Inday TrendingInday Trending
Akala ng Babae ay Aalukin na Siya ng Kasal ng Nobyo Pero Makikipag-Break na Ito, Buti Nalang ay may Gwapong Prince Charming na Sumaklolo sa Kanya

Akala ng Babae ay Aalukin na Siya ng Kasal ng Nobyo Pero Makikipag-Break na Ito, Buti Nalang ay may Gwapong Prince Charming na Sumaklolo sa Kanya

Masayang nagpahid ng lipstick si Adriana, siniguro niyang maganda ang pagkakapuyod ng kanyang buhok. Chineck niya ang cellphone. Nasa labas na ng gate nila na ang grab car na binook niya, hindi raw kasi siya masusundo ng boyfriend. Doon na sila magkikita sa restaurant, ayos lang iyon sa kanya.

Ngayon ay ang ikalimang anniversary nila ni Todd, tiyak niyang magpo-propose na ito sa kanya. Aba, pagod na pagod na rin siyang magparinig rito. Siguro naman ay naisip na ng lalaki na oras na. 31 na siya! Kapag pinatagal pa nila ay baka kalawangin na ang matris niya at di na sila magkaanak.

“Misis, sundin ko po ba itong daan na sinasabi sa cellphone? Or may alam po kayong shortcut na walang traffic?” sabi ng matandang driver.

Di niya malaman kung kikiligin ba siya dahil tinawag siyang ‘misis’ nito at sign na iyon na aalukin na nga siya ng nobyo ng kasal, o maaasar dahil mukha na siyang may asawa.

Pinili niyang wag nalang pansinin, “Sige manong. Sundin mo nalang po iyang waze, walang traffic dyan.”

Ilang minuto lang ay nasa harap na sila ng restaurant. Bago siya bumaba ng kotse ay nagwisik muna siya ng pabango.

Napa-bahing pa ang matandang driver sa sobrang dami ng pabangong ipinaligo niya sa katawan.

“Sorry manong,” nahihiyang sabi niya tapos ay bumaba na.

Pagdating niya sa restaurant ay naroon na si Todd. Aba, talaga namang maaga ito. Ibang iba sa nakasanayan niya na palaging late ang lalaki.

Medyo gulo ang buhok nito at hindi pa nakakapag-ahit. Parang hinahabol rin ng plantsa ang suot nitong polo. Malayung-malayo sa kanya na halatang pinaghandaan ang gabing ito. Baka kinakabahan lang.

“Hi babe,” malambing na wika niya.

“Hello, please sit down.” seryosong sabi ng lalaki. Maya’t maya ang sulyap nito sa orasan at sa cellphone nito.

“Kararating ko lang, nagmamadali?” biro niya pero di ito ngumiti.

“I’m actually in a hurry.Let’s make this very quick. I have to ask you something,” sabi nito.

“O-okay. Ano yun?”

“Do you love me?” tanong nito.

“Oo naman, syempre. Nagtagal nga tayo ng limang taon-“

“If you love me, then..”

“Then what?” di makahintay na sabi niya. Lord, ito na ba? Ang bilis, hindi pa nag iinit ang pwet niya sa upuan. Nakapikit pa siya habang hinihintay ang susunod na sasabihin nito at handa na siyang sumagot ng oo.

“Then set me free.”

Napadilat siya. Ano raw?

Nakailang kurap pa siya, hindi matanggap ng sistema niya ang pinagsasabi nito. Ano ito, joke time?

“What did you just say?” tanong niya.

“Set me free Adriana. May nakilala akong babae sa office, palagi siyang lumalapit sa akin. Hindi ko namamalayan sabay na pala kaming laging kuma-“

“Layuan mo, maraming malandi sa mundo!”

“You don’t understand. I love her.”

Parang bombang sumabog sa ulo niya ang sinabi nito. Namanhid yata siya. Ang kasunod noon ay hindi niya na namalayan, tila ba siya nabingi. Basta ang alam niya lang, sorry ng sorry ang lalaki tapos ay tumayo na.

Naiwan siyang lumuluha sa table. Nang maubos na ang tao sa restaurant ay doon siya tumayo at parang kawawang naglakad. Kalat kalat ang eyeliner sa mata niya, di niya alam kung bakit siya dinala ng paa niya sa park.

Hindi yata iyon nakabuti sa kanya dahil ang daming lovers roon na nagde-date. Umupo siya sa isang tabi at doon humagulgol. Takte, bahala nang magmukha siyang tanga. Ano pa ba ang mawawala, eh pinagmukha na siyang tanga ni Todd.

Limang taon nila, limang taon ng buhay niya ang nasayang. Ipinagpalit siya sa babaeng kakikilala lang.

Hindi niya na natiis pa nag lambingan ng mga tao sa park kaya muli siyang tumayo, uuwi na sana siya. Nakatulala siyang tumatawid nang mapalingon siya sa malakas na preno ng isang kotse.

“Papakamatay ka miss?” nakakunot ang noo ng gwapong lalaking bumaba. Wala pa si Todd sa kalingkingan nito.

“Mommy! Ituloy mo na po ang kwento!” sabi ng pitong taong gulang na anak ni Adriana, si Andy. Naging ugali na ng bata ang magpakwento bago ito matulog.

“Ayun, ang lalaking iyon pala ang prince charming niya. Hindi ang panget na palakang lalaking nang iwan sa prinsesa sa restaurant.” sabi ni Matthew. Kinurot naman ni Adriana ang tagiliran ng mister.

Binulungan niya rin ang lalaki, “Feel na feel mo rin na prince charming ka eh no?”

Kinindatan lang siya ng lalaki, napangiti tuloy siya. Kung sabagay, totoo ang sinasabi nito. Ito ang humilom sa sugatan niyang puso.

Napalitan ng pagkahabag ang galit nito nang makitang umiiyak siya ng gabing iyon. Inakay pa siya ng lalaki at sinamahang magsisigaw sa park. Sabi nito,isigaw niya lang lahat ng sama ng loob niya, di baleng magmukha silang baliw.

At kagulat-gulat man, tila ba nawala na lahat ng hinanakit niya. Napakabilis niyang nalimutan si Todd.

Nakangiti niyang hinimas ang noo ng anak.

“At ang aral ng kwento anak, lahat ng bagay na nangyayari ay may dahilan. Kapag may inalis ang Diyos sa buhay ng tao, ibig sabihin ay may ipapalit Siyang mas maganda. Mas karapat-dapat.”

Advertisement