Inday TrendingInday Trending
Ikinaiinis ni Misis ang Pagiging Sleep Walker ni Mister; Malagim Pala ang Lihim sa Likod Niyon

Ikinaiinis ni Misis ang Pagiging Sleep Walker ni Mister; Malagim Pala ang Lihim sa Likod Niyon

Sumasakit na ang ulo ni Lydia. Panibagong reseta na naman ng gamot mula sa doktor ng kaniyang mister ang kailangan niyang bilhin, pagkatapos ay wala naman sa mga ito ang umeepekto!

Grabe na ang kaniyang pagtitiis. Gabi-gabi na lamang ay hindi siya pinatutulog ng kalagayan ng asawang si Berto.

Buhat nang sila ay magsama nito sa iisang bubong ay hindi na naalis ang pagiging sleep walker nito. Sa kalagitnaan ng gabi ay bumabangon ito at naglalakad patungo sa kung saang sulok ng kanilang bahay pagkatapos ay bigla na lamang magsisisigaw at tatakbo pabalik sa kanilang higaan. Matagal na iyong reklamo ni Lydia kaya nga naisipan na niya itong dalhin sa doktor upang ipatingin ngunit wala namang umeepekto sa mga inireresetang gamot para sa kalagayan nito.

“Hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin ko sa asawa ko, mare. Sa tuwing tatanungin ko naman siya kung bakit siya nagkakaganoon ay nag-aaway lang kami. Madalas nga ay nasasaktan niya pa ako,” may buntong-hiningang kuwento ni Lydia sa matalik niyang kaibigang si Joy.

“Ginugulpi ka pa rin ba ng magaling mong asawa, ha?” inis namang tanong nito sa kaniya. “Sabi ko naman sa ʼyo, hiwalayan mo na ʼyang Berto na ʼyan, Lyd! Baka mamayaʼy kung ano pa ang magawa sa ʼyo ng damuhong ʼyon!”

“Ang totoo ay ikinokonsidera ko na rin ang ideyang ʼtan, Joy. Ang kaso, naghahanap pa ako ng mas matinding dahilan para iwan siya. Wala man kaming anak, kasal pa rin kami kaya ayoko sanang bumitiw agad,” may alinlangan namang sagot ni Lydia sa kausap.

Nasapo na lamang ni Joy ang kaniyang noo. Hindi na niya alam kung papaano tutulungan ang kaibigan gayong matigas naman ang ulo nito’t hindi nakikinig sa mga payo niya.

Nang gabing iyon ay pinag-iisipang maigi ni Lydia ang naging usapan nila ng kaibigan. Taimtim siyang nagdasal at humingi ng gabay sa panginoon upang maging tama ang kaniyang desisyon.

Alas-dyes na ng gabi nang umuwi si Berto galing sa inuman. Bagsak na agad ito sa higaan kaya naman ang akala ni Lydia ay hindi na ito maglalakad pa nang tulog ngayong gabi.

Ngunit nang pumatak ang alas-dose ay naramdaman na niya ang muling pagbangon ng asawa sa higaan. Natampal ni Lydia ang kaniyang noo. Inalis niya ang kumot sa kaniyang paanan at bumangon upang sundan kung saan ba nagsusuot ang kaniyang mister.

Sa tagal na nilang mag-asawa ay ngayon lamang niya naisipang gawin ito dahil natatakot siyang baka saktan siya nito laloʼt nagwawala ito kapag naaalimpungatan.

Ngunit ganoon na lang ang gulat ni Lydia nang makitang binuksan ni Berto ang pintuan ng kwartong ginawa na lamang nilang tambakan ng lumang gamit dahil ayaw iyong ipagamit ng asawa sa kahit na sino. Sinundan niya pa rin ito sa loob at nakita niya ang asawang nagsusuot sa ilalim ng lumang kamang naroon sa bodega. Nagtagal doon nang ilang sandali si Berto at maya-mayaʼy nagsisigaw na at nagtatakbo palabas at pabalik sa kanilang higaan.

Biglang nabuhay ang kyuryosidad sa dugo ni Lydia. Nang gabing iyon ay nagkaroon siya ng hinala na baka may itinatago ang kaniyang asawa sa ilalim ng lumang kamang iyon kaya naman nang magising siya kinabukasan ay hinintay niyang umalis ang kaniyang mister upang alamin kung ano ang itinatago nitong lihim.

Hawak ang martilyo ay sinimulang pukpukin ni Lydia ang sahig ng naturang bodega, sa mismong ilalim kung saan nakapuwesto ang kama. Ganoon na lang ang kaniyang disgusto nang biglang umalingasaw ang masangsang na amoy na parang nabubulok na laman, sa unang pukpok pa lamang niya ng sahig!

Doon na nagpasiyang magpatawag si Lydia ng barangay tanod, at laking gulat nilang lahat sa kanilang natuklasan!

Isang walang buhay na katawan ng isang dalagita ang nakalibing sa ilalim na iyon ng kama!

Agad na hinuli ng kapulisan si Berto at sa wakas, pagkalipas ng mahabang panahon ay umamin ito sa kasalanang kaniyang ginawa noon!

Pinagsamantalahan niya ang dalagitang iyon pagkatapos ay kin*itilan niya ito ng buhay at doon inilibing sa ilalim ng kaniyang kama upang walang sinuman ang makaalam ng kaniyang ginawang kri*men!

Laking pasasalamat ni Lydia at nabigyan niya ng hustisya ang dalagita kahit pa nga nangingilabot siya sa isiping matagal niyang nakasama ang bangk*ay na iyon sa kanilang bahay. Sa wakas ay may dahilan na siya upang tuluyang iwan ang kaniyang mister at magsimula ng panibagong buhay.

Advertisement