Inday TrendingInday Trending
Ipinagmamalaki ng Bata ang Kaniyang Karpinterong Tatay; Hanggang sa Isang Araw ay Nagkasakit Ito Sa Hindi Malamang Kadahilanan

Ipinagmamalaki ng Bata ang Kaniyang Karpinterong Tatay; Hanggang sa Isang Araw ay Nagkasakit Ito Sa Hindi Malamang Kadahilanan

Masipag at mahusay na karpintero si Mang Goyong. Lahat ng mga bagay sa loob ng isang bahay o establisyimiento ay kaya niyang gawin: mula sa pagpipiyon, paghahalo ng semento, pagpapalitada, paglalagay ng bubong, at pagkikinis ay kayang-kaya niya. Maestro Karpintero kung maituturing.

Halos lahat ng kabahayan sa kanilang barangay ay may bahagi si Mang Goyong. Siya ang gumawa ng kasilyas, siya ang nagbakod, siya ang gumawa ng ikalawang palapag, nagkinis ng dingding, naglagay ng mezzanine, at marami pang iba. Kaya naman ipinagmamalaki ni Natoy ang kaniyang Tatay. Dalawa na lamang sila dahil ang kaniyang Nanay ay matagal nang namaalam at nasa langit na.

Ipinagmamalaki lagi ni Natoy sa kaniyang mga kalaro kung gaano kahusay ang kaniyang Tatay. Ang sikreto raw ng kaniyang Tatay ay ang tool box nito na naglalaman ng mga kagamitan sa karpinterya. Pamana pa raw ito sa kaniyang Tatay ng kaniyang Lolo, na nagturo dito kung paano maging magaling na karpintero.

“Tatay, magiging karpintero din po ako gaya ninyo balang araw!” minsan ay nasabi ni Natoy sa kaniyang Tatay. Kinarga siya ni Mang Goyong at kinandong.

“Ikaw talaga, anak. Tuturuan kitang maging karpintero. Pero, dapat may iba ka pang trabaho, yung mas malaki ang suweldo. Mahirap kasi ang trabaho ni Tatay eh,” turan ni Mang Goyong sa anak.

“Hindi po ba malaki ang perang makukuha kapag karpintero? Lagi nga po akong nakakapulot ng piso o limang piso sa bulsa ng pantalon ninyo eh,” inosenteng sabi ni Natoy sa kaniyang Tatay.

Niyakap siya nang mahigpit ni Mang Goyong.

“Hindi naman sa ganoon anak, pero siyempre, ayokong maranasan mo ang nararanasang hirap ngayon ng Tatay. Kaya pangako mo sa akin, magsisipag ka sa pag-aaral mo ha? Malapit ka na mag-aral sa susunod na pasukan,” sabik na sabi ni Mang Goyong.

Subalit hindi inaasahang pangyayari ang dumating. Nagkasakit si Mang Goyong. Hindi niya kayang tumayo mula sa pagkakahiga. Walang ganang kumain. Mabuti na lamang at malapit lamang sa kanila ang kapatid nitong babae, at tiyahin ni Natoy na si Tiya Isabel. Ito ang nagbabantay sa kapatid.

“Tiya, ano pong sakit ni Tatay? naitanong ni Natoy. Ginusot-gusot ni Tiya Isabel ang magulong buhok ng pamangkin.

“May trangkaso ang Tatay mo. Hamo’t gagaling din siya. Kaya ikaw, babantayan mo lagi siya.”

Subalit makalipas ang ilang araw ay tila lumala ang sakit ni Mang Goyong. Kinailangan siyang itakbo sa ospital. Umiiyak si Tiya Isabel. Dinig ni Natoy, wala raw perang pambili sa mga gamot nito.

Gustong tumulong ni Natoy upang may perang maipantustos sa gamot ng kaniyang Tatay subalit hindi niya alam kung paano. Napadako ang kaniyang mga paningin sa tool box ng kaniyang Tatay. Nakaisip siya nang paraan.

Kaya isang umaga, binitbit niya ang makalawang at mabigat na tool box ng kaniyang Tatay. Kahit mabigat, binitbit niya ito at naglakad-lakad. Lahat ng mga construction site na maraanan niya, pinapasok niya ito at iniaalok sa mga karpintero na gamitin ang mga kagamitang pangkarpinterya ng kaniyang Tatay.

“Magaling po kasing karpintero ang Tatay ko. Sabi niya, ito ang sikreto niya. Kaya gamitin na po ninyo at rentahan para gumaling din po kayo. Kailangan po kasi namin ng pambili ng gamot niya. May sakit po siya,” litanya ni Natoy. Ikinatutuwa naman ito ng mga karpintero subalit pinagtatawanan lamang siya.

Subalit seryoso si Natoy. Ito lamang ang naisip niyang paraan upang matulungan ang Tatay. Parentahan ang mga kagamitan ng kaniyang magaling na Tatay sa mga karpintero upang mapabilis ang paggawa nito sa kanilang trabaho. Malaki ang paniniwala niyang ang mga kagamitan nito ang nagbibigay ng ibayong lakas sa kaniyang Tatay upang maging pulido ang mga ginagawa.

Hanggang sa may isang concerned netizen na nakapansin sa kaniyang ginagawa. Kinapanayam siya nito at nagpaalam na makuhanan siya ng selfie. Nai-post ito sa social media ng naturang concerned netizen, na agad namang naging viral. Marami ang nagpaabot ng kanilang intensyong matulungan ang Tatay ni Natoy.

Sa pamamagitan ng concerned netizen ay naipaabot ang tulong para kay Mang Goyong. Nabayaran ang hospital bills at nabilhan ng gamot ito. Marami ang natuwa at nalugod sa kuwento ni Natoy at kung paano siya dinala ng kainosentehan upang matulungan ang Tatay.

Gumaling si Mang Goyong sa kaniyang sakit at nakauwi na rin sa kanilang bahay.

“Tatay, ang galing talaga ng mga kagamitan mo, sila ang lucky charm mo!” sabi ni Natoy.

“Hindi anak. Ikaw ang lucky charm ko. Kaya ako magaling sa ginagawa ko, kasi dahil ikaw ang inspirasyon ko,” sabi ni Mang Goyong sa anak.

Simula noon ay lagi nang iniingatan ni Mang Goyong ang kaniyang kalusugan para kay Natoy. Ang mga natirang pera na iniabot na tulong ng ilan ay ginamit niya sa pagtitinda upang maipandagdag sa kaniyang kita.

Advertisement