Inday TrendingInday Trending
Nag-Ampon ang Magkapatid na Hindi Magka-Anak; Sa Paglipas ng mga Taon ay Nagulat Sila sa Naging Itsura ng mga Ito

Nag-Ampon ang Magkapatid na Hindi Magka-Anak; Sa Paglipas ng mga Taon ay Nagulat Sila sa Naging Itsura ng mga Ito

“Sigurado ka na ba, Lerma sa desisyon mo? Suportado ka naman ba ng asawa mo?” tanong ni Glenda sa kaniyang kapatid.

“Nakapagdesisyon na ako, ate. Napag-usapan na namin ni Jojo ang tungkol sa pag-aampon ng bata at sang-ayon din siya sa balak natin.”

“Natutuwa ako na sinusuportahan tayo ng mga mister natin. Ang ibang tao kasi, ayaw na nag-aampon dahil hindi raw kadugo, pero para sa akin ay wala naman ‘yan sa pagiging magkadugo o hindi, ang mahalaga ay kung paano natin palalakihin ang mga bata. Dapat iparamdam natin sa kanila na kahit hindi sila nanggaling sa atin ay ituturing at mamahalin natin sila bilang mga tunay nating anak.”

Noon pa man ay plano na ng magkapatid na Lerma at Glenda na mag-ampon ng bata. Parehong baog ang magkapatid na kahit kailan ay hindi na magkakaroon pa ng sarili nilang anak. Mabuti na lamang at maunawain at malawak ang pag-iisip ng kanilang mga asawa at payag ang mga ito sa plano nilang pag-aampon ngunit sa magkaibang bahay ampunan pumunta ang magkapatid kasama ang kanilang mga mister.

“Ikaw na ba ang magiging baby namin? Ang cute, cute naman ng baby na ito!” masayang wika ni Lerma nang makita ang batang aampunin nila.

“Ang gandang lalaki ng baby natin, darling! Nakaisip ka na ba ng ipapangalan natin sa kaniya?” tanong ng asawa niyang si Jojo.

“Gabriel ang ipapangalan natin sa kaniya. Siya si Baby Gabriel!”

Tuwang-tuwa ang mag-asawa dahil ang cute at ang lusog ng inampon nilang sanggol.

Samantala, sa ampunang pinuntahan ng mag-asawang Glenda at Albert ay nakita na rin nila ang batang aampunin. Mas matanda ang bata ng dalawang taon sa sanggol na inampon nina Lerma.

“Wow, ang ganda ng baby girl natin!” sambit ni Glenda.

“Ang puti ng baby natin, babe. Siguradong kapag lumaki ‘yan ay magiging kasing ganda mo!” saad naman ng mister.

“Angelica ang ipapangalan natin sa kaniya,” saad ni Glenda.

Parehong masaya ang magkapatid dahil sa wakas ay natupad na ang pangarap nilang magkaroon ng anak.

Mabilis na lumipas ang mga taon at lumaki na pareho ang mga batang inampon nina Lerma at Glenda ngunit habang lumalaki ang mga ito ay may napapansin ang magkapatid.

“Ate, napapansin mo ba na parang nagiging kamukha ng anak kong si Gabriel ang anak mong si Angelica?” nagtatakang tanong ng babae.

“Napapansin ko rin ‘yan, Lerma. Kapag tinititigan ko si Angelica ay para kong nakikita ang mukha ni Gabriel at alam mo bang magkasundung-magkasundo ang dalawang ‘yan na parang magkapatid din?”

Kahit ang mga kamag-anak at kakilala nila ay napapansin ang pagkakahawig ng itsura ng dalawang bata.

“Habang tumatagal ay nagiging kamukha ng anak mo ang anak na babae ng kapatid mong si Glenda!” sabi ng kaibigan ni Lerma.

“Nakapagtataka talaga na magkahawig ang mga anak niyong magkapatid,” wika naman ng kanilang pinsan.

“Kung ‘di ko alam na anak mo, Lerma, ang batang ‘yon at alam naman ni Glenda ang batang babae ay iisipin kong iisa lamang ang nagluwal sa kanila,” sambit ng isa sa kanilang malapit na kapitbahay.

Para maiwasan ang hindi magandang usapin tungkol sa kanilang mga anak ay gumawa ng hakbang ang magkapatid para malaman ang totoo. May hinala na rin naman sila kung ano ang posibleng dahilan ng pagkakahawig ng mga bata. Ipina-DNA test nila ang kanilang mga ampon at ikinabigla nila ang naging resulta ng DNA test.

“Diyos ko! Magkapatid silang dalawa!” gulat na sabi ni Glenda.

“Kaya pala habang lumalaki ang mga anak natin ay nagiging magkamukha sila dahil totoo nga silang magkapatid!” sambit naman ni Lerma.

Napag-alaman nila na tunay na magkapatid sina Gabriel at Angelica. Nang puntahan nila ang dalawang bahay ampunan na pinagkunan nila sa dalawang bata, sinabi ng mga namamahala sa mga ampunan na iisang babae ang nagluwal sa mga ito. Dahil hindi na kayang buhayin ng ina ang dalawang anak ay ibinigay nito ang mga bata sa magkahiwalay na bahay ampunan.

Ikinatuwa naman nina Lerma at Glenda ang natuklasan nila dahil napabuti pa pala ang ginawa nilang pag-aampon sa dalawang bata dahil nagkita at nagkasama na ang totoong magkapatid na pinaghiwalay ng pagkakataon. Nangako naman ang dalawa na ipagtatapat nila sa mga bata ang katotohanan sa takdang panahon.

Advertisement