Inday TrendingInday Trending
Ikinatuwa ng Lalaki na Sinagot Siya ng Nagugustuhan Niyang Babae sa Pamamagitan ng Sulat; Pero Hindi Naman Pala Ito ang Sumulat Niyon

Ikinatuwa ng Lalaki na Sinagot Siya ng Nagugustuhan Niyang Babae sa Pamamagitan ng Sulat; Pero Hindi Naman Pala Ito ang Sumulat Niyon

Simpleng lalaki lang si Bernie. May trabaho ngunit walang asawa o nobya. Hanggang ngayon ay nag-aantay pa rin siya ng babaeng magpapatibok sa kaniyang puso, hanggang isang araw ay bigla na lamang siyang napatulala nang makita ang isang magandang babae na bagong lipat sa tapat ng bahay niya.

“Diyos ko po! Dumating na ang diyosa ng mga diyosa sa lugar namin. Siya na siguro ang hulog ng langit para sa akin,” masayang sambit niya sa sarili.

Napakaganda kasi ng babaeng bago niyang kapitbahay. Mahaba ang buhok, maputi, s*ksi at may singkit na mga mata na para bang Koreana na napapanood lang niya sa mga Kdrama.

Nagmamadaling pinuntahan ni Bernie ang bahay ng bagong lipat at agad siyang nagpakilala.

“Hi, ako si Bernie isa sa mga kapitbahay niyo. Tulungan na kita diyan sa mga dala mo,” sabi niya.

“Ay, salamat ha? Ako nga pala si Angel at ito naman ang nakababatang kapatid kong si Abby,” pakilala ng babae sa kasama nitong bata.

Biglang nagsalita ang kapatid ni Angel.

“Hi, pogi! Perfect ang timing mo! Tutulungan mo kami, tapos, magiging magkakilala tayo, tapos magiging magkaibigan, tapos liligawan mo ang ate ko ‘di ba, ganoon naman talaga kayong mga lalaki?” anito.

Napamulagat ang babae sa inasal ng kapatid.

“Abby! Tumigil ka, ha! Pipilipitin ko ‘yang dila mo! Nakakahiya sa kaniya,” sigaw ni Angel.

Muntik nang mabilaukan si Bernie sa sinabi ng bata pero agad na humingi ng paumanhin ang babae.

“Sorry, Bernie ha? Talagang ganyan lang ang kapatid ko, palabiro! Isip-matanda kasi ‘yan eh!”

“It’s alright, ayos lang sa akin. Nakakatuwa nga ang kapatid mo, eh,” sagot ng lalaki. “Walanghiyang bulilit ito, binuking pa ako,” bulong pa niya sa isip.

Kinagabihan ay umatake agad si Bernie. Bisita siya ngayon sa bahay ng magkapatid na Angel at Abby.

“Mababait pala ang mga tao rito, katulad mo, salamat nga pala sa pagtulong mo sa amin kanina. Kaya bilang pabuya ay ipinaghanda kita ng meryenda,” sabi ng babae.

“Aba, naku nag-abala ka pa! Dapat lang naman na tulungan kayo ‘di ba? Naniniwala kasi ako sa kasabihan na ‘Love thy neighbors’,” tugon niya. “Naks, nakaisa ako sa parinig kong iyon, a!” pabulong pa niyang sabi sa isip.

Ganoon lang ang ginagawa ni Bernie mula nang makilala si Angel, puro lang siya parinig at pahaging, hindi makadiskarte ng diretso, medyo torpe kasi ang loko. Pero isang araw, napasyal ang kapatid nitong si Abby sa bahay niya.

“Uy, nag-iisip siya…siguro ang ate ko ang iniisip mo ano? Alam kong gusto mo siya…ikaw lang eh, ang hina-hina mo,” pang-aasar ng bata. “Kung ako sa iyo, digahan mo na ang ate ko,” saad pa nito.

