Umalis ang Babaeng Ito sa Poder ng Kaniyang Ina sa Kagustuhan Niyang Mahanap ang Ama; Pagsisisihan Niyang Inasam Niya pa itong Makasama
“Bakit ba pilit mong hinahanap sa akin ang tatay mo, e, ’di ba nga sabi ko sa ’yo, iniwan niya na tayo para sumama sa mayamang babae niya?” maluha-luhang bulyaw sa kaniya ng kaniyang ina. “Ano pa ba’ng kulang, anak? Hindi pa ba ako sapat? Bakit ba hinahanap-hanap mo pa rin ’yong wala?”
Halos madurog ang puso ni Mei sa tinuran ng kaniyang ina at sa nakikitang hinagpis nito dahil sa muling pagtatanong niya tungkol sa kaniyang ama na sa huli ay nauwi lang sa pagtatalo. Pinipilit kasi niya itong sabihin sa kaniya kung saan na ngayon nakatira ang kaniyang ama, dahil simula noong bata pa lang siya ay pinangarap niya na itong makilala.
Naawa man siya kaniyang ina ay hindi pa rin maialis ni Mei ang pangungulila sa taong kailan man ay hindi naman niya nakasama. Bata pa lang siya ay sinabi na sa kaniya ng kaniyang ina na ayaw sa kanila ng kaniyang ama, at hindi rin nito gustong nabuo siya. Ganoon pa man ay hindi siya naniniwala. Iniisip ni Mei na baka sinisiraan lang ng mama niya ang kaniyang ama, dahil nasasaktan itong ipinagpalit ito ng kaniyang ama sa ibang babae.
Nang gabing iyon ay hinintay lang ni Mei na makatulog ang kaniyang ina. Nakaempake na ang kaniyang mga gamit noon pang isang araw, dahil ang totoo ay nakita niya sa mga lumang gamit ng kaniyang ina ang impormasiyong kailangan niya upang mahanap ang ama. Sinubukan lamang niyang magtanong dito kanina, upang bigyan ito ng huling pagkakataong sabihin sa kaniya ang totoo. Kaya naman nang magsinungaling pa rin ito ay nauwi na sila sa pagtatalo.
Dinala si Mei ng nasabing impormasyon, patungo sa tahanan ng dating employer ng kaniyang ama kung saan sinasabing sumama raw ito at nagpakasal. Ganoon na lang ang galak niya nang makitang eskaktong naghahanap pala ang mga ito ng panibagong kasambahay, kaya naman nakakita siya ng oportunidad na mag-apply. Mabilis namang natanggap si Mei. Kailangang-kailangan na raw kasi ng mga ito ng panibagong kikilos sa kanilang bahay dahil sunod-sunod ang naging pag-alis ng mga dati nilang katulong. Hindi ang ama niya ang humarap sa kaniya, kundi ang dati nitong amo—na ngayon ay asawa na nito. Kitang-kita niya na malaki ang tanda ng nasabing babae sa kaniyang ama, kaya naman napatunayan niyang tama nga ang sinasabi noon ng kaniyang ina. Ngunit hindi pa rin siya natinag. Gusto talaga niyang makilala ang kaniyang ama dahil gusto niyang patunayan sa sarili na mali ang sinasabi ng kaniyang ina.
“Siya na ba ’yong bago nating katulong, honey?” Isang baritonong tinig ng lalaki ang biglang nagsalita sa kaniyang likuran. Nang lingunin ito ni Mei ay ganoon na lang ang gulat niya nang agad niya itong makilala—ang kaniyang ama!
“Hi, ako si Sir Marcus. Asawa ako ng madam mo,” pakilala pa sa kaniya nito sabay abot ng kamay bilang pag-aalok ng hand shake. “A-ako po si Mei, S-sir Marcus,” sagot naman niya sabay tanggap sa kamay nito. Halos tumalon ang puso ni Mei nang maglapat ang mga kamay nila ng kaniyang ama. Kulang na lang ay higitin niya ito at hapitin para sa isang mahigpit na yakap, dahil sa sobrang kasabikan…ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang muli itong magsalita.
“Ngayon na ba ang simula mo? Gusto ko kasing ipalinis ang kwarto naming mag-asawa. Pakilinis mo na lang agad, Mei,” nakangising sabi nito sa kaniya. Kakaiba ang tinging ipinupukol sa kaniya ng ama, lalo nang maya-maya pa ay nagpaalam na ang asawa nito na aalis at papasok sa opisina.
Agad na tinalima ni Mei ang utos ng kaniyang ama. Nagtungo siya sa silid nito at ng asawa, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makitang nakatapis lamang ito ng tuwalya! Tila inaabangan talaga nitong pumasok siya sa nasabing silid, dahil pagtapak na pagtapak pa lang niya roon ay mabilis na nitong isinara ang pinto at sinimulang hawakan ang kaniyang magkabilang braso.
“Gusto mo ba ng ekstrang kita, Mei?” nakangising tanong nito sa kaniya. “Paligayahin mo lang ako at makukuha mo ang lahat ng gusto mo,” nakapandidiring sabi pa nito sa kaniya na masama ang tingin sa kaniyang katawan. Agad na kinilabutan si Mei sa sinabi ng sariling ama. Hindi niya napigilan ang sarili niyang palad nang bigla iyong umangat at malakas na lumapat sa mukha ng sariling ama!
“Wala kang modo, anak mo ako!” hiyaw niya rito sabay kuha ng litrato nito at ng kaniyang ina habang ipinagbubuntis siya noon. Nanlaki ang mga mata ng kaniyang ama at hindi ito nakaumang sa sobrang gulat. Nakaalis na siya’t lahat sa silid na ’yon ay labis pa rin ang gulat nito, kaya naman hindi na siya nagawang habulin pa nito nang magtatakbo siya palabas upang humingi ng tulong!
Ngayon ay alam niya na kung bakit walang tumatagal na kasambahay sa tahanan ng mga ito. Inaabuso pala kasi sila ng kaniyang ama, lingid sa kaalaman ng asawa nitong pinakasalan lamang din naman nito dahil sa pera! Laking pagsisisi ni Mei, kaya naman nang umuwi siya ay ganoon na lang ang paghingi niya ng tawad sa kaniyang ina. Maling-mali sjya sa ginawa niya kaya nangako siya ritong hindi na iyon uulitin pa.