Dating Bulakbol ang Binatilyo Kaya Naghihinala ang Kaniyang Ina Kung Bakit Ginagabi na Naman Siya ng Uwi; Napapariwara na Naman Ba Siya?

Dating Bulakbol ang Binatilyo Kaya Naghihinala ang Kaniyang Ina Kung Bakit Ginagabi na Naman Siya ng Uwi; Napapariwara na Naman Ba Siya?

FamilyStoriesSuccess

Napariwara sa buhay ang pangalawang panganay na anak ni Aling Melchora na si Diego kaya hindi masisisi ang ina kung minsan, nag-aalinlangan ito sa mga sinasabi ng anak.

Noong elementarya pa lamang si Diego, akala ni Aling Melchora ay pumapasok sa paaralan ang anak. Iyon pala, natuklasan niyang nagbubulakbol lamang ito, nakatambay maghapon sa bilyaran. Nauubos ang pera nito sa kakalaro o kakataya.

Kung wala naman sa bilyaran, nasa mga video games at arcade naman ito.

Noong hayskul ito, napasama na naman ito sa mga barkadang lasenggero. May mga araw na gabing-gabi o kaya madaling-araw na ito kung umuwi.

“Ano ka ba naman, Diego! Patapon na ba talaga ang buhay mo! Maawa ka naman sa akin, anak!” naiiyak na sabi noon ni Aling Melchora.

Isang sapok sa mukha ang nagpagising sa diwa ni Diego mula sa kaniyang kuyang si Andrei, na hindi niya namalayang dumating na pala mula sa sarili nitong bahay. May sarili na kasi itong pamilya.

Kinuwelyuhan siya nito.

“Hayop ka! Ano ba, uutasin mo ba ang nanay sa sakit ng ulo at sama ng loob? Umayos ka kung ayaw mong samain sa akin!”

Ngunit hindi magpapatalo si Diego. Gumanti siya ng sapak sa kaniyang kuya, hanggang sa magkabasagan na sila ng mukha.

Napahinto lamang ang dalawa nang mapasigaw na ang kanilang ina at mapahawak na ito sa dibdib. Nanikip ang paghinga nito kaya agad nilang itinakbo sa ospital.

Mabuti na lamang at naagapan ang paninikip ng dibdib ni Aling Melchora, kundi ay wala na ito.

“Kapag may nangyaring masama kay Nanay, sinasabi ko sa iyo Diego, patawarin ako ng Diyos at ni Tatay na nasa langit na, pero hinding-hindi kita mapapapatawad!” galit na galit na sabi ni Andrei sa kaniyang kapatid. Yukong-yuko naman ang ulo ni Diego. Umaagos ang mga luha sa kaniyang mga mata.

“Tama na po kuya! Tama na po!” umiiyak na awat naman ng bunso nila na si Megan. “Napahamak na nga po ang nanay sa sama ng loob, dadagdagan n’yo pa… tama na po mga kuya!”

At nahinto na nga ang pag-aaway ng dalawa.

Makalipas ang dalawang araw ay naiuwi na nga si Aling Melchora sa kanilang bahay.

Lalong naging tahimik si Diego.

Minsan, gabing-gabi na siya kung umuwi.

Kinausap ni Aling Melchora ang panganay na anak na si Andrei.

“Kinakabahan ako anak sa kapatid mo. Sa palagay mo ba ay bumalik na naman siya sa dati niyang gawi na nagbubulakbok? Paano siya magkokolehiyo niyan kung ganyan pa rin ang asal niya?”

“Bakit ‘Nay, may napapansin ba kayong kakaiba sa kaniya?”

“Oo. Napapansin ko na naman na minsan ay gabing-gabi na siya kung umuwi, eh kalahating araw lamang naman ang pasok sa paaralan. Nag-aalala ako para sa kapatid mo, Andrei. Baka kung ano na ang ginagawa niya.”

“Huwag kang mag-alala, Nanay. Susundan ko na lamang siya para malaman ko kung saan ba siya nagpupunta tuwing tanghali hanggang gabi. Para makastigo ko na rin. Makakatikim ulit sa akin ang batang iyan oras na malaman kong sinasayang niya ang pera niya sa bilyaran o video games.”

At ganoon na nga ang ginawa ni Andrei. Inabangan niya sa paaralan si Diego hanggang sa oras ng uwian at minanmanan ang kilos nito.

Narinig na ang bell na hudyat ng uwian. Binabantayang maigi ni Andrei ang tarangkahan ng paaralan.

Hanggang sa nakita na niya si Diego. Naglakad na ito sa lansangan. Siya naman ay sinundan ito.

Ngunit hindi sa direksyon sa bahay nila pauwi patungo ang kapatid.

“Saan kaya papunta itong mokong na ito…” bulong ni Andrei sa kaniyang sarili.

Hanggang sa makita niya na papunta ito sa palengke.

“Sa palengke? Ano’ng gagawin niya rito sa palengke?”

Hanggang sa nakita ni Andrei na pumasok si Diego sa isang puwesto na nagtitinda ng mga karne ng baboy, isda, at gulay. Nagpalit ito ng damit na puti at naglagay ng apron.

Hindi pala nagbubulakbol ang kapatid.

Suma-sideline pala ito ng trabaho bilang tindero sa palengke na umaabot hanggang gabi!

Ipinagbigay-alam ni Andrei ang kaniyang natuklasan sa kanilang nanay.

Kaya nang dumating si Diego, nagulat na lamang siya nang yakapin siya ni Aling Melchora.

“Anak, patawarin mo ako kung pinaghinalaan kitang bumabalik sa dati mong gawi. Alam na namin ang totoo kung bakit gabi ka na umuuwi,” umiiyak na sabi ni Aling Melchora.

“Sinundan kita. Nakita ko na namamasukan ka bilang tindero sa isa sa mga puwesto sa palengke. Bakit hindi mo kaagad sinabi sa amin?” untag ni Andrei.

“Kasi gusto kong makabawi sa inyo, gusto kong makabawi kay Nanay,” paliwanag ni Diego. “Gusto kong ipakita sa kaniya na kaya ko rin namang maging mabuting anak, na kaya ko ring magbanat ng buto, at kaya ko ring dumiskarte ng pera kagaya ng ginawa mo noon kuya, baka sakaling ipagmalaki rin niya ako,” naiiyak na paliwanag ni Diego.

“Anak… ipinagmamalaki kita! Tatandaan mo ‘yan. Mahal na mahal kita kasi anak kita!”

At simula noon ay naging maayos nang muli ang relasyon nina Aling Melchora at Diego, ganoon din ang magkapatid na Diego at Andrei. Nakatapos naman ng hayskul si Diego at nagpatuloy ng kaniyang pag-aaral sa kolehiyo upang pamarisan ang kaniyang Kuya Andrei na kaniyang idolo.

More Stories