Nasubok ang Karangalan ng Guro na Ito nang Siya’y Makapulot ng Limpak Limpak na Salapi sa Isang Ukayan; Ano nga Kaya ang Kaniyang Ginawang Desisyon?
Samu’t saring parangal na ang natanggap ni Julius dahil sa pagiging isang marangal na guro. Isang dekada na siyang nagtuturo sa isang paaralan na elementarya. Isnag payak na pamumuhay lamang ang mayroon siya at talaga namang itinuturing niyang mga anak ang kaniyang mga estudyante.
Sa tuwing nagkakaroon ng isang estudyante na hindi na pumapasok, lumalabas siya ng paaralan at sinusundo sa mismong bahay para lamang pangaralan ang bata at ang pamilya nito. Libre na nga kasi at malapit lamang ang bahay sa eskwelahan. Ayaw kasi ni Julius na matulad sa kaniyang mga kapatid na pumanaw na dahil sa sakit ngunit hindi man lang nakapagtapos kahit na elementarya.
Kapag magkakaroon ng pagsusulit, siya na mismo ang gumagastos sa mga papel na kailangang ipa-print pati na mga papel na kailangan ng mga estudyante. At kung makita naman niyang walang pagkain ang sinuman, agad niyang binibigyan ang mga ito ng tinapay o anuman ang maibibigay niya.
Ganito kabait at karangal ang guro na ito. Kaya naman, kahit na tapos na mag-aral ang ilan sa mga estudyante niya, binibisita siya lagi ng mga ito dahil tumatak na rin siya sa buhay ng mga ito. Ang ilan pa nga ay sumusuporta na rin sa ilang mga estudyante na hindi kayang makapag-aral.
At dahil payak lamang ang pamumuhay ni Julius, laman siya ng ukayan sa kanilang palengke. Imbes kasi na bumili siya ng mga mamahaling damit ay itutulong na lamang niya sa mga nangangailangang mga bata na nais makapag-aral. Wala man siyang pamilya na binubuhay, kailangan naman niyang mapagtapos ang mga estudyante niya pati na ipagamot ang kaniyang sarili.
Lingid kasi sa kaalaman ng lahat, nangangailangan ng kidney transplant si Julius. Hindi pa man ganoon kalubha, doon na rin daw iyon tutungo. Kaya naman,sa isang dekada na tumutulong siya sa mga estudyante bilang isang guro, ay nag-iipon din siya ng pera para ipang-opera.
“Kung sakali mang hindi ko maabot ang kailangan kong ipunin, ibig sabihin lamang ay tapos na ang aking layunin sa buhay na ito…” ang laging panalangin ni Julius sa tuwing gabi.
Ibinubuhos na lamang niya ang kaniyang atensiyon hindi sa pag-aalala sa sarili kundi ang magawa ang kaniyang layunin na mabago ang buhay ng mga taong inilalapit sa kaniya ng Diyos. Wala siyang hinhinging kapalit dahil ang makitang maging matagumpay sa buhay ang mga natulungan niya at ngumingiti ay malaking premyo na para sa kaniya bilang isang guro at isang tao.
Nalalapit na naman ang graduation at kailangan na niyang bumili ng susuotin sa seremonya dahil napagliitan na rin niya ang damit na lagi niyang ginagamit. Pagkatapos ng kaniyang klase, pumunta siya saglit sa isang ukayan na bagong bukas lamang. Maraming mga murang damit dahil nga kakabukas lamang. May tag-sasampung piso, bente, at singkwenta pesos lamang kaya sulit na sulit ito.
Mabilis siyag nakapili ng coat, isang pantalon, short at ilang mga damit na pambahay niya. Hindi na niya iyon halos nasukat dahil limitado lamang ang kaniyang oras. Pagkatapos bayaran, ay agad siyang tumungo sa paaralan. Masaya naman siya dahil nga kakaunti lamang ang nagastos niyang pera subalit kapalit noon ay mga sulit na damit na tiyak na magagamit niya pagkatapos lamang labhan.
