Pinakiusapan ang Babaeng Ito ng Kaniyang Nobyo na Maging Co-Maker Siya sa Car Loan Nito; Makalipas ang Isang Buwan, Bakit Kaya Napaiyak na Lamang Siya?

Pinakiusapan ang Babaeng Ito ng Kaniyang Nobyo na Maging Co-Maker Siya sa Car Loan Nito; Makalipas ang Isang Buwan, Bakit Kaya Napaiyak na Lamang Siya?

KarmaLoveStories

Kilig na kilig si Shaine dahil sa nakilala niyang isang guwapong lalaki na nagngangalang Lester, sa dating app na kaniyang nai-download at pinagamit sa kaniya ng kasamahan sa trabaho.

Talaga nga namang nakakikilig ang pisikal na anyo ni Lester, at walang sinumang babae ang hindi marahil mahuhulog sa taglay na kaguwapuhan nito.

Bukod dito, habang tumatagal ang kanilang usapan ay naikukuwento nito kung gaano ito kayaman. Nagmula ito sa mayamang pamilya.

Nagkapalitan na rin sila ng Messenger kaya minabuti na rin nilang magtawagan sa pamamagitan ng video call.

Minsan, nagpapadala rin siya ng mga larawan niyang mapamukaw. O kaya naman, kinukuhanan niya ang sarili at ipinadadala niya rito.

“Pinapasabik mo ‘ko my loves… siguro kailangang magkita na tayo,” minsan ay nasabi ni Lester kay Shaine.

“Ikaw lang naman ang hinihintay ko, my loves! Ayain mo na kasi ako,” parang umaaktong ‘pabebe’ na sabi ni Shaine.

“Sige. Itetext ko sa iyo ang lugar kung saan tayo magkikita.”

Sabado, ala-una ng hapon, sa isang sikat na mall sa Ortigas nagkita ang dalawa.

Kilig na kilig naman si Shaine dahil napakamalambing, maasikaso, at masarap kausap si Lester.

Hanggang sa naulit nang naulit ang kanilang pagkikita.

Makalipas ang isang buwan, pormal na naging sila.

“Hindi ba masyadong mabilis na sinagot kaagad kita? At may nangyari na kaagad sa atin?” sabi ni Shaine habang nakayakap sa kaniya si Lester. Nasa inupahang kuwarto sila sa isang motel.

“Makabago na ang panahon ngayon kaya ayos lang ‘yan.”

Katahimikan.

“My loves… may pakikiusap sana ako sa iyo.”

“Ano iyon, my loves?” tanong ni Shaine sa nobyo.

“Gusto ko kasing kumuha ng kotse… eh kailangan yata ng co-maker. Eh naisip ko, ikaw na lang?”

“Naku my loves, wala namang problema sa akin. Kaya lang wala naman akong ganoong kalaking pera…”

“Ang mahalaga lang naman ay may pera kang pasok sa istandard nila. Huwag kang mag-alala my loves at ako naman ang bahala sa pagbabayad. Kailangan lang daw talaga ng co-maker.”

Pumayag naman si Shaine na maging co-maker sa pagbili ng kotse ng nobyo. Sinamahan pa niya ito sa mismong car shop. Sa pamamagitan ng car loan ay nailabas nila ang kotse, gamit ang pangalan ni Shaine.

Nang makuha na nila ang kotse, minaneho na ito ni Lester. Maya-maya, nagulat si Shaine nang huminto ang sasakyan at may kinausap na isang lalaki ang nobyo. Matapos ang pag-uusap, pinababa siya ng nobyo sa bagong sasakyan. Kitang-kita ni Shaine na iniabot ni Lester ang susi ng kotse sa naturang lalaki. Sumakay ang lalaki sa kotse, pinaandar ito, at sumibad na ito.

“T-Teka muna… ano’ng nangyayari? Sino ‘yun?” nagtatakang tanong ni Shaine. “Bakit niya minaneho ang kotse?”

“Ah kuwan, tito ko ‘yun. Pinauwi ko na muna. Tara na, ihahatid na kita sa inyo.”

Kinabukasan, hindi nagparamdam sa kaniya ang nobyo. Tinatawagan niya ito subalit wala nang sumasagot sa mga numero ng cellphone nito.

Hindi rin ito tumutugon sa mga chat niya.

Sa ikalawang araw, nang subuking tawagan ni Shaine ang numero ng cellphone nito, ‘unattended’ na ito.

Nakita niya sa social media na deactivated na ang account nito, at naka-block na rin siya.

Hindi na rin niya mahanap ang account nito sa dating app kung saan sila nagkakilala.

“My loves… ano’ng nangyari? Bakit mo ako ginaganito?” naiiyak na sabi ni Shaine.

Makalipas ang isang buwan, mas naiyak si Shaine dahil siya ang tinatawagan ng bangko para bayaran ang buwanang hulog na 10,000 piso para sa kotse.

Napagtanto ni Shaine na nagoyo siya ni Lester. Isa pala itong scammer. Agad niya itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Napag-alaman ni Shaine na matagal na palang pinaghahahanap ng mga awtoridad ang grupo nina Lester—hindi rin pala Lester ang tunay niyang pangalan kundi Roderick Guzman.

Napaiyak na lamang si Shaine. Bakit kailangan niyang magbayad sa isang bagay na hindi naman niya pinakinabangan?

Modus operandi umano nila na magpaikot ng mga tao at gawing co-maker ang mga ito sa bank loan o car loan na kukunin nila, at pagkatapos ay bigla na lamang maglalahong parang bula. Kaya ang hahabulin ng bangko, ang co-maker na kaawa-awang biktima.

Lumikha ng ingay sa mga balita at social media ang isyung ito. Lumitaw pa ang ibang mga babaeng naloko ni Lester o ni Roderick.

Ganoon nga raw ang ginagawa nito: nakikipagkaibigan sa mga babae at kapag hulog na hulog na, saka hihingan ng pabor.

Naniniwala si Shaine na balang-araw ay masusukol din ng mga pulis ang grupo nina Lester.

Sa susunod, tiyak na magtatanda na siya at hindi na siya basta-basta magtitiwala sa mga bagong kakilala lamang, lalo na kapag hinihingi na ang kaniyang pirma.

More Stories