
Sagad Hanggang Buto ang Galit ng OFW sa Ama dahil Hindi Nito Ipinagawa ang Kanilang Bahay; Bumaha ng Luha nang Malaman Niya ang Dahilan
Ilang araw ring hindi nakatawag sa kaniyang pamilya sa Pilipinas ang OFW na si George dahil sa pagkaabala nito sa trabaho. Kaya naman nang makakita ito ng pagkakataon ay agad niyang tinawagan ang inang si Tess upang kumustahin.
“‘Nay, natanggap n’yo na po ba ang pinadala kong pera? Kumusta naman po kayo riyan? Si tatay po? Pinasasakit pa ba niya ang ulo n’yo? Baka mamaya ay ipinapatalo lang ni tatay sa karera ng kabayo ang perang pinapadala ko,” saad pa ng ginoo.
“Huwag kang mag-aalala at nagbago na ang tatay mo. Sa katunayan nga ay narito siya. Nais mo bang kausapin?” saad pa ng ina.
“Huwag na po, ‘nay, hanggang ngayon ay masakit pa rin sa loob na malamang ipinatalo lang sa sugal ni tatay ang sampung libo na pinadala ko para sa inyo. Labis akong nanghihinayang dahil pinaghirapan ko ang perang iyon!” wika pa ni George.
“Nanghingi naman na ng tawad ang tatay mo at hindi na niya ito inulit pa. Huwag ka nang magdamdam sa tatay mo. Ito nga at hinihintay niyang kausapin mo siya. Sige na, anak, kahit sandali lang,” pakiusap pa ng ina.
Wala nang nagawa pa si George kung hindi kausapin ang amang si Ambo.
Masayang-masaya naman itong si Ambo na makausap ang anak. Matagal-tagal na rin kasi siyang hindi pinapansin ng anak dahil sa kaniyang pagkakamali. Ilang beses na rin siyang humingi ng tawad ngunit talagang nagtanim ng sama ng loob itong si George,
“Anak, kumusta ka na riyan? Dalas-dalasan mo naman ang tawag sa amin ng nanay mo. Miss na miss ka na namin. Palagi kang mag-iingat riyan at huwag kang makikipagkaibigan. Baka mamaya ay gamitin ka lang nila dahil nga malaki ang sinasahod mo! Maraming ganyan diyan sa ibang bansa!” patuloy na saad ni Ambo.
Lalo pang nag-init ang ulo ni George sa sinabi ng kaniyang ama.
“‘Tay, p’wede po bang huwag n’yo akong pangunahan? Maaayos po ang mga kaibigan ko rito at wala pong manggagamit. Kayo po ang umiwas sa mga kaibigan n’yong niyayaya kayo sa sugal upang ipatalo ang pinaghirapan ng anak niyo dito sa ibang bansa. O siya, kailangan ko na pong bumalik sa trabaho. Pakibigay na lang po ang selpon kay nanay at siya po ang nais kong makausap,” wika pa ng anak.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Ambo dahil pinahiya siya ng anak. Agad niyang inabot sa asawa ang telepono saka lumabas ng bahay.
“Ano na naman ang sinabi mo sa tatay mo? Anak, nagsisisi na siya sa kaniyang ginawa! Saka hindi naman niya pinatalo ang lahat ng pera. Pinautang niya sa kaniyang kaibigan na siyang nagpatalo sa karera ng kabayo. Tigilan mo nang pagsalitaan ng masama ang tatay mo. Ama mo pa rin siya! Huwag kang magmalaki sa kaniya. Huwag mong saktan ang damdamin niya nang dahil lang sa sampung libong piso!” sambit naman ni Tess.
“Huwag n’yo na pong ipagtanggol sa akin si tatay, ‘nay. Alam n’yong mali ang ginawa niya sa akin! Wala siyang konsiderasyon sa lahat ng pinaghirapan ko. Sa susunod na buwan po ay magpapadala ako ng pera pampagawa ng bahay. Utang na loob po at huwag na huwag n’yo pong pahahawakan kay tatay ni isang kusing! Wala talaga akong tiwala sa kaniya!” saad pa ni George.
Napapailing na lang si Tess sa pagtingin ng anak sa ama nito.
