
Gagawin ng Dalaga ang Lahat para Mabigyan ng Magandang Buhay ang Inang May Kapansanan; Isang Pagsubok ang Kaniyang Pagdaraanan
Nasa labas pa lang ng bahay ay dinig na ang boses ni Anna na tinatawag ang kaniyang inang si Lisa. Hirap man sa paglalakad dahil putol ang isang binti ay dali-daling lumabas ang ginang. Humahangos ito na humarap sa kaniyang anak.
“Ano ba ang nangyari sa iyo, Anna? Bakit sigaw ka nang sigaw? Aba’y nenerbyusin ako sa iyo” sambit ni Lisa sa anak.
“Hindi po kasi ako makapaghintay, ‘nay, na sabihin sa inyo ang magandang balita! Natanggap na po ako sa trabaho at magsisimula na po ako bukas! Matutulungan ko na po kayo sa mga gastusin sa bahay!” masayang wika pa ng dalaga.
“Naku, anak, binabati kita! Kita mo na! Sabi ko naman sa iyo ay magaling ka talaga! Huwag kang mag-alala sa mga gastusin sa bahay at ako na muna ang bahala. Ang gusto ko ay mag-pokus ka sa trabaho mo nang sa gayon ay tumagal ka riyan. Darating ang araw na tataas ang posisyon mo at sweldo. Ipunin mong lahat ng iyon para sa kinabukasan mo,” saad naman ni Lisa.
Napayakap na lang si Anna sa kaniyang ina. Labis talaga ang pagmamahal nito sa kaniya. Kahit na kasi may kapansanan ay patuloy pa rin ang pagtatrabaho nito bilang taga-bantay sa tambakan ng basura. Ito na ang ipinambuhay niya sa kaniyang nag-iisang anak. Pati na rin noong nagkasakit at yumao ang asawa.
Kaya naman itong si Anna ay pinagbutihan talaga ang kaniyang pag-aaral nang sa gayon ay makatulong sa kaniyang ina. Ang tunay niyang pangarap ay tuluyan nang hindi na magtrabaho ang inang may kapansanan at manatili na lang ito sa bahay.
Kinagabihan ay inayos na ni Lisa ang mga susuotin ni Anna sa opisina. Sinigurado niyang hindi mahahalata ng mga kasamahan ng dalaga na mula siya sa isang mahirap na pamilya.
Kinabukasan ay maagang gumising ang ginang upang ipaghanda ng almusal ang kaniyang anak. Bago umalis si Anna ay inayos pa ng ina ang kaniyang damit.
“Ayusin mo ang tindig mo at matuto kang makibagay at makisama sa kanila pero huwag ka namang magpapalamang. Tandaan mo na matalino ka, anak, at labis kitang ipinagmamalaki,” wika ni Lisa.
“Opo, ‘nay, gagalingan ko po talaga para sa inyo. Gustong-gusto ko po na umalis na kasi kayo sa trabaho ninyo. Hindi naman po sa ikinahihiya ko ang trabaho n’yo, ‘nay, a. Hinding-hindi ko po iyon gagawin. Para sa akin kasi, delikado po sa tambakan ng basura. Lalong-lalo na po sa kalagayan ninyo,” saad pa ng anak.
“Huwag mo akong alalahanin, Anna. kayang-kaya ko ito! Parang hindi mo naman kilala itong nanay mo! Wala akong hindi kakayanin para sa iyo,” dagdag pa ng ginang.
“O siya, umalis ka na, anak at baka mahuli ka pa sa trabaho. Hindi ako makapaniwala na ngayon ay malaki ka na at may sarili nang buhay,” dagdag pa ng ina.
Umalis na si Anna patungong tanggapan.
Hindi naging madali para sa dalaga ang unang araw niya sa kaniyang trabaho. Marami pa kasi siyang bagay na kailangang aralin. Minsan nga ay nais na niyang sumuko ngunit iniisip na lang niya ang kaniyang ina.
Isa pa, ang pagtatrabaho talaga sa isang advertising agency ang gusto niya noon pa man. Kaya naman, upang hindi mawala ang oportunidad na ito ay pinaghusayan ni Anna ang kaniyang trabaho.
Isang buwan pa lamang siya sa kompanya ngunit siya na ang hinirang na “employee of the month”. Masayang-masaya ang inang si Lisa sa binalitang ito ng anak.
Lumipas ang mga buwan at hindi na matawaran ang pangunguna ni Anna sa lahat ng empleyado sa naturang kompanya. Kaya naman patuloy rin ang pagtaas ng kaniyang sahod.
“‘Nay, baka po p’wede n apo kayong magpaalam sa boss ninyo sa tambakan ng basura. Tutal maayos naman po ang kinikita ko at sapat naman para sa araw-araw nating gastusin, baka po p’wede na po kayong umalis sa trabaho at dito na lang po kayo pumirmi sa bahay. Saka isa pa po, nakatanggap po ako ng tawag sa pamunuan ng kompanya. Pinaalam po nila sa akin na isa ako sa mga napipisil nila para sa isang promotion. Kapag nakuha ko po ang promotion na iyon ay p’wede na po tayong maghanap ng ibang malilipatan,” saad pa ni Anna.
