Inday TrendingInday Trending
Tinawag Siyang Batugan ng Kaniyang Biyenan nang Malamang Work-from-Home Siya; Pahiya ito nang Malamang Nagkamali pala ito ng Pangmamaliit sa Kaniya

Tinawag Siyang Batugan ng Kaniyang Biyenan nang Malamang Work-from-Home Siya; Pahiya ito nang Malamang Nagkamali pala ito ng Pangmamaliit sa Kaniya

Napaupo nang tuwid si Mikey nang muli siyang titigan ng kaniyang biyenang babae. Kagigising lamang niya at tanging boxer shorts lamang ang suot niya nang abutan siya nito. Hindi naman kasi inaasahan ng lalaki na dadalaw pala ang nasabing biyenan sa kanila ngayon, pagkatapos ay ganito pang kaaga! Puyat pa naman siya kagabi sa dami ng trabahong kaniyang tinapos.

“Tanghali na, a, kagigising mo lang?” tanong nito sa kaniya, suot ang masungit nitong aura na talaga namang nagpapanginig sa kaniyang buto.

“A, e…p-puyat po kasi ako, mama. Marami ho kasi akong tinapos na trabaho, e,” sagot naman niya. Napatango-tango naman ito.

“Sa bagay. Gaano ba kalayo ang opisina mo? Dapat ay bumili ka na ng sasakyan para hindi ka nahihirapang mag-commute,” saad pa nito sabay buklat ng kaniyang de-tuping abaniko bago ito nagpaypay na parang donya sa kaniyang harapan. Napakamot naman si Mikey sa kaniyang ulo. Mabuti na lang at lumabas na ang kaniyang asawa mula sa kusina kaya naman ito na ang nagpaliwanag sa sariling ina.

“Mama, work-from-home naman ’yang si Mikey kaya hindi na niya kailangan pang mag-commute,” sabi nito habang sinasalinan ng tsaa sa tasa ang kaniyang biyenan.

“What?!” bulalas naman ng matanda. “Work-from-home? Anong klaseng trabaho ’yan? Ibig sabihin ay napakababa ng kita ng asawa mo, Erlinda?” walang prenong sabi pa nito. Nagkatinginan naman ang mag-asawa dahil doon. Bakas ang paghingingi ng tawad sa mukha ni Erlinda, dahil sa tabas ng dila ng kaniyang ina. Noon pa man ay hindi na maganda ang trato nito kay Mikey, ngunit pasalamat na lamang siya at mabait ang kaniyang mister. Nagagawa nitong pagpasensiyahan ang kaniyang ina kahit pa palagi na lamang nitong nilalait ang kaniyang asawa.

“Ibig sabihin, mas malaki pa ang kinikita mo sa asawa mo, anak?” tuloy-tuloy pa ring sabi ng kaniyang ina. Natampal pa nito ang sariling noo. “My gosh! Hindi ba at sinabi ko naman sa ’yo na huwag kang magpapakasal sa isang lalaking katulad ng papa mo? Mga walang pangarap sa buhay ang mga ganiyang klase ng lalaki!” inis pang dagdag nito kaya naman nanlaki ang mga mata ni Erlinda.

“Mama, ano ba kayo! Kaharap n’yo lang si Mikey, o!” may himig ng inis na sabi niya sa kaniyang ina. “E, ano naman? Ayaw mong marinig ng asawa mo kung gaano siya kapalpak? Naku, paano kayo magpapamilya n’yan? Ikaw ang bubuhay? Mao-ospital na naman yata ako sa inyo!” dagdag pa rin nito.

Hindi na napigilan pa ni Erlinda ang sarili kaya naman padabog niyang inilapag ang hawak na takure at binulyawan ang ina. “Iyan lang ho ba ang ipinunta n’yo rito sa bahay namin ng asawa ko? Sana ho, hindi na lang kayo dumalaw!” inis na sabi ni Erlinda. Tinangka namang pigilan ni Mikey ang kaniyang misis. Alam niyang ipinagtatanggol lamang siya nito ngunit ayaw niya namang mauwi sa away ang pagtatalo nito at ng kaniyang biyenan.

Napahawak naman sa dibdib si Aling Esmeralda, ang biyenan ni Mikey. Hindi niya akalaing masasagot siya ng kaniyang anak nang gano’n-gano’n na lang dahil sa asawa nito!

“Erlinda, huwag mo akong pagtataasan ng boses! Hindi kita pinalaking bastos! Ganiyan ba ang itinuturo sa ’yo ng asawa mong ’yan?”

“Hindi, ’ma! Ikaw ang nagturo sa aking maging ganito!” sagot naman ni Erlinda. “Masiyado n’yong tinatapakan ang pagkatao ni Mikey nang hindi man lang iniisip na malaki ang utang na loob n’yo sa kaniya!” bulalas pa niya na ikinagulat ni Aling Esmeralda.

“Mahal, tama na,” tangkang pagsaway namang muli ni Mikey ngunit hindi nagpapigil ang kaniyang misis. “Hindi, Mikey! Sawang-sawa na akong marinig na nilalait ka ng mama ko, dahil sa pag-aakalang maliit lang ang kinikita mo! Hindi niya alam, ikaw ang sumagot sa operasyon niya noong naospital siya, maging sa gastusin ng mga kapatid ko, habang wala pa siya! Hindi niya alam na malaki ang utang na loob niya sa ’yo, pagkatapos ay gano’n-gano’n na lang kung laitin ka niya!” tuloy-tuloy pang litaniya ni Erlinda at nanlaki ang mga mata ni Aling Esmeralda!

Bukod doon ay kinuha pa ni Erlinda ang kaniyang cellphone upang buksan ang online-banking ng kaniyang mister para ipakita kung gaano na kalaki ang naiipon nito para sa pagsisimula nila ng pamilya! Halos malaglag sa kinauupuan niya si Aling Esmeralda. Agad na umakyat ang kahihiyan sa kaniyang katawan, kaya naman maya-maya pa ay nagpaalam na siyang aalis. Hindi naman matiis ni Mikey ang kaniyang biyenan kaya naman siya pa ang humingi ng tawad dito para sa nangyari.

Doon ay lalong nanliit si Aling Esmeralda. Nagkamali pala talaga siya ng taong hinusgahan. Kung ikukumpara kasi sa kaniya ay mas mabuti pang impluwensiya si Mikey, kaya naman simula noon ay hindi na niya inulit pa ang ginawa.

Advertisement