
Ginawang Pambayad Utang ang Dalaga ng Kaniyang Madrasta; Iyon pa Pala ang Magpapalaya sa kaniya sa Kalbaryo
“Eleanor, nasaan ka? Pumarine ka ngaʼt may sasabihin ako sa ʼyo!”
Nasa likod ng kanilang bahay si Eleanor at nagsasampay na ng mga nilabhan niyang damit nang marinig ang pagtawag ng kaniyang madrasta. Agad naman niyang binitiwan ang ginagawa upang tumalima sa pagtawag nito. Mahirap na kasi at baka mamaya ay kagalitan na naman siya nito.
Malaki ang takot ni Eleanor sa madrasta. Buhat kasi nang pumanaw ang kaniyang ama ay nagsimula na ring maging magaspang ang dati ay maayos namang pakikitungo nito at ng mga anak nito sa kaniya. Nariyang pagbuhatan siya nito ng kamay, pagsalitaan ng masasakit, gutumin at ipahiya sa maraming mga tao. Pinatigil na rin siya nito sa pag-aaral kaya kahit man lang highschool ay hindi niya natapos. Iyon ang dahilan kaya tumanda nang mangmang si Eleanor at hindi makaalis sa puder ng kaniyang madrasta.
“Tiya, tawag po ninyo ako?” tarantang tanong ni Eleanor sa tiya niya habang ipinupunas ang kaniyang mga kamay sa laylayan ng suot niyang blusa.
Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa na may halong pangungutya. “Ano ba ʼyang hitsura mo? Para kang hindi dalaga!” sabi nito sa kaniya.
“Naku, Tiya, pasensiya na po. Naglaba po kasi ako kaya nabasa ho itong suot ko,” nahihiya namang sagot ni Eleanor sa tiya niya.
“Hala at iwanan mo muna iyang ginagawa mo. Magpalit ka ng panlakad at pupunta tayo sa mall. Ibibili kita ng bagong damit doon,” utos naman nito sa kaniya.
Pinanlakihan ng mata si Eleanor sa narinig. Kunot-noo niyang tiningnan ang kaniyang madrasta. Tila biglang kinabahan si Eleanor para sa kaniyang sarili. Hindi naman kasi lingid sa kaniyang kaalaman ang trabaho nito.
Isa itong bu*gaw. Nagbebenta ito ng mga babaeng kumakapit sa patalim. Matagal na niyang kinatatakutang maisipan nitong isabak siya sa ganoong trabaho at mukhang ngayon ay wala na siyang kawala pa.
“Malaki ang utang ko kay Mister Aguire, Eleanor, at ikaw ang hinihingi niyang kabayaran. Birthday daw ng kaniyang apo at gusto niyang regaluhan ito ng babaeng pagsasawaan kahit isang gabi lang. Huwag mo nang subukang tumanggi dahil may kalalagyan ka sa akin!” mariing banta ng malupit niyang madrasta sa kaniya na sinundan pa nito ng panunumbat, “kulang pa nga iyan sa laki ng utang na loob mo sa akin dahil binuhay kita kahit na wala na ang ama mo. Kung pinabayaan kita, malamang sa lansangan ka pagala-gala ngayon!”
Napayuko na lamang si Eleanor. Hindi na niya napigil pa ang pag-agos ng kanina pa nangingilid niyang luha. Nakadagdag pa sa kaniyang nadaramang lungkot ang isiping si Mister Aguire pa ang gustong magdala sa kaniya sa ganitong sitwasyon. Matagal nang kakilala ni Eleanor ang matanda. Halos ituring na nga niya itong lolo dahil napakabuti nito sa kaniya noon pa man. Naging sumbungan niya ito sa tuwing madadayo siya sa bahay ng mga ito kapag maghuhulog sa utang ng kaniyang madrasta, at nagpapakita ito ng simpatiya. Bakit ngayon ay tila nag-iba ang ihip ng hangin?
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang kaniyang madrasta. Matapos nilang mamili ng ilang mga damit na halos ibulgar na ang kaniyang buong pagkatao ay agad na siya nitong dinala sa bahay ng mga Aguire.
Naabutan nilang naghihintay na ang matanda sa salas ng bahay ng mga ito. Sa tabi nito ay ang apo nitong makisig naman at guwapo. Nakatitig lamang sa kaniya ang binata habang si Eleanor naman ay nayuyuko dahil ang mga mata niya ay namamaga pa sa pag-iyak.
“Siya na ba ʼyong babaeng ikinukuwento ninyo sa akin, lolo?” tanong ng binata sa malamig na tinig.
Dama niya ang pagkasabik ng kaniyang madrasta. Sa katunayan ay ito na ang sumagot sa tanong ng binata. “Oo, hijo! Ito si Eleanor. Ikaw na ang bahala sa kaniya, ha? Iyong-iyo siya sa gabing ito!”
“Magaling ba siya?” tanong pa ng binata. Hindi nagbabago ang tono.
“Oo naman! Matagal na ako sa trabahong ito. Marami na akong naibentang babae kaya hinding-hindi ka magsisisi, hijo!”
Ang buong akala ni Eleanor ay iyon na ang simula ng mas matindi niyang kalbaryo… ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang maglabas ng posas ang binatang apo ni Mr. Aguire!
“Kung ganoon, inaaresto kita, misis. Alam mo naman sigurong ilegal ang ginagawa ninyo, hindi ba?” anang binata at agad na inaresto ang kaniyang madrasta na wala nang nagawa pa kundi ang sumama nang isakay ito ng iba pang kapulisang naroon din pala sa bahay ng mga Aguire nang mga oras na iyon.
“Eleanor, tama?” Binalingan siya ng binata.
Tulala man dahil sa bilis ng mga pangyayari ay tinanguan ito ni Eleanor.
“Huwag ka nang matakot. Wala nang aapi sa ʼyo. Isinumbong sa akin ni lolo ang ginagawang pangmamalupit sa ʼyo ng madrasta mo. Nagkataong matagal na namin siyang iniimbestigahan kaya ito ang naisip kong paraan para iligtas ka. Ako nga pala si Police Lieutenant Wilbert Aguire,” ang nakangiti pang anang binata kay Eleanor.
Nang mga sandaling iyon ay wala sa loob na napayakap ang dalaga sa binata habang umiiyak siya sa tuwa.
Hindi nagtagal ay nagkamabutihan sila ng binata at sa kalaunan ay nagpakasal. Sa wakas ay naging mabuti na ang kalagayan ni Eleanor, habang ang kaniyang madrasta ay nabulok sa bilangguan upang pagdusahan ang kaniyang mga kasalanan.