Inday TrendingInday Trending
Mahilig Tumanggap ng Mamahaling Gamit ang Ina ng Dalaga Bilang Suhol; Bakit Bigla na Lang Niyang Inayawan Ito Ngayon?

Mahilig Tumanggap ng Mamahaling Gamit ang Ina ng Dalaga Bilang Suhol; Bakit Bigla na Lang Niyang Inayawan Ito Ngayon?

Inis na nagmartsa papalayo si Sarah sa ina dahil sa ginawa nito. Hindi niya lubos akalain na mapapapayag ito sa pakiusap ng lalaking nanliligaw sa kaniya, dahil lamang sa pinangsusuhol nitong mamahaling bag at makikinang na alahas.

“Sarah! Uy, anak. Wala namang masama sa pakiusap niya. Gusto ka lang niyang mas makilala pa lalo at gusto niyang mapalapit sa’yo kaya pumayag ako sa pakiusap niya, ‘di ba wala namang masama roon?” anang ina.

Matalim ang tinging nilingon niya ang ina. “Ang sabihin mo ‘ma, pumayag ka kasi nasuhulan ka ni Ronald ng mamahaling bag at gintong kwintas na tumataginting kalahating milyon ang presyo. Iyon naman ang totoo, ‘di ba? Hindi dahil sa sinasabi mong maganda ang intensyon niya. Kalokohan!” singhal ni Sarah sa ina.

“Sarah ah! Sumosobra ka na!” singhal rin nito. “Baka nakakalimutan mo kung sino ang kausap mo!”

Hindi niya nakakalimutan kung sino ang kausap niya. Kailanman ay hindi niya nakakalimutang ina niya ito at siya ang anak nito. At mas lalong hindi niya kailanman makakalimutang kulang na lang ay ibug*w siya nito sa mayayamang negosyante kapalit lamang ng magaganda at mahahaling gamit.

“Ginagawa ko ito para sa’yo, hindi para sa’kin! Bakit kasi ayaw mo pa ring sagutin si Ronald? Ano ba talaga ang gusto mo sa lalaki? Para sa’kin ay perfect na nga si Ronald, kasi gwapo, matangkad at higit sa lahat ay mayaman, siya ang lalaking mag-aahon sa’yo sa hirap, kahit na hindi naman tayo sobrang naghihirap, pero hindi naman tayo kasing yaman nila. Kaya ano pa bang inaarte mo? Nakailan ka nang ganyan! Si Nathan at Mateo rin noon ay binasted mo. Ikaw pa ang maarte at nagmamataas, akala mo kung sino!” inis na inis na litanya ng ina sa sinasabi nitong kaartehan niya.

Hindi siya nag-iinarte, gaya ng inaakala ng ina. Sadyang hindi nga lang niya gusto ang mga ugali ng tatlong lalaking binanggit nito. Mayayaman nga sila at kayang ibigay sa kaniya ang anumang kaniyang naisin. Kaya nga sinusuhulan nito ang kaniyang ina para lamang makuha siya, para sa gano’ng paraan ay para na siyang nabili ng mga ito kung ituring na siyang dahilan kaya inaayawan niya.

Noong huli niyang naka-date na si Nathan ay kulang na ang pilitin siyang makipagn*ig sa kama nito dahil ayon rito’y marami na itong naibigay na mamahaling alahas, bag at damit sa kaniyang ina, kaya sa madaling salita’y nabili na nito ang buo niyang pagkatao dahil sa panunuhol sa ina.

Ito namang si Ronald, kahit nanliligaw pa lang ay parang siya na ang asawa nito kung maka-asta! Kagaya kay Nathan at Mateo ay parang nabili nito kahit ang kaluluwa niya dahil sa pagtanggap ng ina sa mamahaling ibinibigay na mga gamit.

“Lagi akong napapahamak dahil sa’yo, ‘ma! Kamuntikan na akong pagsamantalahan noon ni Nathan, kasi sabi niya para niya na rin daw niya akong nabili dahil sa lahat ng ibinigay niya sa’yo. Si Mateo naman ay gano’n rin, at ngayon si Ronald na hindi pa man nagiging kami ay feeling niya kami na! Dahil ‘yon sa’yo, dahil sa pangbubug*w mo sa’kin!” inis na wika ni Sarah, hindi napigilan ang pag-agos ng luha.

Hindi makapaniwalang napasinghap ito nang malakas sa inamin niya.

“Binubug*w mo ako, ‘ma, sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga iyan, iyon ang totoo!” umiiyak niyang dugtong. “Nakalimutan mo na yatang anak mo ako!”

Hindi na napigilan ni Sarah ang mapaluhod habang umiiyak dahil pakiramdam niya’y wala nang sapat na lakas ang kaniyang mga tuhod upang tumayo. Hindi niya kailangan ng mayamang lalaki, hindi niya kailangan ang pera at ng mga ito, dahil kaya niyang buhayin ang sarili. Kaya niyang mag-trabaho upang magkapera at matustusan ang sarili niya.

Ang kailangan niya’y pagrespeto at tunay na pagmamahal. Para sa kaniya’y hindi pagmamahal ang naramdaman nina Ronald, Mateo at Nathan para sa kaniya. Para sa mga ito’y isa lamang siyang laruan na kayang bilhin at kapag napagsawaan na’y basta-basta na lamang itatapon. Naniniwala siyang kahit kailan ay hindi nabibili ang pag-ibig.

Nagngingitngit ang kalooban ni Andrea habang malalaki ang bawat hakbang patungo sa opisina ni Ronald, dala-dala ang mga gamit na ibinigay nito sa kaniya. Nang makapasok sa loob ay agad-agad niyang ibininagsak ang mga dala-dala sa mesa nito, kulang na lang ay mabasag ang salaming nasa ibabaw ng porselana nitong mesa.

“Tita Andrea!” gulat na sambit ni Ronald. “Anong naging problema at ibinabalik mo ang mga iyan sa’kin? Ibinigay ko iyan lahat sa’yo at hindi ko naman binabawi,” mahinahong wika ni Ronald.

“Pwes! Ako, ibinabalik ko na iyan lahat sa’yo at tandaan mo ang sasabihin ko, Ronald! Simula sa araw na ito’y huwag mo nang ipapakita iyang mukha mo sa’kin ah! Kahit kailan ay hinding-hindi na ako madadaan sa mga suhol ng mga kagaya mong lalaki na akala mo’y siya na’ng hari at makapangyarihan sa buong mundo, por que kaya niyong bumili ng kahit ano, akala niyo’y kayang-kaya niyo na ring bayaran ang anak ko. Pwes! Nagkakamali ka roon! Sa’yo na ‘yang mga mamahalin mong mga gamit, pero sa’kin pa rin ang anak ko! Dem*nyo! Baboy!” dere-deretsong litanya ni Andrea saka nagmartsa palabas ng opisina ni Ronald.

Totoong mas pipiliin niya ang anak kaysa sa kahit ano pa mang mamahaling bagay sa mundo. Kung alam niya lang noon pa ang kamuntikang pagkapahamak ni Sarah sa ginawa niya’y malamang ganito rin ang ginawa niya sa dalawang lalaking bast*s!

Higit na mas mahalaga si Sarah, dahil ito lamang ang nag-iisa niyang anak. At hindi niya kakayanin kapag may nangyaring masama rito dahil sa pagiging ambisyosa niya. Mawala na ang lahat huwag lamang ito! Magbabago na siya… iyon ang pinapangako niya sa anak.

Advertisement