
Tadtad ng Tigidig ang Mukha ng Dalaga; Nganga Sila nang Iyon pa ang Magpasikat sa Kaniya
“Sis, maglinis ka naman ng mukha mo. Ang dami mong tigidig, oh!”
Tawanan at hagalpakan ang agad na pumailanlang sa classroom nina Nikki matapos siyang biruin ng kaklase niyang beki tungkol sa mga taghiyawat niya sa mukha. Sanay na siya sa ganoong ruta ng mga ito sa araw-araw, kaya naman tulad ng dati ay hindi na lamang niya pinansin pa ang sinasabi ng mga ito at nanahimik na lamang siya sa isang sulok. Kahit ilang beses niya kasing ipaliwanag sa mga ito na hindi dumi ang sanhi ng pagkakaroon niya ng napakaraming taghiyawat kundi ang pagiging sensitibo ng kaniyang balat noon pa man.
Dahil sa kondisyon ni Nikki ay wala siyang naging ganoon kalapit na kaibigan kaya naman ibinuhos na lamang niya ang lahat ng kaniyang atensyon sa paggawa ng ibaʼt ibang obra tutal ay mahilig naman siya sa pagpipinta at pagguhit. Nahilig din siya sa panonood ng ibaʼt ibang videos hanggang sa ma-hook siya sa panonood ng mga make-up tutorials sa Youtube.
Dulot ng kyuryosidad ay sinubukan ding tularan ni Nikki ang mga napapanood niya sa naturang plataporma. Naghanap siya ng ibaʼt ibang paraan upang takpan ang kaniyang mga kapintasan sa mukha, hanggang sa gumaling siya nang gumaling sa pagme-make up.
Nang mga sumunod na linggo pa nga ay naengganyo na rin siyang gumawa ng sariling tutorial. Noong una ay may pag-aalinlangan pa siya kung ipakikita niya ba ang kaniyang ikinahihiyang kapintasan, ngunit napagtanto ni Nikki na kailangan niyang tanggapin muna ang kaniyang sarili bago siya tanggapin pa ng ibang tao.
Ginamit ni Nikki ang kaniyang insecurities bilang kaniyang kalakasan at hindi bilang kahinaan at sa ganoong paraan ay nakuha niya ang tiwala sa sariling matagal nang nawala sa kaniya.
“Wow, Ate Nikki, sikat ka na!” isang araw ay hiyaw ng kaniyang pinsang si Loyda nang makita nitong umabot na sa isang milyon ang nakapanood ng kaniyang unang in-upload na video. Proud na proud sa kaniya ang pinsan habang binabasa nito ang ilan sa makabagbag damdaming mga komento ng tao tungkol kay Nikki at sa kaniyang talento.
“Ang galing-galing mo, Miss Nikki! Nakaka-proud na hindi mo ikinahihiya ang kapintasan mo.”
“Iʼm suffering with the same situation as yours, Ate Nikki. Binigyan nʼyo po ako ng pag-asa na magkaroon pa ng confidence kahit na ganito ang kondisyon ng balat ko! Thank you po.”
“Idol! Sana ma-meet kita. Isa kang inspirasyon.”
Ilan lamang ang mga iyon sa mga komentong humahaplos sa puso ni Nikki kaya naman dumalas nang dumalas nang dumalas ang pag-a-upload niya ng kaparehong videos hanggang sa makilala siya sa larangan ng make-up vlogging.
Isa na ngayon sa mga tinitingala at pinakamaimpluwensyang make-up influencer si Nikki. Kada produktong ginagamit at nagugustuhan niya ay talaga namang dinudumog ng maraming kababaihang nahihilig din sa pagme-make up katulad niya. Kung noon ay pinagtatawanan siya sa tuwing siya ay pumapasok sa eskuwela, ngayon ay tila hindi na nila siya matingnan pa ng may pangungutya sa mga mata. Ang mga iyon ay napalitan ng paghanga sa tuwing siya ay nakikita nila na kailan man ay hindi naman sinamantala ni Nikki.
Hindi pa iyon ang sukdulan ng kaniyang tagumpay, dahil nang siya ay magkolehiyo ay pinursige na niyang gawing totoong trabaho ang pagiging make-up artist. Kinuha na siya sa ibaʼt ibang endorsements ng mga produkto tungkol sa pagpapaganda at pag-aalaga ng kutis, lalo na nang mag-umpisa nang kuminis ang kaniyang mukha.
Hanggang sa maisipan na niyang magtayo ng sariling make-up line na agad namang pumatok sa nakararami.
Hindi lang confidence ang nakuha ni Nikki simula nang yakapin niya ang mga imperpeksyon sa kaniyang pagkatao. Napabuti rin ang kaniyang buhay at nakilala ang kaniyang pangalan.
Sa ngayon nga ay patuloy na lumalago ang negosyo ni Nikki kaya naman naisipan niyang ibalik sa mga taong sumuporta sa kaniya ang tinatamasa niyang pagpapala sa pamamagitan ng pamumuno sa isang organisasyong tumutulong sa mga babaeng katulad niyang nawalwalan ng tiwala sa sarili dahil sa kanilang mga insecurities.
“Mahalin mo ang iyong sarili. Tanggapin mo ang iyong sarili. Pagbutihin mo ang iyong sarili. Walang ibang maniniwala sa ʼyo kung hindi mo uumpisahang paniwalaan ang sarili mo. Yakapin mo ang iyong mga kapintasan at ituring mo itong pagpapala. Iyon ang magpapaunlad sa atin sa panahong Kaniyang itinakda.”
Ang mga katagang iyon ang palaging sinasambit ni Nikki bilang payo sa mga kagaya niya na ngayon ay gusto ring mangarap.