Pinagtulakan ng Ginoo ang Sariling Misis na Maging Malapit sa Kaniyang Amo; Labis Niya Itong Pagsisisihan sa Huli
“Lisa, maghanda ka ng alak at pulutan dahil pupunta raw diyan sa bahay natin ang mga inhinyerong boss ko. Magandang pagkakataon ito para mapalapit ako sa kanila. Baka ito na talaga ang hinihintay kong pagkakataon para mapromote. Bukod kasi mas mataas ang sahod ay maypa-kotse raw!” hindi magkandaugaga si Rigor sa pagbabalita sa kaniyang asawa.
“O siya, sige, mahal. Uutang na lang muna ako sa tindahan. Magluluto ako ng sisig at mag-iihaw ng bangus para may pulutan kayo,” tugon naman ng misis.
“Maghanda ka rin ng hapunan, Lisa, baka d’yan na rin kami kumain. Maraming salamat talaga sa iyo! Ang swerte ko at ikaw ang napangasawa ko!” dagdag pa ng ginoo.
Kahit n akapos ang badyet ay sinikap pa ring gawan ng paraan ni Lisa upang hindi mapahiya ang kaniyang asawa sa mga boss nito. Batid din kasi niyang malaking bagay ito para sa mister.
Isang land surveyor o nagsusukat ng lupa itong si Rigor. Matagal na siya sa kaniyang trabaho ngunit kakarampot pa rin ang kinikita. Nababawasan pa dahil sa pakikisama sa ilang katrabaho. Matagal na itong umaasa sa promotion pero hindi pa rin naibibigay sa kaniya. Pero malakas ang kutob niyang maibibigay na ito ngayon sa kaniya.
Buong pagmamalaking ipinakilala ni Rigor ang kaniyang misis sa kaniyang mga amo at kasamahan. Natuwa ang mga ito dahil handa na ang hapunan ay mayroon pang inilulutong pulutan para sa kanila.
“Huwag kayong mahiya, a! Kain lang kayo. Masarap talagang magluto itong asawa ko! Wika ni Rigor.
Sarap na sarap naman ang mga inhinyero sa pagkaing naihanda sa kanila.
“Alam mo, Rigor, hindi lang masarap magluto ang misis mo, a! Maganda pa at mukhang mabait. Ang swerte mo!” wika ng boss na si Andrew.
“Totoo po ‘yan, Sir Andrew. Sa katunayan nga ay maraming nanliligaw kay Lisa noon. Pero, wala, e! Pinataob ko silang lahat dahil ako ang nagwagi!” pagbibiro pa ng ginoo.
“Kung ganiyan ang asawa ko’y hindi na ako lilingon pa sa iba! Dapat ay bigyan mo siya ng mas magandang buhay, Rigor. Galingan mo sa trabaho para maibigay mo ang lahat ng gusto niya!” kantiyaw muli ng inhinyero.
“Kaya, sir, i-promote n’yo na ako! Nang sa gayon naman ay maibigay ko ang buhay na karapat dapat para dito kay Lisa,” wika muli ni Rigor.
Nagtatawanan lang ang lahat.
Pero iba na ang tingin ni Andrew kay Lisa. Tunay siyang nabighani dito. Sa katunayan ay hindi niya ito makalimutan. Kaya gumagawa siya ng paraan para makita itong muli.
“Rigor, sa inyo ulit tayo sa susunod na araw. Magbibigay ako ng pamalengke ng asawa mo para makapagluto siya ulit ng hapunan natin at pulutan. Ako na rin ang magpapainom!” saad ng amo.
Pumayag naman agad si Rigor kahit nararamdaman niyang may pagtingin nga ang ginoo sa kaniyang asawa.
“Pare, wala ka bang ibang nararamdaman d’yan kay Boss Andrew? Kanina pa niya binabanggit ang asawa mo. Parang may gusto talaga siya kay Lisa,” pansin ng isang kasamahan.
“Hayaan mo siya. Gusto ko ngang mapalapit siyang lalo kay Lisa para matupad na ang pangarap kong mai-promote! Gagawin ko ang lahat para lang makuha ko na ang inaasam ko! Sawang-sawa na ako sa trabaho natin,” sagot naman ni Rigor.
“Hindi ka ba natatakot na baka mamaya ay maagaw nga ni Boss Andrew si Lisa? Ikaw rin, baka mamaya ay pagsisihan mo rin ‘yang mga plano mo!” nabigla ang lalaki sa sinabi ni Rigor.
“Tiwala ako kay Lisa. Alam kong hindi siya bibigay sa mga lalaking kagaya ni Boss Andrew. Susunod lang ‘yun sa akin dahil mahal niya ako,” dagdag pa ng ginoo.
Nang sumunod na gabi ay natuloy ang inuman ng magkakatrabaho sa bahay nila Rigor. Muli ay panay ang papuri ni Andrew sa sarap ng luto ni Lisa.
“Nabigyan mo na ba ng bagong bag itong asawa mo, Rigor? Baka mamaya ay hindi nakakatikim sa iyo ng regalo ito,” muling kantiyaw ng amo.
“Hindi ko pa kaya, boss, dahil mababa pa ang sahod,” biro naman ni Rigor.
“Saka hindi rin naman ako mahilig sa bagm Sir Andrew,” wika naman ni Lisa.
Inawat agad ni Rigor ang asawa sa pagsasalita. Kinausap niya ito ng palihim sa may kusina.
