Inday TrendingInday Trending
Labinlimang Taon Siyang Nanligaw sa Dalaga; Ngunit Bakit Pinili Nito ang Lalaking Ilang Buwan pa lang Nitong Nakikilala?

Labinlimang Taon Siyang Nanligaw sa Dalaga; Ngunit Bakit Pinili Nito ang Lalaking Ilang Buwan pa lang Nitong Nakikilala?

“Gabby, hanggang ngayon ba’y umaasa ka pa rin na magiging tayo? Diyos ko naman! Ilang beses na ba kitang binasted? Hindi ka pa rin ba nadadala?” nakangiwing wika ni Marga sa kaibigan— a.k.a manliligaw na si Gabby.

“Ano ka ba naman, Marga! Naniniwala akong tayo ang nakatadhana sa isa’t-isa,” anito. Punong-puno ng kumpyansa sa sarili.

“Jusko!” ani Marga, saka humalakhak. “Iba na talaga ang sapak mo sa utak, my friend,” dugtong niya saka inakbayan ang lalaki.

Kinse anyos pa lang yata siya’y masugid na niyang manliligaw si Gabby. Mula noon hanggang ngayon ay palagi niyang tinatanggihan ang pag-ibig na inaalok nito. Ang dahilan niya’y hindi niya talaga nararamdamang mahal niya ang lalaki, higit pa sa pagmamahal bilang kaibigan.

Masaya naman siyang kasama at kabiruan si Gabby, madalas pa nga’y nabuburaot niya ito at nagpapaburaot naman ang lalaki, dahil sa pagmamahal nitong una pa lang ay alam na ni Marga na wala nang patutunguhan.

“Oh! Fernan,” usal ni Marga sa pangalan ng lalaking nakatayo sa kaniyang harapan.

“Bakit nandito na naman ang lalaking iyan, Marga?” inis na wika ni Gabby.

Bumitaw si Marga sa pagkakahawak sa braso ni Gabby saka patakbong naglakad patungo sa lalaking tinawag nitong Fernan at ginawaran ng magaan na halik sa labi.

“Syempre, dahil siya ang nobyo ko, Gabby,” nakangiting wika ni Marga saka ikinawit ang braso sa braso ni Fernan.

Pakiramdam ni Gabby ay muli na namang nadurog ang puso niya sa sinabi ni Marga. Alam niyang mag-nobyo na ang dalawa, tatlong linggo na ang nakakalipas. Ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin matanggap ang nangyari.

Labinlimang taon niyang nakasama at niligawan si Marga, at ang lagi niyang natatanggap rito’y pagtanggi at pambabasted. Ang kagandahan nga lang sa samahan nila’y hindi ito lumayo sa kaniya at itinuring pa rin siyang matalik na kaibigan ng dalaga.

Pero ang hindi nga lang niya matanggap ay bakit kay dali nitong minahal si Fernan na buwan pa lang nitong nakilala. Ano ba ang mayroon sa lalaki na wala sa kaniya? Ano ba ang kulang niya? Kung sa itsura’y hindi naman sila nagkakalayo ng lalaki. Kung ang pag-uusapan naman ay ang katangkaran ay matangkad din siya. Kung sa yaman naman ay mukhang hindi rin naman sila nagkakalayo ng lalaki, at baka nga mas mayaman pa ang pamilya niya kaysa rito na palaging motorbike ang dala, samantalang sa kaniya’y kotse.

Kaya hindi niya maintindihan kung bakit kay bilis lamang nitong minahal si Fernan kumpara sa kaniya.

“Oh! Ayan ka naman sa titig mong iyan, Gabby,” natatawang sambit ni Marga.

Naglakad ito palapit sa kaniya hila-hila sa braso ang nobyo.

“Kung tatanungin mo na naman ako kung anong wala sa’yo na mayroon si Fernan, kagaya pa rin ng dati ang sagot ko… hindi ko alam,” ani Marga.

“Bakit hindi mo alam? ‘Di hamak na mas gwapo naman ako kaysa sa lalaking iyan,” aniya. Punong-puno ng hinanakit ang boses.

Hindi napigilan ni Marga ang matawa sa sinabi ni Gabby, habang inis na pabirong hinamon ni Fernan ng suntukan si Gabby, na tanging nakakalokong tawa lamang ang itinugon nito.

“Gwapo ka lang ‘tol, mas ma-appeal ako,” ani Fernan.

“Wow! Kapal din talaga ng mukha,” ismid ni Gabby. “Pasalamat ka kasi sa’yo tumibok ang puso ni Marga, kapag nagkataon—”

“Ako ang nobyo, hindi ikaw. Ibig sabihin, ako ang panalo. Nagpapatunay lamang na walang binatbat ang gwapo sa ma-appeal,” sakay ni Fernan sa inis ni Gabby.

“Tingnan mo, Marga. Ano ba talaga ang nagustuhan mo sa palakang ‘to?!” inis na baling ni Gabby kay Marga.

“Tumigil na nga kayong dalawa d’yan,” natatawang saway ni Marga. “Totoong hindi ko talaga alam, Gabby, pero si Fernan lang ang bukod tanging lalaking nagpapatibok ng puso ko. Mahal kita, pero hindi gaya ng pagmamahal ko kay Fernan,” aniya saka nilingon ang nobyo at nginitian.

“Ang sakit ah! Harap-harapan naman masyado,” anito. Halata sa boses ang biro.

“Alam kong makakahanap ka rin ng babaeng mamahalin ka higit sa pagmamahal na inaalay mo sa’kin, Gabby, at deserve mo iyon dahil napakabait mong tao,” aniya saka ginawaran ng halik sa pisngi ang lalaki. “Bye, see you later. Magdi-date na muna kami ng boyfriend ko.”

Umaktong naiinis at umirap pa si Gabby, saka maya maya’y tumawa saka nakipagkamay kay Fernan. “Ingat kayo.”

“Salamat, ‘tol,” ani Fernan.

Nakatayo lamang siya habang sinusundan ng tingin ang dalawang love birds na sweet na sweet sa isa’t-isa. Matagal na niyang tanggap na hindi kailanman lalampas ang pagmamahal ni Marga sa kaniya sa gusto niyang mangyari. Pero masaya na rin siya dahil nakatagpo ito ng lalaking alam niyang mahal na mahal ito.

Kahit pala talaga ang tagal na panahon mo nang pinatunayan sa taong mahal mo ang pagmamahal mo’y hindi mo pa rin sila mapipilit na suklian ang pagmamahal na inalay mo sa kanila.

Ang pag-ibig talaga’y kusang nararamdaman, at hindi iyon napipilit. Sa kaso ni Gabby, ang pag-ibig ay marunong magparaya. Naniniwala siyang darating din ang tamang tao na makapagsusukli ng pag-ibig na iaalay niya.

Advertisement