“Magandang balita ‘yan, anak! Naku, maraming salamat sa Panginoon! Lagi kong ipagdadasal na ikaw ang makakuha ng promotion. Pero, anak, unahin mo muna ang sarili mo. Mag-ipon ka nang mag-ipon. Matatahimik lang ako kapag alam kong maayos na ang hinaharap mo,” wika pa ni Lisa.
“Gagalingan ko pa po lalo, ‘nay! Pangako ko na ipararanas ko sa inyo ang maginhawang buhay,” dagdag pa ng dalaga.
Kinabukasan ay nagtungo si Anna sa tanggapan ng kaniyang boss.
“Binabati ka namin, Anna. Dahil sa husay at galing mo ay ikaw ang napili namin na magkamit ng promotion!” saad ng boss.
“Talaga po? Naku, matutuwa po ang nanay ko kapag nalaman niya ito! Sa wakas ay matutupad ko na ang pangarap kong mabigyan siya ng magandang buhay!” tuwang-tuwang wika ni Anna.
“Malaki ang pagbabagong magaganap sa trabaho mo, Anna. Ikaw ang magiging representante ng kompanyang ito. Malaki ang perang nakataya rin rito. Kaya may isang kondisyon bago namin ibigay sa iyo ang promotion. Kailangan ay itanggi mo ang buhay na mayroon ka kasama ang iyong inang may kapansanan. Mula ngayon ay hindi ka na maninirahan kasama niya,” saad pa ng ginoo.
“Pero, boss, hindi ko po ‘yan magagawa sa nanay ko. Hindi ko po siya kayang talikuran!” sambit pa ng dalaga.
“Ikaw na ang bahalang magdesisyon, Anna. Kung hindi mo tatanggapin ang alok kong ito ay ibibigay ko na ito sa iba. Mayroon kang isang araw upang pag-isipan ito,” wika pa ng boss.
Sa mga sandaling iyon ay unti-unting naisip ni Anna ang lahat ng mga nagawa para sa kaniya ng ina.
“Hindi ko na po kailangan ng isang araw para pag-isipan ang lahat ng ito. H-hindi ko na po tatanggapin ang promotion na binibigay ninyo kung ang kapalit naman ay pagtalikod ko sa aking ina. Lahat po ng mga ginagawa kong ito ay para sa kaniya. Kung alam n’yo lang po ang lahat ng isinakripisyo niya para sa akin para makarating ako kung nasaan man ako ngayon. Utang ko po sa kaniya ang lahat dahil kahit may kapansanan siya ay pilit niya akong itinaguyod,” naiiyak na sambit ng dalaga.
Binalot ang tanggapan ng panandaliang katahimikan.
“Kung wala na po akong maipaglilingkod, sir, aalis na po ako,” dagdag pa ng dalaga.
“Anna, nais kong sabihin sa iyo na hinahangaan kita. Marami na akong inalok ng promotion na ito nang may kapalit na kondisyon. Lahat sila ay hindi pumapasa sa aking pagsubok. Ibibigay ko sa iyo ang promotion, Anna. Nais ko kasi na ang makakuha ng posisyon ay iyong tunay na may puso at pagpapahalaga. At ikaw ‘yon. Ngayon pa lang ay magpirmahan na tayo ng kontrata dahil sigurado na ako sa aking desisyon,” wika pa ng ginoo.
Gulat na gulat itong si Anna. Hindi niya makapaniwala . Malaki kasi ang mababago sa buhay nilang mag-ina ngayong matatas na ang kaniyang posisyon at sahod.
“Kasama ng mataas na sahod ay maaari mo ring isama ang iyong ina sa paglibot mo sa iba’t ibang bansa. Regalo ko ‘yan sa inyong mag-ina dahil alam ko ang hirap na inyong pinagdaanan,” wika pa ng amo.
Umiiyak si Anna na pinirmahan ang kontrata.
Muli, nasa labas pa lang ng bahay si Anna ay nagsisigaw siyang tinawag ang ina upang sabihin ang magandang balita. Sa pagkakataong ito ay hindi na naiwasan pa ng dalaga na maiyak.
“Matutupad ko na po ang pangarap kong mabigyan kayo ng magandang buhay, ‘nay. Sa wakas ay hindi na kayo maghihirap pa! Lahat ng ginagawa ko po ay para sa inyo!” sambit ni Anna.
“Mabuti kasi ang kalooban mo, anak, kaya pinagpapala ka ng Diyos. Napakaswerte ko dahil ikaw ang naging anak ko! Mahal na mahal kita at ipinagmamalaki kita, Anna!” sambit naman ni Lisa.
Makalipas ang isang buwan ay tuluyan na ring nakalipat ng bahay ang mag-ina. Kasa-kasama na ni Anna ang kaniyang ina sa lahat ng lakad niya patungong ibang bansa. Sa ngayon ay wala na ngang mahihiling pa ang dalaga kung hindi makasama pa niya nang mas matagal ang ina patungo sa mas maunlad na buhay.