Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang mga Tao Dahil Binalak ng Babae na Ipalaglag ang May Diperensyang Anak, Natameme Sila sa Sunod na Rebelasyon Nito

Nagalit ang mga Tao Dahil Binalak ng Babae na Ipalaglag ang May Diperensyang Anak, Natameme Sila sa Sunod na Rebelasyon Nito

“Ladies and gentlemen, Mrs. Delgado!” umugong ang masigabong palakpakan sa buong event hall ng eskwelahan.

Bumuntong hininga muna si Kena bago umakyat sa stage at kinuha ang mic mula sa guro, ngumiti siya sa lahat. Sobra ang daming tao, punong-puno ang lugar ng mga teacher at magulang.

Narito siya upang magbigay ng speech dahil anak niya, si Kyle, ang tinaguriang Math Wizard sa buong rehiyon ng Cavite. Inilalaban ang bata sa iba’t ibang eskwelahan at palagi itong nananalo. Sa edad nitong siyam ay hindi ito nagpapatalbog sa ibang batang mas matanda rito.

“Thank you. Dapat ipinalaglag ko si Kyle kasi abnormal siya.” Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng lahat. Nagsimula ring magbulungan ang mga ito.

Nakita niyang sumenyas pa ang principal na pababain na siya ng stage kaya lalong napangiti si Kena.

Tandang-tanda niya pa, siyam na taon na ang nakalipas nang matuklasan ni Kena na nagdadalangtao siya matapos ang apat na taon nilang pagkabigo ng mister niya.

“H-Hon, positive! Magkaka-baby na tayo! Mommy na ako, daddy kana!” halos mapatalon siya sa tuwa pero pinigilan niya ang sarili.

Sa una ay natulala ang lalaki pero nang rumehistro na sa utak nito ang sinabi niya ay sinimulan na nitong magtatalon. Hindi malaman kung hahawakan siya, yayakapin o hahalikan.

“Daddy na ako! Lord, thank you!” hiyaw nito at bubuhatin pa siya.

“Huy! Bawal na akong buhatin!”

“Ay oo nga! Naku sorry, sorry. A-Ano ba ang gagawin, teka, pupunta ba tayo sa doctor? Ano’ng gusto mo? May gusto ka bang kainin? Mangga? Diba pag naglilihi mangga, bagoong..kahit ano!” determinadong sabi nito.

Napahagikgik si Kena, “Basta yakapin mo na muna ako,” mahigpit silang nagyakap ni Miguel.

Tapos noon ay sinamahan siya ng lalaki sa doctor at napakalaki ng ngiti nila nang makumpirmang nagdadalantao nga siya. Isang buwan na, hindi niya lang nalaman dahil hindi naman regular ang kanyang regla. Bukod doon, pagod na siyang madismaya kapag nade-delay siya at nagpe-pregnancy test tapos negative naman. Kaya pinabayaan niya nalang.

Pero ngayon, heto at magiging magulang na sila.

Sobrang ingat ang mag-asawa. Talaga namang sa pinakamahal na ospital pa nagpapa-check up masiguro lang na ligtas ang kanilang anak. Mamahaling mga vitamins rin ang iniinom ni Kena.

Maluha-luha silang mag-asawa nang unang beses na marinig ang tibok ng puso ng kanilang anak.

Pero gumuho lahat ng kaligayahan nila nang may sabihin ang doktor pagkatapos ng kanyang ultrasound. Mag-aapat na buwan na ang tiyan niya noon.

Magkahawak kamay ang mag-asawa noon papunta sa opisina ni Dr. Hidalgo, ipapakita ang resulta ng ultrasound.

“Baka sasabihin na kung babae o lalaki, ikaw ba ano ang gusto mo honey?” sabi ni Kena. Hindi naman malayong mangyari iyon, kasi nga mamahalin sa ospital na ito. Baka kita na ang gender ng baby dahil de-kalibre ang mga ginagamit na aparato.

“Kahit na ano. Love ko ang baby natin, basta healthy at walang diperensya ayos na.” sagot ni Miguel.

“Mr. and Mrs. Delgado, medyo seryoso po ito.” sabi ng doktor nang makapasok sila kaya nagkatinginan silang mag-asawa.

Nagtuloy ang doktor sa pagsasalita, “Si baby po.. na-detect namin na mayroon siyang ASD. Autistic Spectrum Disorder, autistic ang anak ninyo.Maaari siyang magka-problema sa pagsasalita, sa isip, o sa pakikisalumuha. Karaniwan sa mga batang may ASD ay late matuto.”

“H-ho?” hindi makapaniwalang sabi ni Kena. Humigpit ang pagkakayakap ni Miguel sa kanya. Hindi nila malaman kung bakit sila binibigyan ng ganitong pagsubok.

Napakatagal nilang naghintay, ingat na ingat sila sa baby. Tapos ay ganito.

“Hindi na ho ba nagagamot iyan? baka maagapan naman habang nasa tyan siya?” tanong ni Miguel.

Umiling ang doktor,”However, may solusyon akong ipo-propose sa inyo.”

“Ano po iyon? Kahit po magkano dok,”

“Bagaman may brain na siya at ilang bahagi organs na, hindi pa siya fully developed. Hindi magiging illegal kung tatanggalin na natin ang fetus habang maaga dahil recommended ko naman.Risky na rin kasi at baka malagay sa panganib ang buhay ni misis dahil sa edad niya,”

“Ano pong ibig nyong sabihin?” litong tanong ni Miguel.

Sumagot ang doktor, “Ipalaglag ninyo na ang baby.”

Nagising sa pagbabalik-tanaw si Kena nang tumunog ang mikroponong hawak niya, umugong iyon nang maitapat sa speaker.

Sumulyap siya sa anak na nakamasid sa unahan, walang kamalay-malay ito na ito na ang pinag uusapan. Katabi nito si Miguel na nanonood rin.

Itinuloy niya ang pagsasalita, “Dapat ipinalaglag ko si Kyle..Pero hindi ko kaya. Hindi namin kaya,kahit na nilinaw na ng doktor na hindi magiging madali ang lahat, hindi namin kaya. Inilaban namin na mabuhay siya kahit kapalit noon ay malagay ang buhay ko sa panganib.

Tiniis namin ang mga araw na walang tulog dahil sa walang humpay niyang pag-iyak sa gabi. Dahil mahal ka namin Kyle.

Lagi mong tandaan na maaaring kulang ka sa ibang aspeto, pero marunong ang Diyos anak. Hindi ka man makapagsalita, magaling ka namang umintindi at kitang kita iyon ngayon. Baby ko, lagi mong alalahanin na palagi ka naming iintindihin ni Daddy sa mga salitang tayo lang ang nakakaalam.

At kung natatakot ka sa mundong ito na mapanghusga, narito kami ni daddy para sanggahin lahat ng iyon. Dahil iyon ang ginagawa ng magulang, nagmamahal at gumagabay, kahit na ano pa ang kalagayan ng kanilang anak.”

Napuno ng palakpakan ang event hall. Maging si Kyle ay pumapalakpak at umiiyak, tila ba naintindihan nito ang sinabi ng ina.

Marami ang nakakuha ng inspirasyon mula kay Kena dahil lahat ng nanay roon ay kapareho niya ang pinagdaraanan. At siya ang napiling magbigay ng inspirational speech.

Totoo ang sinabi niya, walang katumbas ang pagmamahal ng magulang.Hahamakin ang lahat, kahit na ang imposible, para sa anak.

Advertisement