Inday TrendingInday Trending
Pinakinggan ng Binata ang Hinaing ng Isang Pulubi; Mabago pa Kaya niya ang Tingin nito sa Mayayaman?

Pinakinggan ng Binata ang Hinaing ng Isang Pulubi; Mabago pa Kaya niya ang Tingin nito sa Mayayaman?

Sandaling ihininto ng binatang si Rafael ang minamaneho niyang sasakyan nang may makitang pulubing tila namimilipit sa gutom habang nasa gilid ito ng kalsada.

Likas na mabuti ang kalooban ng binata kaya naman walang pagdadalawang-isip na binilhan niya ito ng nakabubusog na pagkain at maiinom bago niya ito nilapitan.

“Manong, pagkain ho, oh?” alok niya sabay abot ng kaniyang mga hawak. Agad naman itong napatitig sa kaniyaʼt naluluhang tinanggap ang kaniyang iniaabot.

“Ang buong akala koʼy pare-parehas kayong mayayaman,” nagulat siya nang maya-maya ay sabi nito, “mabuti na lamang at may isang katulad mo pa at hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa at paniniwala sa pakikipagkapwa-tao,” dagdag pa nito.

“Bakit naman ho ninyo nasabi iyan, manong?” takang tanong ni Rafael sa pulubi. Tila napakaseryoso kasi ng ekspresyon nito at may halo iyong hinanakit.

Napayuko ang pulubi at bakas sa mukha nitong hindi maganda ang pangyayaring inaalala nitong maigi.

“Paano,” kumagat muna ito sa tinapay na ibinigay niya bago nagpatuloy sa pagsasalita, “ang iba sa mga katulad mong mayayaman ay malupit sa mga kagaya ko.”

Hindi nakapagsalita si Rafael dahil alam niyang may katotohanan nga ang sinasabi nito. Hinayaan na lamang niyang patuloy itong magkuwento at bukas ang tainga niya itong pinakinggan.

“Alam mo ba, kanina ay sinubukan kong manghingi ng tubig sa isang mayaman ding lalaking nakasakay sa magarang sasakyan?” Tumawa ito nang may pait. “Ngunit imbes na iabot sa akin iyon nang amayos ay ibinuhos niya iyon sa aking mukha at walang pag-aalinlangan akong itinaboy.”

Tila nakaramdam ng kirot sa kaniyang dibdib si Rafael dahil sa kwento ng pulubi. Muli itong sumubo ng tinapay at uminom ng tubig saka muling itinuloy ang kaniyang pagbubuga ng hinaing.

“Noong isang araw naman ay nakakita ako ng isang mayamang ale. Akma niyang itatapon ang hindi niya naubos na pagkain galing diyan sa mamahaling restawran kaya maayos ko iyong hiningi. Kakoʼy akin na lamang imbes na itapon niya dahil nangangatal na ako sa gutom, pero alam mo ba kung ano ang sagot niya sa akin?”

Tuluyan nang naluha ang pulubi nang bitinin nito ang sinasabi.

“Sabi niya ay mas gusto pa raw niyang ipakain iyon sa hayop kaysa sa akin dahil marumi raw ako at nakakadiri!” pagpapatuloy pa nito at doon na bumigay si Rafael.

Kasabay ng mga hagulhol ng pulubi ay ang bawat pagtulo naman ng luha ni Rafael dahil sa nadaramang awa para dito. Grabe na ang kalupitan ng ibang tao sa mga katulad nito!

Hindi alam ni Rafael ang kaniyang sasabihin kaya naman nagpasiya siyang yakapin na lamang ang pulubi upang ipadama rito ang kaniyang simpatya. Wala siyang pakialam kung marumihan man ng katawan nito ang magarang damit na suot niya.

“Ngunit maraming salamat sa iyo, hijo. Ibinalik mong muli ang tiwala ko sa mga katulad mo. Sanaʼy maambunan ka nang ikaw ay dumami para naman makaranas kami ng pagmamahal mula sa tao dahil tao rin naman kami,” dagdag pa nito.

Matapos kumain ng naturang pulubi ay isinama ito ni Rafael upang bilhan ng sapin sa paa. Sunod ay siya naman ang nagtanong ng mga bagay tungkol dito.

“May pamilya pa ho ba kayo?” aniya, ngunit iling ang sagot nito.

“Nagugutom ka pa?” muli ay tanong ni Rafael sa pulubi.

“Oo, hijo,” sagot naman nito.

“Gusto po ninyong sumama sa bahay ko at doon tayo kumain?”

“Maaari ba?” tila may pag-aatubiling tanong naman nito sa kaniya. “Hindi ba magagalit ang mga magulang mo kapag isinama mo ako?”

Ngumiti si Rafael. “Opo. Sila po ang nagturo sa aking maging matulungin kaya matutuwa pa sila kapag nalaman nila ito.”

Dahil doon ay pumayag ang pulubi na isama niya ito sa kaniyang bahay. Pinakain, binihisan at tuluyan niya na itong kinupkop. Bukod doon ay tinuruan ito ni Rafael na magtrabaho sa pagmamay-ari niyang kainan, kahit bilang serbidor upang itoʼy may ikabuhay at laking galak naman ng pulubi sa kaniyang ginawa. Bukod sa tamang pasuweldo ay binigyan niya ito ng ibaʼt ibang benipisyo upang kahit sa pagtanda nito ay may magamit ito.

Ang dating pulubi ay binigyang pagkakataong muli ni Rafael na mabuhay nang normal. Naibalik niya ang magandang tingin nito sa mundo, lalong-lalo na ang paniniwala nito sa pakikipagkapwa-tao na muntik nang alisin ng ilan sa kalupitang dinanas nito sa kamay ng iba.

Advertisement