
Hiniya ng Guro ang Binatang Laging Mababa ang Marka sa Kaniyang Klase; Hindi Niya Akalain na Babalik sa Kaniya ang Karma
Pagpasok pa lang ng silid-aralan ay pinagtatawanan na ng mga kamag-aral ang binatang si Tirso. Huli na nga ito sa klase ay inanunsyo pa ng guro na siya na naman daw ang nakakuha ng pinakamababang marka. Isang dahilan na naman ito para gawin siyang katatawanan ng klase.
“Tirso, huli ka na naman sa asignaturang ito? Aba’y ubod ka ng tamad pumasok. Kapag narito ka naman sa paaralan ay parang lumilipad din ang isip mo! Tingnan mo tuloy itong marka mo! Itlog na naman! Kung ganito lang nang ganito ang marka mo ay hindi ko alam kung papasa ka!” galit na sambit ng gurong si Bb. Reyes.
“Pasensya na po, ma’am. H-hindi ko po kasi talaga naunawaan ang aralin noong nakaraan dahil po kasi…” sinusubukang magpaliwanag ni Tirso ngunit nagsalita na agad ang kaniyang guro.
“Ang pinapalabas mo pa ngayon ay ako ang hindi magaling magturo? Bakit naman lahat ng mga kaklase mo ay pasado. Ikaw ang bukod tangi na bagsak! Ang sabihin mo ay mahina talaga ‘yang kokote mo! Sa susunod na mahuhuli ka pa sa klase ko ay ibabagsak na talaga kita,” bulyaw pa ng guro.
Napayuko si Tirso habang papunta siya sa kaniyang upuan. Lahat naman ng mga mata ng kaniyang kaklase ay nakatingin sa kaniya.
Nagpatuloy ang pagtuturo ng guro habang ang binata ayhindi makatingin ng deretso kahit kanino dahil sa labis na pagkapahiya.
Bago matapos ang klase ay nag-iwan ng isang takdang aralin si Bb. Reyes..
“Magkakaroon kayo ng isang proyekto at kailangan ninyong humanap ng kapareha. Kailangan ninyong magtulong upang magbasa ng isang makasaysayang libro at gumawa ng isang book report. Pagkatapos ay ire-report ninyo ito sa klase at ipapasa naman sa akin ang output nito. Naiintindihan ba? Bukas ay kailangan ko nang malaman kung sino ang inyong kapareha at kung anong libro ang inyong tatalakayin,” saad pa ng guro.
Isa-isang nagtayuan ang mga estudyante upang maghanap ng kapareha. Kanya-kanyang lapit sa isa’t isa. Ngunit ni isa man lang ay walang nagtatanong sa binatang si Tirso.
Dahil takot na bumagsak muli ay agad na naghanap ang binata ng kaniyang makakasama sa proyektong ito.
Una niyang tinanong ang kaklaseng si Cindy.
“Niyaya na ako ni Michelle at siya ang kapareha ko sa proyektong ito. Humanap ka na lang ng iba!” sambit ng dalaga.
Paglapit ni TIrso sa isang kamag-aral ay itinaboy rin siya nito. Halos lahat ng kaniyang lapitan ay ayaw siyang makasama sa nasabing proyekto.
“Sumuko ka na, Tirso. Kung ako sa iyo ay mag-isa na lang akong gagawa dahil walang may gustong makasama ka! Alam mo kung bakit? Dahil idadamay mo kami sa pagbagsak mo! Napakatamad mo sa klase at walang laman ‘yang ulo mo! Baka mamaya ay iasa mo pa sa amin ang gawain! Madamay pa kami sa iyo na hindi rin makapasa!” saad muli ni Cindy.
“H-hindi ko naman hahayaan na bumagsak rin kayo. May pinagdadaanan lang talaga kami ngayon kaya parang hindi ako makapag-isip nang maayos,” depensa naman ng binata.
Ngunit kahit anong sabihin niya ay wala pa rin siyang makumbinsi na magkaparehas sa proyekto. Kaya wala siyang nagawa kung hindi solohin niya ang nasabing gawain.
Nang malaman ng kaniyang guro na walang nais makapareha si Tirso ay pinagalitan pa niya ang binata.
“Tingnan mo ang pag-iwas na ginagawa sa’yo ng mga kaklase mo! Sino ba naman talaga ang nais makapareha ang isang lalaking nahuhuli sa klase at laging bagsak. Ngayon pa lang ay hindi na ako magtataka kung wala kang maipapasa, Tirso. Asahan mo na lang ang markang ibibigay ko sa iyo!” saad pa ni Bb. Reyes.
Labis ang inis ng guro kay Tirso dahil alam niyang hindi ito nakikinig sa kaniyang mga aralin. Upang lalong ipahiya ang binata ay nakiusap siya sa ibang guro at sa prinsipal na manood ng pagtalakay ng kaniyang mga estudyante sa kanilang proyekto.
Hindi nagtagal ay dumating na ang araw ng presentasyon. Maaga pa lang ay halos naroon na ang lahat sa silid-aralan upang maghanda. Isa-isang tinawag ni Bb. Reyes ang bawat magkapareha. Mag-iisang oras na ang lumipas at wala pa rin ang binatang si Tirso.
“Sinabi ko na nga ba at hindi niya magagawa ang lahat ng ito nang mag-isa lang. Nangangati na ang mga kamay ko na ibagsak ang batang ‘yun dahil sakit siya sa ulo!” saad pa ng guro sa kaniyang sarili.
Ngunit ilang sandali pa ay nariyan na ang binata. Humahangos ito at tila galing sa pagtakbo.
