Inday TrendingInday Trending
Inimbitahan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Dating Kaibigan sa Kaniyang Party para lang Ipahiya; Karma Tuloy ang Gaganti sa Kaniya!

Inimbitahan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Dating Kaibigan sa Kaniyang Party para lang Ipahiya; Karma Tuloy ang Gaganti sa Kaniya!

“Aurora, para sa ’yo,” saad ng dati niyang kaibigang si Annalise kasabay ng pag-abot nito sa kaniya ng isang invitation card. Ikinagulat naman iyon ni Aurora.

“S-sigurado ka?” takang tanong niya. Hindi niya inaasahan ang biglang pag-approach sa kaniya nito, lalo pa at matagal na rin silang hindi nag-uusap na dalawa.

Tumango ito. “Aasahan kita, ha? Costume party ’yon, kaya mag-effort ka sa isusuot mo, okay?” dagdag pa nito bago siya tuluyang tinalikuran at iniwang natutulala.

Dati silang matalik na magkaibigan ni Annalise. Simula kasi pagkabata ay magkakilala na sila. Natatandaan pa nga niyang noon ay madalas niyang ipagtanggol ang kaibigan dahil madalas din itong apihin ng kanilang mga kaeskuwela noong ito ay bata pa. May malaki kasi itong balat sa kaniyang mukha, kaya naman palagi itong tampulan noon ng tukso. Kaya lang ay bigla silang nagkahiwalay dahil kinailangang lumipat ng pamilya nito sa ibang lugar, buhat nang ma-promote sa trabaho ang daddy ni Annalise. Nang muli silang magkita sa panibagong eskuwelahan kung saan nakakuha ng scholarship si Aurora ay laking gulat niya dahil ibang-iba na talaga ang kaibigan…parang hindi na niya ito makilala.

Ipinaopera nito ang maitim na balat sa kaniyang mukha, bukod pa sa nagpatangos din ito ng ilong at nagpakapal ng kaniyang labi. Talagang napakaganda na ni Annalise ngayon, malayong-malayo sa hitsura nito noong sila ay mga bata pa lamang. Iyon nga lang, hindi lamang pisikal na anyo ang nagbago rito ngayon, dahil pati ang ugali nito ay hindi na niya makilala pa!

Kung noon kasi ay ito ang binibiktima ng mga bully, ngayon ay ito na ang lider nila! Naging masama ang ugali ni Annalise, kasabay ng pagganda ng kaniyang hitsura, at maging si Aurora—na dating matalik na kaibigan niya—ay hindi rin nakaligtas sa kaniyang masamang pag-uugali!

Labis ngang nasaktan si Aurora, nang maging siya ay nagawa nitong pagtawanan dahil anito’y hindi raw bagay ang katulad niyang ‘poorita’ sa eskuwelahang puro mayayaman lamang ang nag-aaral! Dahil doon ay hindi na muling sinubukan pa ni Aurora na lumapit sa kaibigan. Kaya nga ngayon ay laking pagtataka niya dahil sa pag-imbita nito sa kaniya sa kaarawan nito! Naisip niyang baka sa wakas ay natauhan din si Annalise, kaya naman ganoon na lang din ang galak sa kaniyang puso.

Inayos ni Aurora ang kaniyang sarili. Talagang pinaghandaan niya ang araw ng party ni Annalise at kinailangan niya pang basagin ang kaniyang alkansiya para lang makabili siya ng costume. Ang napili niya ay maging si Catwoman.

Todo effort pa si Aurora sa pagbibihis at pagme-make up para lang sa nasabing piging. Nag-arkila pa nga siya ng tricycle papunta sa tahanan ng dating kaibigan, ngunit halos lamunin na siya ng lupa sa sobrang kahihiyan nang pagdating niya roon ay naging tampulan siya ng katatawanan!

Hindi totoong costume-themed ang party ni Annalise, dahil nakasuot ng pormal ang kaniyang mga kaeskuwela. Siya lang ang nag-iisang kakaiba roon kaya naman halos mabingi siya sa lakas ng tawanan nila! May mga kumukuha pa ng litrato niya habang humahalakhak ang mga ito’t iniinsulto siya.

“Paano mo nagawa sa akin ’to, Annalise? Ano’ng ginawa kong masama sa ’yo?” naluluhang tanong niya sa dating kaibigan na sa wakas ay nakaharap niya.

Hindi na binigyan pa ng pagkakataon ni Aurora na makapagsalita ang babae. Malinaw na sa kaniya na nais lang siyang ipahiya nito kaya siya inimbita ng dalaga sa kaniyang party. Simula noon ay hindi na muling kinausap pa ni Aurora si Annalise, hanggang sa magdesisyon na rin siyang lumipat ng ibang eskuwelahan hanggang sa siya ay maka-graduate.

Matagal na panahon pa ang nagdaan at ngayon ay isa nang ganap na abogada si Aurora. Sa wakas ay natupad na rin niya ang kaniyang pangarap, bukod pa sa isa siya sa pinakamagagaling na abogado sa buong bansa. Naiahon niya na ang pamilya sa hirap, at ngayon ay may-ari na rin siya ng iba’t ibang klase ng negosyo.

Isang araw ay binisita ni Aurora ang isa sa mga pagmamay-ari niyang restaurant na kabubukas lamang noong isang linggo. Ngayon kasi darating ang mga bagong aplikanteng tinawagan nila, matapos nilang magpaskil ng job opening. Isa kasi sa mga aplikanteng iyon ay pamilyar kay Aurora…si Annalise na kataka-takang nag-a-apply sa kanila bilang serbidora.

Nalaman ni Aurora na nakulong pala ang ama nito sa salang panloloko ng mga kliyente sa mga ibinibenta nitong properties. Buhat noon ay labis palang naghirap ang pamilya ng mga ito, kaya naman hindi na rin katapos pa ng highschool si Annalise. Kinailangan kasi nitong magbanat ng buto. Naging mas mahirap pa ito sa daga, at tila ba iyon ang naging singil ng karma sa mga ginawa nito sa kaniya noon at sa iba pang inapi nito. Mabuti na lang at hindi sika magkasingsama. Si Aurora, gumanda man ang buhay niya ay wala pa rin namang naging pagbabago sa kaniyang prinsipyo, kaya ngayon ay balak niyang bigyan ng trabaho si Annalise. Tatanggapin niya ito. Sapat na sa kaniya na karma na mismo ang gumawa ng paraan upang pagbayaran nito ang mga kasalanan.

Advertisement