Pagkatapos ng isang buong araw, umuwi na si Julius sa kaniyang maliit na bahay na kasya lamang ang dalawang tao. Nagpahinga lamang saglit, uminom ng mga gamot at saka kinuha ang mga biniling damit sa ukay.
Sinukat muna niya ang mga ito ngunit nang sinukat na niya ang itim na coat, ay nakita niya ang isang wallet na mayroong maraming pera ganoon din ang kabilang bulsa nito. Agad niya itong hinubad at binilang ang salapi na naroon. Ilang daang libong piso rin iyon at kung gagamitin niya iyon, tiyak na sobra pa ito sa kailangan niya para maoperahan. Marami pang sosobra dito para matulungan ang marami pang estudyante!
“Talaga namang sagot na ito sa aking panalangin! Marahil ay gusto pa akong buhayin ng Panginoon para mas makatulong pa ako sa marami!” masayang wika ni Julius ahabang patuloy ang pasasalamat sa Diyos. Naisip man niyang ibalik, subalit wala ito kahit na ID man lang. Kaya naman naisip niyang baka Diyos na mismo ang nagbigay nito sa kaniya.
Masayang nagtungo si Julius sa paaralan kinabukasan dahil kinausap na niya ang kaniyang doktor na may pera na siya. Matagal na siyang nasa waiting list ng kidney donor patient kaya naman agad agad na niyang makukuha ang operasyon. Hindi pa rin siya makapaniwalang nangyayari pa rin ang himala sa kasalukuyan. Patuloy ang pasasalamat ni Julius at mangiyak ngiyak pa rin sa nangyayari.
Hanggang sa marinig niya ang usapan ng mga guro, na may isang tao raw na nakaiwan ng kaniyang coat sa ukayan at hinahanap daw iyon. Agad pumasok sa isip niya ang nakuhang coat sa ukayan. Tunay ngang napasok sa isang dilema si Julius kung ibabalik ba ito o hindi na dahil nakausap na niya ang doktor at alam niyang hindi na iyon mangyayari pa. Pinilit niyang tanggalin sa isip ang katotohanang may naghahanap na ng kaniyang nakuhang salapi.
Buong maghapon ay ginugulo siya ng kaniyang isip. Hanggang sa pauwi na siya, natagpuan niya ang sarili na nasa harapan ng ukayan bitbit ang coat at ang salapi. Malungkot man, ngunit nilakasan niya ang loob dahil alam niyang hindi rin siya mapapalagay kung mabubuhay siya na hindi naman ginawa ang tama.
Binalik niya ang coat sa may-ari na naroon. Nang gabi na iyon, umiyak si Julius sa kaniyang panalangin. Kinansela niya ang operasyon at tinanggap na hindi na siya maooperahan. Nakatulog na lamang siya na umiiyak ngunit masaya dahil ginawa niya ang sa tingin niyang tama.
Kinabukasan, hinarap ni Julius ang panibagong araw na may magandang layunin, ang maturuan nang maayos ang kaniyang mga estudyante. Subalit pagpasok ng paaralan, naroon ay isang matandang lalaki na mukhang mayaman. Nang malaman niya, ito raw ay ang may-ari ng coat na may limpak-limpak na salapi. Doktor raw ang lalaking ito at nalaman mula sa kanilang principal nag kalagayan ni Julius. Inalok ng lalaking ito na sagutin ang operasyon at pagpapagamot ng guro. Nangako rin ang matanda na tutulungan ang kanilang paaralan dahil mayroon itong organisasyon na hinahawakan.
Hindi makapaniwala si Julius sa nangyayari. Mangiyak-ngiyak siyang muli sa Diyos na hindi lamang pera ang kaniyang nakuha, kundi isang pagpapala na masasabi niyang isang tunay na himala.