
Kinupkop at Inalagaan ng Mag-asawa ang Galising Pusa; Magandang Kinabukasan Pala ang Hatid Nito sa Kanila
Kahit mahirap ang buhay ay magkasamang hinaharap ng mag-asawang Termio at Felina ang bawat araw. Parehong baog ang dalawa kaya hindi na sila magkakaanak ngunit kahit ganoon ang kanilang kapalaran ay masaya pa rin sila at mahal na mahal ang isa’t isa.
“Nagsisisi ka ba, Felina na ako ang pinakasalan mo? Hindi ka sana naghihirap na kasama ako,” tanong ni Termio sa maybahay.
“Wala akong pinagsisisihan, Termio. Mahal kita, handa akong samahan ka habang ako’y nabubuhay.”
Ang pagtitinda ng mga basahan at plastik ang pinagkakakitaan ng mag-asawa. Kahit paano’y naitatawid ng kakaunti nilang kinikita ang pang-araw-araw nilang gastusin.
Isang araw ay may napansin si Termio na may pinagkakaguluhan ang mga batang kalye sa labas ng kanilang barong-barong. Dahil sa ingay ng mga ito ay sinita sila ng lalaki.
“Hoy, mga bata, ano’ng pinagkakaguluhan ninyo riyan?!”
Nang lapitan ni Termio ang mga bata ay nakita niyang sinasaktan ng mga ito ang isang galising pusa. Nakaramdam ng awa si Termio sa pusa kaya kinagalitan niya ang mga salbaheng bata at sinabihan ang mga ito na tumigil na sa ginagawa.
“Tigilan niyo ‘yan! Maawa kayo sa hayop!”
Nilubayan naman ng mga batang kalye ang pananakit sa pusa at nagmamadaling tumakbo ang mga ito paalis. Kinarga ng lalaki ang pusa at dinala sa loob ng barong-barong.
“O, kaninong pusa ‘yan?” tanong ni Felina.
“Kaya pala may mga batang nag-iingay sa labas, pinagtutulungan nilang saktan itong kaawa-awang pusa.”
“Kawawa naman, puro galis pa ang pusa na ‘yan. Ilapit mo nga rito sa akin at papakainin ko. Baka nagugutom na ‘yan.”
Binigyan ni Felina ng tinik ng isda ang pusa. Nagustuhan naman nito ang pagkain at nagmamadaling kinain iyon.
Mabait at maamo ang pusa na pinangalanan nilang Pipo. Naging mas masaya ang mag-asawa nang kupkupin nila ang pusa. Dahil wala silang sariling anak ay itinuring nila na parang anak ang alaga nilang pusa. Kahit galisin ang pusang si Pipo ay hindi sila nandidiring hawakan ito at himasin. Maaasahan din nila ang pusa dahil nabawasan ang mga daga sa tinitirhan nilang barong-barong nang alagaan nila ito.
“Napakasipag talagang manghuli ng mga daga itong si Pipo, nakakatuwang pusa!” sabi ni Termio.
“Mabuti na lang at nakuha mo ‘yang si Pipo. Mula nang kupkupin natin ang pusang ‘yan ay hindi na ako naiinip dito sa bahay,” sagot naman ni Felina.
Ngunit isang hindi inaasahang bagyo ang dumating. Sa sobrang lakas ng bagyo ay nasira ang maliit nilang barong-barong. Nang tumila ang malakas na ulan ay nawalang parang iglap ang bahay ng mag-asawang Termio at Felina. Nanlumo ang dalawa sa nangyari, hindi nila alam kung saan sila titira ngayong sinira ng bagyo ang kanilang barong-barong.
“Ano’ng gagawin natin, Termio? Saan na tayo titira? Wala na tayong bahay!” maluha-luhang sambit ni Felina.
“May awa ang Diyos, Felina,” tanging tugon ni Termio sa kaniyang maybahay.
Maya-maya ay napansin nila ang kanilang alagang si Pipo na may hinuhukay na kung ano sa tabi ng nasira nilang barong-barong.
“Ano’ng hinuhukay mo riyan, Pipo?” nagtatakang tanong ni Termio sa alaga.
Patuloy lang sa paghuhukay ang pusa. Nang lapitan ng mag-asawa ang alagang hayop ay tinulungan pa nila itong maghukay. ‘Di nagtagal ay may nakapa si Termio sa ilalim ng lupa.
“Ano kaya ito?!”
Nang tingnan niya ang nakuha sa ilalim ng mamasa-masang lupa ay isa palang iyong maliit na supot at nang buksan niya ay tumambad sa kanila ang ilang pirasong maliliit na bato na parang kumikinang. Pinagmasdang mabuti ng mag-asawa ang mga bato at napagtanto nila kung ano ang mga iyon. Ikinagulat nila na ang mga batong iyon ay mga maliliit na brilyante!
“Mahabaging langit, mga brilyante ito, Felina!” sambit ni Termio habang ipinapakita sa kaniyang maybahay ang maliliit na bato na nasa mga palad niya.
“Diyos ko! Saan galing ang mga ‘yan?!” gulat na gulat na tanong ni Felina.
Agad nilang ipinasuri sa eksperto ang mga bato at nalaman nilang tunay na mga brilyante ang nahukay nila. Hindi sila makapaniwala na biglang nagbago ang kanilang buhay dahil sa nakuha nilang mga brilyante. Ipinagbili nila ang mga iyon sa malaking halaga at ang perang nakuha nila ay ipinagpatayo nila ng bagong bahay. Sobra silang nagpapasalamat sa Panginoon dahil ibinigay Nito sa kanila ang pusang si Pipo na kundi dahil sa kanilang alagang pusa ay hindi sila makakaahon sa hirap. Ito ang nagbigay sa kanila ng suwerte.
Dahil nakatanggap sila ng suwerte ay ginamit naman nila iyon para tumulong sa kanilang kapwa. Nagtayo ang mag-asawa ng negosyo at binigyan nila ng trabaho ang mga kapitbahay nilang nawalan din ng kabuhayan dahil sa nagdaang bagyo. At dahil may pera na sila ay dinala rin nila sa beterinaryo ang kanilang alagang pusa para ipagamot ang mga galis nito sa katawan.