Napag-isip-isip ni Bernie na tama ang kapatid ni Angel, kailangan niya nang gumawa ng paraan. Kaya kinagabihan ay ginamit niya ang kaniyang talento sa pag-awit at hinarana ang babae ngunit sablay ang diskarte niya dahil…

“Hoy, ano ka ba? Ang ingay mo! Naiistoribo ako! Nagre-review ako dahil may exam kami bukas. Kapag bumagsak ako, lagot ka sa akin!” inis na sabi nito nang marinig ang malakas niyang boses.

“Naloko na, wa-epek!” kakamot-kamot sa ulo na sabi ni Bernie sa isip.

Kinaumagahan ay hinagpis na hinagpis ang lalaki. Kumuha naman siya ng panulat at papel, susulatan na lang niya ang tinatanging kapitbahay.

“Bahala na kung magalit siya. Basta nasabi ko na sa sulat na ito ang nilalaman ng damdamin ko,” sabi niya.

Pagkatapos niyon ay pumunta siya sa bahay nina Angel pero ang naabutan lang niya roon ay ang makulit na kapatid nitong si Abby.

“Abby, ito ang isang daan sa iyo na ‘yan ha? Basta ibigay mo lang ang sulat na ‘yan sa ate mo,” bilin niya rito.

“Okey, basta may lagay,” tatawa-tawang sagot ng bata.

Ngunit ilang araw na ang nakakalipas pero wala pa ring natatanggap na sagot si Bernie mula kay Angel.

“Siguro ay tuluyan na siyang nagalit sa akin. L*ntik na Angel kasi iyon, eh, bakit nakilala ko pa, tumibok tuloy sa kaniya itong hibang kong puso,” lungkot na lungkot na sabi ni Bernie sa isip.

Sa labis na sama ng loob ni Bernie ay bumili siya ng alak at nagpakalasing. Habang umiinom ay may nakarinig siya ng katok sa pinto. Nang buksan niya ay wala namang tao roon, may iniwan lang na sulat. Binasa niya iyon at laking gulat niya sa nilalaman niyon. Biglang nawala ang pagkalasing niya.

“Mahal din kita, Bernie. Kaya Oo ang sagot ko sa tanong mo sa sulat na ibinigay mo sa akin – Angel.

Kumaripas agad ng takbo si Bernie sa bahay nina Angel. Tuwang-tuwa ang puso niya sa sagot ng babae.

“Ayos! Akala ko’y hindi na papanig sa akin ang langit. Hintayin mo ako, Angel, mahal ko!”

Humahangos na dumating ang lalaki kina Angel. Sinalubong naman siya nito.

“O, ikaw pala, Bernie! Tuloy ka, mabuti’t napasyal ka! Ang akala ko’y hindi ka na pupunta rito, eh,” sabi ng babae.

“Kung hindi ko pa alam na nami-miss mo na rin ako,” nangingising sagot ni Bernie.

Ikinagulat naman ni Angel ang inasal ng lalaki. “Mukhang masayang-masaya ka. a! Tumama ka ba sa lotto?”

Biglang hinawakan ni Bernie ang kamay ni Angel. Mas nagulat ang babae sa ginawa niya.

“Salamat, Angel at sinagot mo ang ipinahayag kong pag-ibig,” anito.

Nanlaki ang mga mata ni Angel. “Huh?!”

Nagtaka pa ang babae, magtatanong pa sana siya pero bigla na lang siyang niyakap at hinalikan ni Bernie sa pisngi.

“I love you! I love you so much, Angel!” paulit-ulit na sabi nito.

Natawa na lang si Angel sa sarili.

“Ano kayang sulat ang pinagsasasabi ng mokong na ito? Hmp! Tiyak na si Abby ang may kagagawan nito, dahil botong-boto siya sa kumag na ito… pero hindi na bale, love na love ko rin naman ang lokong ito kaya ayos lang,” kinikilig na sambit niya sa isip.

Lingid sa kaalaman ng dalawa ay si Abby ang sumagot sa sulat ni Bernie at hindi mismo si Angel. Kundi sa kalokohan ng nakababatang kapatid ni Angel ay hindi sila magkakatuluyan. Kaya nang ikasal sila ay malaki ang pasasalamat nila sa bata dahil ito ang naging daan upang makamit nila ang habang buhay nilang kaligayahan.

Advertisement