sinugod ang lalaki.
Patakbo namang lumapit si Sonia upang pigilan ang kaibigan.
“Ginoo, mawalang galang na po sa inyo! Nakakaloko na po ang tingin ninyo sa akin, e! Nambabastos na kayo! Alam kong maganda ako pero matanda na po kayo para sa akin! Ang mga katulad ninyo ang mga matatandang walang pinagkatandaan! Ang dapat sa inyo’y kinakain na ng lupa!” bulyaw ng dalaga.
Walang imik naman ang lalaki.
Maya-maya ay biglang dumating si Clyde.
“A-anong ibig sa bihin nito? Bakit ka sumisigaw, Rochelle?” tanong ng binata.
“Mabuti na lang at dumating ka Clyde. Itong lalaking ito kasi ay binabastos ako. Kanina pa siya tumitingin sa akin. Hindi niya matiis ang kagandahan ko! Nginingitian pa niya ako. Natatakot ako sa kaniya dahil binabastos niya ako!” sumbong naman ng dalaga.
“Hindi ako naniniwala sa mga sinasabi mo, Rochelle. Humingi ka ng tawad sa kaniya!” dagdag pa ni Clyde.
“Paano ka nakakasigurado na mali ako, e, wala ka naman dito kanina, Clyde. Hindi mo nakita ang buong pangyayari!” giit pa ni Rochelle.
“Dahil ang lalaking sinasabihan mo na binabastos ka ay ang aking ama at matagal na siyang bulag!” sambit ni Clyde.
Hindi makapaniwala si Rochelle sa kaniyang nairinig.
“Alam mo, Rochelle, matagal ko nang gustong sabihin ito sa iyo pero ayaw lang kitang mapahiya dahil babae ka. Pero sukang-suka na ako sa ugali mo. Gandang-ganda ka sa sarili mo na para bang isa kang Diyosa! Alam mo bang isa ‘yan sa mga ugali mo na kinaayawan ko sa iyo? Ayoko ng babaeng hambol at masyadong mataas ang tingin sa sarili. Kaya kung umaasa kang ikaw ang babaeng nagugustuhan ko ay nagkakamali ka! Mas gugustuhin ko na lang maging matandang binata kaysa makasama ang tulad mo!” hindi na napigilan pa ni Clyde na magsabi ng katotohanan.
“Totoong may hitsura ka Rochelle. Pero hindi ka kagandahan dahil masama ang ugali mo. Alam mo ba kung bakit madalas mo akong mahuling nakatingin kung nasaan ka? Dahil tinitignan ko itong si Sonia. Siya ang gusto ko at hindi ikaw. Ngayong alam mo na’y p’wede mo na akong tigilan!” dagdag pa ng binata.
Pahiyang-pahiya naman si Rochelle. Hindi niya akalain na ganito pala ang tingin sa kaniya ng lalaking matagal na niyang iniibig. Hindi niya lalong lubos akalain na ang lalaking kaniyang binubulyawan ay ama pa nito. Ang masakit pa doon ay ang matalik na kaibigan niya ang laman ng puso nito.
Dito na namulat si Rochelle sa katotohanan tungkol sa kaniyang hitsura. Dahil sa kaniyang asal ay madalas tuloy siyang tampulan ng tukso at pagtawanan. Madalas din siyang gawing paksa sa mga biruan lalo na ng mga taong minaliit niya noon.
Samantala, hindi naman sinagot ni Sonia si Clyde bilang respeto sa pagkakaibigan nila ni Rochelle.
Mula noon ay natauhan na itong si Rochelle at hindi na nagyabang pa. Alam niya kasing kung hindi pa siya huminto ay tunay na may kalalagyan ang kaniyang kahihiyan.