Makalipas nga ang isang buwan ay nagpadala ng pera itong si George para ipaayos ang kanilang bahay. Matagal na kasi niyang pangarap na maayos ang kanilang tinitirhan.
Isang araw ay umuwi itong si Ambo. Humihingal ito habang papalapit sa asawa.
“Ano ba ang nangyari sa iyo, Ambo, at humahangos ka! Magpunas ka nga ng pawis at baka mamaya ay ano pa ang mangyari sa iyo,” saad ni Tess.
“Nagmamadali kasi akong umuwi rito, Tess. Nakita ko kasi doon sa peysbuk ng anak ni Mila na itong anak nating si George ay laging nasa labas kasama ang kaniyang mga kaibigan. Nakikipag-inuman siya lagi at sa tingin ko ay malaki ang kaniyang ginagastos. Baka mamaya ay wala siyang maipon at kung ano pa ang mangyari sa kaniya. Tawagan mo nga at pagsasabihan ko!” wika pa ni Ambo.
Dali-daling tinawagan ni Tess ang anak. Nang sumagot ito ay agad niyang binigay ang selpon sa kaniyang asawa.
“Anak, ang tatay mo ito. Nakita ko doon sa peysbuk ba ang tawag doon? Nakita ko na nakikipag-inuman ka kasama ang mga kaibigan mo. Ano ba ang sinabi ko sa iyo tungkol sa pagsama-sama sa ganiyan? Nag-aalala ako sa iyo, anak. Baka mamaya ay masyado na ang paggastos mo. Baka mamaya ay wala kang maipon. Siguraduhin mong maayos ang sinasamahan mong mga kaibigan,” sambit pa ng ama.
“’Tay, matanda na po ako at alam ko na ang ginagawa ko. Nagkakasiyahan lang kami dahil kaarawan ng isang kaibigan. Natural na mag-ambag ako dahil kakain din naman ako at iinom. Siguro naman ay may karapatan akong gastusan ang sarili ko dahil nagtatrabaho naman ako ng matino rito. Nagpapakasubsob ako sa trabaho nang may maipadala ako sa inyo. Karapat-dapat naman po siguro ako kung magnanais akong makipagsaya sa mga kaibigan ko!” galit na tugon ni George.
“Ang sa akin lang naman, anak, ay nag-aalala ako sa iyo. Hindi permanente na may trabaho ka. Ang gusto ko lang ay makapag-ipon ka at maging wais ka sa pera nang sa gayon ay hindi nga masayang ang hirap mo diyan sa ibang bansa,” muling sambit ni Ambo.
“Kung talagang nag-aalala kayo para sa akin ay huwag n’yong hahawakan ang perang ipinadadala ko sa inyo. Baka mamaya ay mapatalo n’yo pa ulit sa sugal! Sige na po at marami pa akong ginagawa dito sa trabaho ko! Baka mamaya ay masisante ako at wala pa akong maipadala sa inyo!” binabaan ni George ang kaniyang ama kahit hindi pa ito nakakapagpaalam.
Nasaktan ang kalooban ni Mang Ambo sa sinabing ito ng kaniyang anak. Ngunit tanggap naman niya dahil siya ang unang nagkamali.
Lumipas ang mga araw at patuloy ang pagsama ni George sa mga sinasabi niyang kaibigan. Kung saan-saang mamahaling bar sila nagpupunta at malaki ang lagi niyang nagagastos.
Ngunit kampante naman itong si George dahil malaki rin naman ang sahod niya sa kaniyang trabaho.
Isang araw ay may ‘di inaasahan ang nangyari sa kompanyang kaniyang pinapasukan. Bigla na lang itong nagdeklara ng pagkalugi at ang lahat ng empleyado ay biglang nawalan ng trabaho.
Hindi alam ni George ang kaniyang gagawin dahil nga wala naman siyang naipon. Bukod sa ipinadadala niya sa Pilipinas ay naging magarbo din ang kaniyang pamumuhay.
Humingi si George ng tulong sa mga sinasabi niyang kaibigan ngunit ngayong wala na siyang trabaho ay tinalikuran na siya ng mga ito.
Mabuti na lang ay tinulungan siya ng embahada ng bansa upang makauwi.
