Pinagbibintangan ng Ginang ang Matanda na May sa Maligno raw; Kalauna’y May Ipagpapasalamat pala Siya Rito
Takot na takot at nagmamadaling naglakad palayo si Gina kasama ang kaniyang anak na si Belle. Hindi na tuloy magkandaugaga ang bata dahil pilit niyang hinahabol ang yapak ng kaniyang ina.
“‘Ma, sandali lang po ay baka matalisod ako. Bakit po ba kayo nagmamadali?” tanong ng bata.
“Basta’t bilisan mo na lang muna ang lakad mo. Huwag kang lilingon kahit saan, anak. Kailangan na nating makauwi kaagad,” saad pa ng ginang.
Takang-taka si Belle sa ikinikilos ng ina kaya panay ang tanong niya.
Nang makauwi sa bahay ay agad siyang pinagsabihan ng ina.
“Sa susunod kapag sinabi ko sa’yong mamaya na tayo mag-usap at sikapin mo munang maglakad ng mabilis ay sumunod ka. Nakita mo ba ang matandang babae na nakatingin sa atin kanina?” wika ni Gina.
“Hindi po ba’t siya ‘yung lola na nakatira sa lumang bahay?” sagot naman ni Belle.
“Oo, tama ka nga, anak! Sa susunod na makita mo siya’y pumasok ka kaagad ng bahay. Huwag na huwag kang lalapit sa kaniya. Ni huwag mo siyang titignan, anak! May sa maligno ang matandang iyon. Kapag lumapit ka sa kaniya’y mapapahamak ka!” babala pa ng ina.
“A-ano po ba ang ibig sabihin ng maligno, nanay? Masama po ba siyang tao?” muling tanong ng bata.
“Oo, anak. Ang sabi ng iba’y mangkukulam ang matandang iyon at iaalay niya ang kaluluwa mo sa demonyo. Pagkatapos noon ay isusumpa ka niya at may mangyayaring hindi maganda sa iyo. Ang sabi naman ng iba’y nakita nilang nahati ang katawan nito at naging isang manananggal. Kaya ipangako mo sa akin na huwag na huwag kang lalapit sa kaniya kahit ano ang mangyari!” giit muli ni Gina.
Sa takot ng anak ay nangako siya sa kaniyang ina na susundin ang bilin nito.
Madalas pa namang maglaro si Belle kasama ang kaniyang mga kaibigan sa tapat ng kanilang bahay. Minsan na niyang nakita ang matandang babaeng iyon. Hindi naman siya natakot sa mga tingin nito. Ngunit dahil sa kwento ng ina’y ilag na siya sa matanda.
Isang araw habang naglalaro sa kalsada ay napansin ni Belle ang matandang babae. Nakatingin ito sa kaniya at sa kaniyang mga kalaro na tila binabantayan sila.
“Pumasok na tayo sa mga bahay natin. Ang bilin ng nanay ko ay huwag tayong lalapit sa matandang ‘yan. Baka mamaya ay gawan niya tayo ng masama!” bulong ni Belle sa mga kalaro.
Isa-isang nagpulasan ang mga bata pauwi sa kanilang mga tahanan nang makita nilang nagmamatyag nga ang matanda.
“Bakit, Belle? Anong nangyari sa iyo? Bakti nangangatog ka?” pag-aalala ng ina.
“Nakita ko kasi po ‘yung matandang mangkukulam, ‘nay. Kanina pa po niya kami pinagmamasdan ng mga kalaro ko. Takot na takot po kami!” sagot naman ng bata.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko! Tama lang na nagsiuwi na kayo at mag gagabi na rin. Kapag naulit pa ang ganito’y sabihin mo kaagad sa akin nang maipaalam ko sa baranggay!” wika pa ni Gina.
Matagal na nilang inirereklamo sa tanggapan ng kapitan ng kanilang baranggay ang problema nila sa matandang iyon. Lahat kasi ay takot at iwas dito. Kaya nais sana nilang tuluyan na itong mapaalis sa kanilang lugar.
Kinabukasan ay naglaro na naman itong si Belle kasama ang ilang kapitbahay. Habang nagkakasiyahan ang mga bata ay napansin muli ni Belle na labis kung makatitig sa kanila ang matanda.