“Huli ka na naman, Tirso! Alam ko na ang sasabihin mo sa akin, na wala kang nagawa at magdadahilan ka na naman!” bungad ng ginang.
“H-hindi po. Narito po ang proyekto ko. Natagalan lang po ako dahil mahaba ang pila sa computer shop kung saan po ako nagpa-print,” paumanhin ng binata.
“O siya, maghanda ka na at ikaw na ang susunod. Paghahandain ko na rin ang mga panauhin dahil alam kong sasakit ang mga ulo nila sa iyo!” wika pa ng guro.
Isa-isang nilapitan ni Bb. Reyes ang mga panauhin. Ginawa niyang katatawanan itong si Tirso sa mga ito.
“Pakinggan n’yong mabuti ang estudyante kong iyan. Madalas ay walang nakukuhang tama ‘yan sa mga pagsusulit. Madalas ring lumulutang ang isip. Walang gustong maging kaparehas niya dahil nga baka bumagsak din sila,” natatawang kwento ng guro sa kapwa-guro.
Nangangatog ang mga kamay ni Tirso at nangangatal ang kaniyang boses sa pagsisimula ng kaniyang presentasyon. Ngunit umpisa pa lang ay napamangha na niya ang prinsipal dahil sa napili niyang libro.
“Ang aklat po na tatalakyin ko sa araw na ito ay may pamagat na “War and Peace” at isinulat po ito ng isang prominenteng manunulat na si Leo Tolstoy,” wika ni Tirso.
Natawa naman ang binibini dahil sigurado siyang kung anu-ano na naman ang sasabihin ng kaniyang estudyante.
Ngunit habang tumatagal ang pagtalakay ni Tirso sa aklat na binasa ay pinahanga niya ang mga panauhin.
“Akala ko ba ay mahina ang ulo ng batang ito? Aba’y alam niya ang sinasabi niya,” saad ng isang guro.
Ang prinsipal naman ay labis na napahanga ni TIrso. Dahil napahiya si Bb. Reyes, pinagbintangan niya si Tirso na kinopya lamang ang naturang asignatura.
“Ma’am, maaaring nahuhuli po ako sa klase araw-araw at bumabagsak sa mga eksaminasyon, ngunit kahit kailan po ay hindi ako nandaya. Hindi ko po kinopya ang gawa ko,” depensa ni Tirso.
Ngunit hindi magawang maniwala ng kaniyang guro. Patuloy siyang pinapahiya nito sa harap ng mga mag-aaral at ng mga panauhin.
Hanggang sa hindi na nakapagpigil si Tirso. Inilahad niya ang paborito niyang salaysay sa naturang aklat at ibinigay ang eksaktong pahina nito.
Nang tingnan ng prinsipal sa naturang pahina ay tumpak nga ang sinabi ng binata.
“Hijo, naniniwala ako sa iyo na nabasa mo talaga ang aklat na ito, ngunit nais ko lang malaman kung bakit tila nasa puso mo ang pag-alam sa aklat na ito,” saad ng prinsipal.
“Sapagkat ang libro pong ito ay paborito ng aking ama. Madalas nya po itong basahin sa akin simula noong bata pa lang ako. Ma’am, hindi naman po talaga mahina ang ulo ko. Sadyang wala lang po ako sa sarili noong mga nakaraang araw, dahil ang ama ko po ay nasa ospital. Inatake po siya sa puso. Tanging siya na lang po ang kasama ko dahil yumao na po ang nanay ko noong ipinanganak niya ako. Pag-uwi ko po galing klase ay dumi-diretso na po ako sa ospital upang alagaan siya. Madalas po akong walang tulog at pahinga dahil ako lang po ang kaniyang maaasahan. Hanggang ngayon po ay hindi pa rin siya gumigising. Kaya napakasakit po sa akin na husgahan po ako ng lahat nang hindi po nalalaman ang aking istorya,” naiiyak na pahayag ni Tirso.
Ngayong naipahayag na ng binata ang kaniyang sarili ay para na siyang nabutunan ng tinik sa kaniyang lalamunan.
Nahabag naman ang prinsipal sa pinagdaraanan ng binata. Dahil dito ay pinagalitan niya ang guro dahil sa maling ginawa nito.
“Kung tutuusin ay napakahirap ng pinagdadaanan ng batang ito. Ang mga guro ang pangalawang magulang ng mga batang ito. Kaya naman dapat ay maunawaan natin sila. Bb. Reyes, alam mo sa iyong sarili na mali ang iyong nagawa. Bilang iyong prinsipal ay nais kong kausapin ka. Nais kong bigyan ng aksyon ang ginawa mong ito sa iyong estudyante,” wika pa ng prinsipal.
Patuloy sa pagpapaliwanag si Bb. Reyes ngunit buo na ang desisyon ng prinsipal.
“Magkita na lang tayo sa aking tanggapan, Bb. Reyes. Hindi ko hahayaan na magpatuloy sa aking eskwelahan ang ganitong asal. Siya nga pala, dapat ay humanga ka rin sa iyong estudyante, dahil sigurado akong hindi mo pa nababasa ang librong nabasa niya,” saad pa ng ginang.
Sa pagkakataong iyon ay naunawaan na ng ilang mag-aaral ang pinagdaanan ni Tirso. Napatunayan naman ng binata na hindi talaga mahina ang kaniyang ulo kung hindi may matindi lamang siyang problema.
Labis namang napahiya si Bb. Reyes dahil na rin sa sarili niyang kagagawan. Hindi niya inaakala na matatamasa niya ang matinding aral ng kaniyang buhay nang araw na iyon.