“Naipagawa ko naman ang bahay namin kaya kahit paano ay may napuntahan ang pera ko. Halos kalahating milyon din ang nagastos ko roon,” saad pa ng binata.
Ngunit pag-uwi niya sa kanilang bahay ay nagulat siya nang makitang wala pa rin itong ipinagbago. Galit na galit siyang kinompronta ang kaniyang mga magulang.
“Saan n’yo dinala ang pera ko? Hindi ba’t halos kalahating milyon ang ipinadala ko para maipagawa ang bahay? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito bato? Nasaan ang pera?!” bulyaw ni George.
“S-sa tingin ko ay kailangan mong kausapin ang tatay mo, George,” wika ng ina.“Kayo na naman, ‘tay? Utang na loob naman! Pinaghirapan ko ang perang iyon! Tingnan n’yo ngayon ni wala man lang akong kapera-pera tapos ay madadatnan ko pa ang bahay na ganito pa rin kaluma. Hindi ba’t sinabi ko sa inyo na tantanan n’yo ang pangingialam sa perang ipinadadala ko? Hindi na nga kayo nakakatulong sa akin ay nakakaperwisyo pa kayo!” sumbat pa ng anak.
Umalis na lang si Mang Ambo na pinipigilan ang kaniyang mga luha.
“Sinabi nang huwag mong pagsalitaan ang tatay mo nang ganyan, George! Hindi porket inaasahan ka na namin ngayon ay may karapatan ka nang bastusin ang ama mo. Nang dahil lang sa isang pagkakamali ay kakalimutan mo ang pagka-ama niya sa iyo? Anong klase kang anak, George? Ang taas ng tingin mo sa iyong sarili! Humingi ka ng tawad sa iyong ama! Pinilit niya akong hindi ipagawa ang bahay na ito upang ipunin na lang ang pera nang sa gayon, kapag dumating ang araw na na tulad nito ay mayroon kang madudukot para makapagsimula kang muli. Labis siyang nag-aalala sa iyo, alam mo ba ‘yun?” umiiyak na pahayag ni Tess.
“Ito ang passbook sa banko. Ipinangalan niya ito sa akin dahil alam niyang magagalit ka kapag nakapangalan din ito sa kaniya. Lahat ng perang ito ay ang perang ipinadala mo! Kunin mo dahil iyan lang naman ang mahalaga sa iyo!” saad pa ng ina.
Pagtingin ni George sa naturang passbook ay nakita niya ang limang daan at sampung libong piso.
“Binayaran ng tatay mo ang sampung libong nakuha niya sa iyo. Umekstra siya sa pagkakarpintero doon sa kumpare niya upang makaipon siya,” wika pa ni Tess.
Tumulo ang luha ni George. Labis siyang nagsisisi sa lahat ng mga nasabi at inasal niya. Dali-dali siyang tumakbo palabas ng bahay upang sundan ang ama. Nang maabutan niya ito ay agad niya itong niyakap.
“‘Tay, patawarin n’yo po ako sa lahat ng nasabi ko sa inyo. Mali po ako. Maling mali po ako. Sana ay mapatawad n’yo po ako!” umiiyak na wika ni George.
“Kailan ba kita natiis, anak? Ikaw lang naman itong nagtatanim ng galit sa akin. Pasensya ka na rin sa nagawa ko. Hindi ko naman akalain na lolokohin ako ng kaibigan ko. Lahat ng perang iyon ay para sa iyo, anak. Ayos lang naman kami ng nanay mo sa simpleng tahanan. Sanay kaming mabuhay nang simple. Gamitin mo ang perang iyon para makapagsimula kang muli,” saad pa ni Ambo sa kaniyang anak.
Mula noon ay naging maayos na muli ang samahan ng mag-ama.
Ginamit ni George ang pera upang makapagtayo siya ng negosyo. Sa tulong ng kaniyang mga magulang ay agad itong yumabong.
Kahit na nawalan ng trabaho sa ibang bansa ang ginoo ay naging daan naman ito para sa mas magandang buhay. Patuloy na ginagawa ni George ang lahat upang siya naman ang makabawi sa kaniyang mga magulang.