Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Inggit ay Inakit ng Babaeng Ito ang Nobyo ng Kaniyang Ate; Doon Niya Malalaman ang Tunay Nitong Kalagayan!

Dahil sa Inggit ay Inakit ng Babaeng Ito ang Nobyo ng Kaniyang Ate; Doon Niya Malalaman ang Tunay Nitong Kalagayan!

Maganda at masaganang buhay, kasikatan, maraming kaibigan, tagahanga’t tagasuporta…iyon ang mga pangarap ni Shane na makamit sa buhay niya, ngunit lahat ng ito ay napunta sa kaniyang half-sister na si Queeny.

Lumaki siya sa puder ng kanilang inang sugarol, habang ang Ate Queeny niya naman ay lumaking kasama ang ama nitong isang business tycoon. Buhay prinsesa ito, kaya naman nakukuha nito ang lahat ng gusto niyang makamit sa kaniyang buhay.

Habang tumatanda si Shane ay tumitindi rin naman ang inggit na nadarama niya sa kaniyang ate, lalo pa at hindi naman talaga kailan man naging close. Minsan lang kasi kung dumalaw ito sa kanila ng kaniyang ina dahil ayaw itong payagan ng ama nitong puntahan sila. Dahil doon ay naging miserable lalo ang buhay ng kaniyang ina, at nadamay siya. Madalas niyang saluhin ang lahat ng problema rito, lalo na nang malulong ito sa sugal. Halos wala na nga silang makain at tila hindi man lang siya makumusta ng kaniyang ate.

Lalo pang tumindi ang galit ni Shane sa kapatid nang malaman niyang nobyo na nito ang artistang matagal na niyang pinapangarap—si Jake! Halos maging ang Diyos ay nagawang kuwestiyonin ni Shane kung bakit lahat na lang yata ng magagandang bagay sa mundo ay inihandog na nito sa kaniyang ate at wala man lang ni katiting na itinira sa kaniya!

Ngunit nagbago ang lahat, isang araw na isugod niya ang kanilang ina sa ospital, dahil inatake ito ng sakit sa baga at kailangan itong maoperahan…

“Sasagutin ko ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ni mama, Shane, pagkatapos ay doon ka muna tumira kasama ko habang nagpapagaling siya. Ako ang bahala sa inyo, bilang pambawi dahil pakiramdam ko ay napabayaan ko kayo,” umiiyak na anang kaniyang Ate Queeny sabay yakap kay Shane.

Hindi naman maiwasan ni Shane ang mapasimangot dahil doon. Gusto niyang bulyawan ang kapatid, ngunit pinigilan niya iyon dahil iba ang planong iniisip niyang gawin upang makaganti rito.

Tumira nga si Shane kasama ang kaniyang ate. Dahil doon ay madalas niya rin tuloy na makasama ang nobyo ng kaniyang kapatid. Lingid sa kaalaman ng kaniyang Ate Queeny ay unti-unti niya na palang inaakit ang nobyo nito. Tahasan siya kung magpakita ng motibo na agad namang kinagat ng lalaki.

“Kung hindi mapapasa akin ang lahat ng mayroon ka, aagawin ko na lang ang lalaking mahal mo, ate,” minsan pa’y saad ni Shane habang kaharap ang litrato ng kaniyang ate sa silid mismo ng bahay ni Jake. May relasyon na sila ng binata, at ginagawa nila iyon nang pasikreto habang nakatalikod ang kaniyang Ate Queeny.

Noong una ay labis ang tuwang nararamdaman ni Shane sa tuwing magkasama sila ni Jake, dahil napaka-sweet ng lalaking ito. Pakiramdam niya ay mahal na mahal siya nito. Ngunit habang tumatagal ay nararamdaman niyang unti-unti na pala itong nagbabago…naging nakakasakal na ito.

“Hindi ba’t sinabi ko sa ’yo na huwag kang makikipag-usap sa lalaki? Ano, ipagpapalit mo na ako? Hihiwalayan mo ako katulad ng matagal nang gustong gawin ng ate mo?!” galit na sigaw sa kaniya ni Jake, nang minsang mahuli siya nitong kausap ang kaniyang dating kaklase.

“Jake, ano ka ba! Ano ba’ng sinasabi mo? Kaklase ko lang ’yon!” katuwiran naman ni Shane ngunit sunod-sunod lang ang naging pag-iling ni Jake sa kaniya.

“Hindi! Tutulad ka rin sa ate mo. Gusto mo na rin akong iwan, ano? Huwag na huwag mong gagawin sa akin ’yon, dahil gagawin ko rin sa ’yo ang ginagawa ko sa ate mo…masasaktan ka!” dagdah pa ng binata na ikinalaki ng mga mata ni Shane.

“S-sinasaktan mo ang ate?” gulat na tanong niya. Nakumpirma niyang totoo nga ang sinasabi nito mang muli silang magkita ng kaniyang ate at nakita niyang may mga pasa ito sa braso. Agad niya namang kinompronta ang kapatid tungkol doon at ganoon na lang ang gulat ni Shane nang malamang matagal na pala iyong ginagawa ni Jake dito!

Matagal nang sinasaktan ni Jake ang kaniyang Ate Queeny, ngunit hindi magawang hiwalayan ng kaniyang ate ang lalaki dahil sa utos ng ama nito. Hindi pala talaga perpekto ang buhay nito ’tulad ng kaniyang inaakala noon pa man.

Dahil doon ay hindi nagdalawang isip si Shane na isumbong sa awtoridad ang ginagawa ng lalaki sa kaniyang ate matapos niyang kumalap ng maraming ebidensiya laban sa binata. Inamin niya rin sa kaniyang Ate Queeny ang kaniyang ginawa, upang makabawi siya sa tangkang paggawa ng masama laban sa kapatid. Mabuti na lamang at imbes na pangit ay maganda ang kinalabasan ng kaniyang ‘ganti’ dahil imbes ay nakatulong pa siya sa kapatid.

Pinatawad siya ng kaniyang Ate Queeny sa kaniyang kasalanan at simula noon ay mas naging close na silang dalawa. Natutunan nilang wala pa rin talagang ibang makatutulong sa isa’t isa kundi sila mismong pamilya.

Advertisement