“Huwag mong sabihin na hindi ka mahilig sa bag, Lisa. Hindi ka talaga nag-iisip. Sinasabi n’ya ‘yon dahil ibig ka niyang bigya ng magarang bag. Huwag kang tumanggi!” sambit ng mister.
“Pero hindi naman ako talaga mahilig sa bag, Rigor. Isa pa, hindi ako komportable sa pakikipag-usap niya sa akin. Hindi ako komportable sa mga ikinikilos niya. Ayaw kong nginingitian niya ako ng ganoon! Sa susunod ay huwag na kayo rito uminom, Rigor!” pag-amin ni Lisa.
“Sumunod ka lang sa akin, Lisa! Kung mahal mo talaga ako’y susunod ka sa akin. Tyansa ko na ito para makuha ang promotion na inaasam ko. Suportahan mo naman ako! Kaunti na lang ay ibibigay na niya ‘yun sa akin. Huwag ka nang mag-inarte!” sambit muli ng mister.
“Inarte? Rigor, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Asawa mo ako! Bakit parang ipinamimigay mo ako sa iba?”
“Hindi kita pinamimigay! Ang sabi ko’y sakyan mo lang ang mga sinasabi niya dahil kapag nakuha ko naman na ang promotion ay hindi na ako papayag na makita ka pa ulit niya. Kaunting pang-unawa lang at suporta ang hinihingi ko sa iyo ngayon! Para sa atin din naman ito, Lisa!” galit na wika ni Rigor.
Dahil sa pagmamahal ni Lisa kay Rigor ay wala na siyang nagawa pa kung hindi ang sumunod. Naging madalas na ang pagpunta doon ni Andrew upang uminom ng alak. Dumating pa ang panahon na nakikipagkwentuhan na ito kay Lisa. Hanggang sa umabot na magkatabi na silang nag-uusap.
“Ayos lang ba talaga sa iyo ang pangyayaring ito, Rigor? Parang hindi na kasi magandang tingnan,” saad ng kasamahan sa trabaho.
“Wala namang malisya ang pag-uusap nila. Saka sinabi ko rin naman kay Lisa na tanggapin niya ang anumang binibigay sa kaniyang regalo ni Boss Andrew. Sayang din kasi. Saka kinakausap niya si sir para maibigay na sa akin ang promotion. Kaunti na lang daw at mapapayag na niya ito,” sambit naman ni Rigor.
“Talagang iyan pa rin ang mahalaga sa iyo, ano? Hindi ka natatakot na baka mawala na lang ng tuluyan sa iyo si Lisa,” saad muli ng lalaki.
Hindi ito naiisip ni Rigor dahil tiwala siya sa kaniyang asawa.
Isang araw ay nagpaalam si Lisa sa kaniyang mister na lalabas siya kasama si Andrew. Ito ang unang pagkakataon na makita niyang nakaayos ang misis.
“Parang napapadalas na ata ang pagkikita ninyo, a?” pansin ni Rigor.
“Pinag-uusapan kasi namin ang promotion mo. Parang ngayon nga niya sasabihin sa akin, e! Sandali lang ito. Huwag kang mag-alala at uuwi rin ako kaagad,” saad ni Lisa.
Iba na ang kutob ni Rigor kaya kahit na pinayagan niya ang kaniyang asawa ay sinundan pa rin niya ito.
Nakipagkita si Lisa kay Andrew sa plaza. Sumakay ito ng kotse ng amo at kitang kita niya kung paano maglambingan ang dalawa. Hanggang sa bigla na lang pumarada ang kotse nito sa isang motel. Pagbaba pa lang ni Lisa sa kotse at sinunggaban na siya ng halik ni Andrew.
Gigil na gigil itong si Rigor dahil sa panlolokong ginawa sa kaniya ng dalawa. Kaya hindi pa man nakakapasok ang mga ito sa motel ay nagpakita na siya.
“D’yan n’yo gagawin ang pag-uusap ninyo? Ano ba naman, Lisa? Talaga bang ipinagpalit mo na ako dito sa amo ko?” nasasaktan si Rigor.
“Hindi ba’t ito ang gusto mo, Rigor? Ipinagtulakan mo ako kay Andrew! Hindi ko naiwasan na mahulog ang loob ko sa kaniya! Hindi naman mangyayari ang lahat ng ito kung hindi mo pinagpilitan ang gusto mo!” sambit naman ni Lisa.
“Kaya wala ka nang magagawa pa, Rigor. Mahal ko na si Andrew at mahal niya rin ako. Humahanap na lang naman ako ng tiyempo para iwan ka, e. Dahil desidido na ako na sumama kay Andrew,” dagdag pa ng ginang.
Labis na hinanakit ang naramdaman ni Rigor sa mga sinabi ng kaniyang asawa. Luhaan siya habang pinagmamasdan niya ang amo at asawa na sumakay muli sa sasakyan at tuluyan nang umalis.
Ngunit hindi naman masisi ni Rigor ang kaniyang misis na si Lisa dahil totoo naman ang sinabi nito. Kung hindi dahil sa sulsol niya ay hindi ito mahuhulog kay Andrew.
Ngayon, wala na nga ang inaasam na promotion ay nawalan pa ng misis si Rigor. Labis niyang panagsisisihan ang kaniyang ginawa. Hindi na sana niya pinilit si Lisa na pakisamahan ang kaniyang amo. E ‘di sana’y masaya pa rin ang kanilang pagsasama kahit simple ang kanilang buhay.