Inday TrendingInday Trending
Matagal nang Nagpapanggap na Mayaman ang Babaeng Ito; Maiwawasto ang Kaniyang Ugali Dahil sa Isang Pangyayari

Matagal nang Nagpapanggap na Mayaman ang Babaeng Ito; Maiwawasto ang Kaniyang Ugali Dahil sa Isang Pangyayari

Ang lahat ay halos malaglag ang panga at dilat ang mga mata nang masilayan ang bagong bag na binili ni Lea. Ito lang naman ang pinakabago at limited edition na inilabas ng isang sikat na brand ng bag kung saan may pirma ito ng isang sikat na grupo ng mga singer mula sa Korea.

“Walang kahirap-hirap. Sinabi ko lang naman sa Dad ko na gusto ko ng bag na ito at ‘yun na nga, kagabi pag-uwi niya galing work, may dala na siya nito!” buong pagmamayabang ng labing walong taong dalaga na si Lea.

Wala naman masabi ang kaniyang mga kaklaseng inggit na inggit sa kaniyang estado sa buhay. Mayaman, maganda, matalino, at higit sa lahat, mabait! Napapa “sana all” na lang talaga ang mga ito sa kaniya. Sikat na sikat siya sa buong eskwelahan pati na sa mga kalapit na paaralan.

Mahinahon kasi siyang magsalita at pati nga mga guro ay nahahalina sa kaniyang ugali’t katalinuhan. Wala siyang kaaway sa eskwelahan, at ang lahat ay sumusunod sa kung anong sabihin niya.

Isang hapon, natapos na naman ang napakahabang araw, nagpaalam na ang mga kaklase dahil papagalitan na sila kapag mas nahuli pa sila sa pag-uwi. Nang matiyak ni Lea na wala nang nakakakilala sa kaniya, agad niyang pinunasan ang bag at ipinasok sa isang malaking plastik na bag. Pagkatapos nagsuot siya ng sumbrelo at naglakad hanggang masiguro niyang wala ng mga estudyante na nakakakilala sa kaniya. Pumara siya sa isang jeep at ipinusod ang buhok.

Matapos ang kinse minutong sakay, bumaba si Lea sa isang malaking mansiyon na sinasabi niyang bahay nila. Bitbit pa rin niya ang nakasupot na bag at bilog-bilog ang pawis sa sobrang init. Pumasok siya sa loob ng mansiyon at dumiretso sa bandang likod nito. Naroon naghihintay sa kaniya ang ina na abala sa paghahanda ng kaniyang pagkain.

Matanda na ito, maitim, mamuti-muti na ang buhok at magaspang na ang kamay sa kakakayod bilang labandera ng mayamang pamilya na nakatira sa mansiyon. Agad itong napangiti nang masilayan sa malayo ang anak na naglalakad habang nagamit ng kaniyang selpon.

“Oh, anak, nandiyan ka na pala! Heto’t may niluto akong longganisa at may tiring sinigang na hipon sa loob na pinauwi na rin sa akin dahil masisira na naman. Lika na, magbihis na at kumain na tayo,” masayang bati ng ina sa kaniyang anak.

Paglapit ni Lea sa ina, hindi niya naman maiwasang hindi ngumiti, sobrang laki ng kaniyang pasasalamat sa ina dahil hindi ito sumusukong pag-aralin siya kahit na magastos ang kaniyang pag-aaral. Naghahanap lamang siya ng mga pagkakakitaan upang makabili ng mga luho niya at mga magagandang damit.

Perpekto na sana ang kaniyang buhay kung mayroon lamang silang pera at hindi isang kayod, isang tuka. Kaya naman ang kaniyang pangarap na buhay, ay isinasabuhay niya kahit sa eskwelahan na lamang. Hindi na niya batid ang anuman maging kalabasan nito.