Binalewala niya ito at nagpatuloy pa sa paglalaro dahil maaga pa naman. Alam niyang walang magagawa itong masama sa kanila.
Ngunit dahan-dahan ang paglapit nito sa kanila. Nang makita ng ilang kalaro ay isa-isa nang nagtakbuhan ang mga ito pauwi. Patakbo na sana si Belle ngunit nadapa siya kaya siya ang naiwan.
“Parang awa n’yo na po! Huwag po kayong lalapit sa akin! Huwag n’yo po akong gawan ng masama!” pagmamakaawa ng bata. Sumensyas lang ang matanda na huwag siyang maingay.
Takot na takot na si Belle at napasigaw na lang siya nang bigla siyang sunggaban ng matanda.
Sa ingay nito’y napalabas ang lahat.
Nakita na lang ni Gina na duguan na ang kaniyang anak.
“Anong ginawa mo sa anak ko? Halimaw ka!” bulyaw ni Gina.
Hindi naman sumasagot ang matanda.
“Hindi talaga dapat namin hinayaan na tumira ka sa lugar na ito dahil salot ka! Ang dapat sa iyo’y masawi upang hindi ka na makapaminsala!” dagdag pa ng ginang.
Nais na sanang kuyugin ng mga magkakapitbahay ang matanda nang bigla silang pigilan ni Belle.
“‘Nay, huwag n’yo pong saktan ang matandang iyan. Wala po siyang ginawang masama sa akin! Sa katunayan ay iniligtas po niya ako mula sa isang mabangis na aso! Wala po akong sugat nay. Ayos lang po ako. Ang mga dugong ito’y mula po sa matanda dahil iniharang niya ang katawan niya upang hindi ako masaktan,” umiiyak na wika ni Belle.
“Totoo ba ang sinasabi mo, anak? Iniligtas ka ng matandang ito?” tanong ni Gina.
Maya-maya ay nagsisigaw ang isang lalaki. Natagpuan nga nito ang mabangis na aso.
“Matagal ko nang nakikita kasi na kumukuha lang ng tiyempo ang mabagis na asong iyon kaya palagi kong binabantayan ang mga bata. Alam ko naman na walang maniniwala kasi sa akin dahil masama ang tingin n’yo lahat sa akin. Lahat kayo ay takot. Lahat kayo ang tingin niyo sa akin ay maligno. Pero, hindi ako masamang tao. Natatakot lang din akong makisalamuha dahil ayaw kong saktan ninyo ako o gawan ninyo ako ng masama. Hindi ko na binalak dahil alam kong iiwasan n’yo rin naman ako,” wika pa ng matanda.
Nagsisisi ang ilang mga kapitbahay lalo na si Gina sa panghuhusga niya sa matandang babae.
Upang maampat naman ang pagdurugo nito’y agad nila itong dinala sa ospital upang mabigyan ng lunas. Labis-labis ang paghingi ni Gina ng kapatawaran sa matanda.
“Patawarin n’yo po ako sa lahat ng nasabi ko at sa mga maling ipinakita ko. Akala ko po talaga’y totoo ang kumakalat na tsismis. Maraming salamat po pala sa pagligtas ng buhay ng anak ko. Utang ko sa inyo ang buhay niya,” wika pa ni Gina.
“Walang anuman, ‘yon. Matanda na rin ako at nasa dapit hapon na ng buhay. Mas mainam na magamit ko ito ng tama. Alam mo bang tuwang-tuwa ako habang pinapanood ang anak mo. Nakakagaan siya ng loob. Hindi ako nagsisisi na iniligtas ko siya,” saad naman ng matanda.
Simula ng araw na iyon ay nagbago na ang pakikitungo ng lahat sa matandang ale. Madalas na nila itong batiin at puntahan sa bahay nito. Nagtulong-tulong pa nga ang ilang magkakapitbahay upang pagandahin ang bakuran ng matanda.
Sa wakas kahit maiksi na lang ang panahon na mailalagi ng matanda ay masaya siyang maramdaman ang pagtanggap sa kaniya ng mga kapitbahay.