Hiyang-Hiya ang Binatilyong Ito Dahil sa Dami ng Kaniyang Tigyawat sa Mukha; Paano Manunumbalik ang Tiwala Niya sa Sarili?

Hiyang-Hiya ang Binatilyong Ito Dahil sa Dami ng Kaniyang Tigyawat sa Mukha; Paano Manunumbalik ang Tiwala Niya sa Sarili?

HeartbreakingInspiringStories

“Uy!”

Nagulat ako, hindi dahil nagulat ako sa mukha ko, oh dahil may nakita akong multo sa tabi ko… nagulat ako dahil basag na ang salaming madalas kong pakatitigan kapag tinitingnan kong maigi ang mukha ko.

Nakapagtataka ba?

Hindi ko na kasi ikinagugulat kung anumang butil o munggo ang makita ko sa mukha ko. Sanay na. Immune na ako. Tulad ngayon. Paano ko masisipat nang maigi kung ilang pigsa… este tigyawat na naman ang tumubo sa mukhang kahawig sana ni Alden o ni Piolo?

Matagal ko nang tinanggap, at patuloy na tinatanggap, na sadyang paboritong pagtubuan ng mga tigyawat ang mukha ko. Kung ihahambing ko, siguro parang matabang lupa ang mukha ko na kung ano-anong lamang-lupa (ibig kong sabihin eh mga halaman, punongkahoy) ang nagsisitubo.

Noong bata ako, sabi ng nanay ko, ubod-kinis daw ng mukha ko. Lagi raw akong pinipisil sa mukha ng kapitbahay naming si Aling Mely, tindera ng isda sa palengke. Madalas, dahil abala ang nanay ko sa pagkayod para sa amin (dahil single parent lang siya), kapag umuuwi ako mula sa maghapong pakikipaglaro ng taguan, mata-mataya, bang-sak, at langit-lupa, hindi na ako naghuhugas ng katawan.

Matapos kumain, diretso tulog na. Wala nang hugas-hugas. Hindi ko kinasayan ang paghihilamos. Kaya nang nagbibinata na ako, hindi ko napansin na unti-unti na pala akong tinutubuan sa mukha ng mga kung ano-anong bilog na tinatawag nilang tigyawat.

May malalaki, may maliliit, may mapupula, at may masasakit. Pero balewala sa akin ‘yon lalo na noong nasa elementarya pa lang ako. Minsan, pauwi ako sa bahay, narinig kong sinusundan ako ng mga kaklase kong lalaki na mahilig manghila ng buhok ng mga kaklase kong babae.

Para silang nangangabayo habang naglalakad, at sinasambit nila ang mga tunog na “Ya-tigi-dig-tigi-dig” tulad ng sa kabayo. Sa una, hindi ko iyon pinansin subalit dumaan ang marami pang araw na madalas nilang ginagawa iyon. Huwag na kayong magtaka kung isang araw eh umuwi akong nagsusumbong sa nanay at lola ko dahil napisak ang mga tigyawat ko dulot ng pakikipagsuntukan.

Pagtuntong ko sa hayskul—-nag-iba na ang lahat. Kung dati’y wala akong pakialam, nagkaroon ako ng hiya sa sarili ko dahil parang nagkabuhay ang mga tigyawat ko’t kumakaway sa lahat ng tao na pansinin sila. Kasabay ng pagbibinata ko eh nagbinata na rin sila. Lalong nagsilakihan. Tila binulungan nila ako’t sinabing “Ipinagmamalaki ka namin, kaya ipagmalaki mo rin kami!”

Hindi ko makalilimutan ang araw na ipinahiya ako sa lahat ng mga kaibigan ko sa mukha. Klase iyon sa Araling Panlipunan, at dahil nakadurugo ng utak ang asignaturang iyon, piniling maging masayahin ng titser namin kahit hindi siya mukhang masaya.

Pinagdala niya kami ng mapa ng Pilipinas. Magbibigay siya ng lalawigan, ituturo namin sa mapa kung saan makikita iyon. Paborito kong pag-aralan ang heograpiya ng Pilipinas, kabisado ko ang mga lalawigan sa CAR at MIMAROPA, pero hindi ko naman maintindihan kung bakit wala akong dalang mapa sa mga oras na iyon. Siguro dahil abala ang mga mata ko sa katititig sa maganda’t makinis na mukha ng crush kong si Betty kaya sumara ang pandinig ko’t hindi ko alam na kailangan palang magdala ng mapa.