Dumaan ang araw ng sabado at linggo, abala lamang ang mag-ina sa paglalaba. Kung wala kasing raket, ay tumutulong si Lea sa ina sa paglalabada at paglilinis ng bahay. Isinasabay na rin ni Lea ang pagkuha ng mga litrato sa iba’t ibang sulok ng bahay at pagpost ng mga ito sa kaniyang social media. Pati nga ang pagkain ng kanilang mga amo ay kinukuhanan niya ng litrato upang may mai-post lamang. Sakto’t may bisita noong araw ng linggo kaya maraming nakahain sa lamesa.

Normal lamang iyon para kay Lea at sa kaniyang ina. Abalang-abala naman kasi ang ina niya upang siya pa ay sitahin sa mga pinaggagawa niya. Isa pa, lahat ng ito ay ginagawa niya nang lingid sa kaalaman ng kaniyang ina.

Isang umaga, maganda ang gising ni Lea dahil binigyan siya ng amo ng malaking halaga upang may maibaon siya. Hindi iyon alam ng ina at hindi na niya pinaalam pa. Naisip niyang manlibre sa mga kaibigan dahil kasya naman ang kaniyang pera.

Umalis siya sa munting bahay nila na may ngiti sa kaniyang mga mukha, yumakap at humalik sa kaniyang ina. Sumakay siya ng jeep at bumaba sa tapat ng isang gusali kung saan nag-ayos siya ng itsura at ng damit. Naglakad siya hanggang sa makarating ng eskwelahan. Napakaaga pa noon at halos wala pang tao. Ganito naman palagi dahil ayaw niyang may makakita sa kaniya na sumasakay ng jeep dahil ang alam ng mga kaklase niya ay hatid sundo siya ng isang magarang kotse.

Naisip niyang pumasok sa loob ng paaralan dahil ilang minuto na din ang nakakalipas at wala pa ang mga hinihintay niya. Sabik siya sa kung ano ang mangyayari sa araw na iyon, nakangiti pa siya habang pumapasok sa loob ng silid-aralan ng datnan niya ang mga kaklse na nasa loob na.

Binati niya ang mga ito at ngumiti ng tulad ng dati. Subalit bigo siyang makatanggap ng pagbati mula sa mga ito. Ang tanging tugon nila ay mukhang mga nakasimangot at mga matang humuhusga sa kaniyang pagkatao. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng panghuhusga sa mga ito.

Nang matapos ang klase at magtatanghalian na, pinilit na niyang lumapit sa mga kaibigan at inalok na ililibre ang mga ito.

“Tara, lunch tayo? Libre ko!” masiglang alok ni Lea sa mga ito.

“Huwag na, baka maubos pa pera mo. Mukhang madami kayong nilabhan ng mama mo nung sabado ah? Pahinga ka na lang muna…” tugon ng isa sa mga ito.

Nanlaki ang mga mata ni Lea nang marinig ang tugon na iyon. Ang matagal na niyang itinatagong pagkatao ay naisiwalat na! Agad niyang kinuha ang bag at tumakbo sa isang banyo na umiiyak. Nang tingnan niya ang social media kung saan naroon ang mga kaibigan, usapin na pala siya ng mga ito dahil ang bumisita noong linggo ay isa sa kaniyang mga kaklase! Doon napag-alaman ang kaniyang tunay na pagkatao at inilahad iyon sa buong klase.

Hiyang-hiya si Lea sa lahat at tumakbo na baligtad sa kaniyang normal na ginagawa. Kung noon ay taas noo siyang naglalakad sa paaralan, ngayon ay halos takpan na niya ang mukha huwag lamang siya makita ng mga ito.

Nang makarating sa bahay, gusto niyang magwala at sisihin ang ina subalit nang makita ang malambing na mga ngiti nito, niyakap niya ang ina at humagulgol sa mga bisig nito.

Inilahad niya ang pangyayari sa ina at humingi ng tawad dito. Sa lahat ng pagsisinungaling at pagkukunwari. Doon, ay natutunan niya na itigil na ang gawaing ito, dahil wala sinuman ang tatanggap sa taong mapagpanggap.

Advertisement