Tinawag ako ni Ma’am. Hanapin at ituro ko raw kung nasaan ang Marinduque. Sinubukan kong hiramin ang mapa ng katabi ko pero inunahan ako ni Ma’am, bawal manghiram. Alumpihit akong tumayo, sabi ko wala akong mapa. Maya-maya, may isa akong kaklase (hindi ko na matandaan kung sino) na nagsabi,

“Hindi niya na po kailangan ng mapa Ma’am, kasi parang mapa na ang mukha niya!” kasunod ang malakas na hagalpakan ng lahat.

Ayos lang sana, sige pagtawanan niyo ko hanggang sumakit mga tiyan niyo sa katatawa, pero nasulyapan kong tumatawa rin nang malakas ang aking si Betty…

Mula noon, ginawa ko lahat ng pwedeng paraan para mawala ang mga tigyawat na ito. Paghihilamos sa mainit na tubig, paghihilamos sa maligamgam na tubig, paghihilamos ulit sa mainit na tubig tapos sabon… wa epek.

Sinubukan ko ang sabong panlaba na nirekomenda ng lola ko, pero parang palo-palo na lang ang kulang at pwede ko ng isampay ang mukha ko. Sinubukan ko ang ‘sikreto ng mga gwapo’ pero lalo yatang nagalit ang mga barkada ko sa mukha. Minsan nga, naisip ko, kung pwede lang makipagpalit ng mukha, gagawin ko.

Kinainggitan ko rin kahit marmol na sahig ng bahay sa kakinisan. Simula nang matukso ako dahil sa mga tigidig na ito, lalo akong naging tahimik sa klase. Nahiya akong makipagkilala.

Nahiya akong makipagkaibigan.

Nakakaharap ko lang ang mga kaklase ko kapag may pangkatang gawain. Minsan pa nga, nakayuko lang. Pero bumabawi ako sa talakayan. Kung ano ang ikinatahimik ko kapag nagsusumigaw ang mga tigidig ko sa mukha, siya namang paandar ko kapag may tanong si Sir o si Ma’am na nakapagpapatiklop sa mapambuyo’t maiingay kong kaklase.

Ibinuhos ko ang panahon ng pananahimik at pagkapahiya sa masinsinang pag-aaral. Nagpakapuyat ako para sa paggawa ng mga takdang aralin.

Nagsunog ng kilay.

Gusto kong makatapos ng pag-aaral.

Gusto kong makapagtrabaho nang maayos, ‘yung may malaking sweldo, para makatulong sa pamilya.

Higit pa roon, gusto kong umasenso para makapagpakinis—-oo, dahil binalak ko na talagang magpatungkab ng mukha kay Dra. Belo.

Kapag nangyari iyon, sabi nga nila, “Hu u kayo sa akin!”

Hindi ko rin makakalimutan ang araw na nalaman na ng lahat ang resulta ng unang markahan: pangalawa lang naman ako sa pinakamahuhusay sa klase. Nangunguna ang aking si Betty. Kaya nang tinawag kami sa harapan, naghiyawan ang mga kaklase namin.

Para akong punong natuod sa kinatatayuan ko nang makipagkamay sa akin si Betty; pakiramdam ko, ako ang pinakamakinis na lalaki sa balat ng lupa! Nang uwian na, parang eksena sa isang madramang teleserye na nagkasalubong kami ni Betty (hindi ko alam kung paano nangyari iyon samantalang uwian na!).

Ngumiti siya sa akin ng ubod-tamis at sabay sabing “Congrats, ha! Ang galing mo, Tag!” Muli, naramdaman kong ako ang pinakamakinis na lalaki sa balat ng lupa. Kaya ngayong basag na ang salamin ko (na hindi ko alam kung paano nabasag), paano ko pakatititigan ang mga tigidig sa mukha ko, na kung dati’y kinakahiya ko, ngayon eh ipinagmamalaki ko dahil nagpapaalala sa akin kung gaano ako kasipag at kasikap sa buhay?

Bawat tigidig sa mukhang ito ay simbolo ng lahat ng puyat, pagod, pagtityaga, at pagsusumikap ko sa buhay. Mamaya itatapon ko na itong basag na salamin na ito, tapos bibili ako ng mas malaki, yung kita ang buong pagkatao ko.

More Stories