Inday TrendingInday Trending
Nagkagusto ang Maitim at ‘Pangit’ na Dalaga sa Gwapong Lalaki na Tumulong sa Kaniya; Ginawa Niya ang Lahat Para Mapansin Lamang Siya Nito, Makuha Niya Kaya ang Puso Nito?

Nagkagusto ang Maitim at ‘Pangit’ na Dalaga sa Gwapong Lalaki na Tumulong sa Kaniya; Ginawa Niya ang Lahat Para Mapansin Lamang Siya Nito, Makuha Niya Kaya ang Puso Nito?

Sadyang napakaitim ni Naomi kaya naman madalas mapagkatuwaan at masabihang panget at maitim. Madalas mang makarinig ng mga panglalait dahil sa kaniyang itsura ay wala namang pakialam si Naomi. Hindi naman ito mahalaga sa kaniya.

Bata pa lamang ay nasa ibang bagay na nakatuon ang pansin ni Naomi, ang kaniyang pag-aaral at pagtulong sa tindahan ng kaniyang ina, si Aling Nessa. Siya rin ang panganay na anak kaya naman ay mas pinag-iigihan niya talagang magsikap para sa kanilang kinabukasan.

OFW ang ama nila Naomi, at ito ang isang dahilan kung bakit nagsusumikap siyang mag-aral ng mabuti. Bata pa lamang siya nang umalis ang ama para magtrabaho sa abroad at sobrang nangungulila na siya sa ama. Daddy’s girl kasi si Naomi. May usapan sila ng kaniyang ama na kapag makapagtapos siya ng high school bilang Valedictorian ay kukunin siya nito sa Pilipinas at doon na siya mag-aaral kasama ang ama.

Kaya naman nasa pag-aaral at ang pagtulong lamang sa tindahan ng kaniyang ina nakabuhos ang buong atensyon ni Naomi. Gagawin niya ang lahat makasama lamang muli ang mahal na ama.

Naglalakad pauwi si Naomi ng biglang may bumangga sa kaniyang lalaki. Nakakatakot ang itsura nito. Mukhang nakatira ito ng ipinagbabawal na gamot at walang matinong gagawin.

“Hi Miss, mag-isa ka lang ba?” tanong nito habang nakatingin sa kaniya ng may nakakalokong ngiti sa mga labi. Nakaramdam si Naomi ng takot kaya naman pa-atras siya.

“Babe saglit! Sabi ko naman sayo hintayin mo ako eh!” nagulat si Naomi ng may biglang umakbay sa kaniya. Napatingin siya dito at nakita niya ang napakaguwapong mukha ng isang binata. Pero sino ito? Babe? Hindi nga niya ito kilala!

Tiningnan siya nito na para bang sinasabing kung gusto niyang makatakas ay sumakay na lang siya.

“A-ang ta-tagal mo naman kasi eh,” pagsakay ng dalaga sa palabas ng binata. Agad din namang umalis ang nakakatakot na lalaki nang makitang may kasama pala siyang lalaki.

“Ah a-ano po kuya, maraming salamat po,” nakahinga naman nang maluwag si Naomi at nagpasalamat sa lalaki.

“Naku, okay lang iyon,” nahihiyang napakamot ito sa kaniyang batok. “’Wag ka kasing maglalakad ng mag-isa dito lalo na’t gabi na. Saan ka ba nakatira at ihahatid na kita sa inyo.”

Nagulat siya sa alok nito pero dahil nga nakakaramdam pa rin siya ng konting takot sa nangyari ay tinanggap niya na ang alok nito. Mukha namang hindi ito masamang tao.

“Dito na po ang bahay namin. Maraming salamat po sa paglilitas at paghatid sa akin,” ngumiti siya sa binata na ginantihan din naman siya ng ngiti.

“Oh pumasok ka na sa loob. Sa susunod, mag-iingat ka na ha? ‘Wag ka nang maglalakad ng mag-isa sa gabi,” saad pa nito. Hinintay siya nitong makapasok sa loob ng kanilang bahay bago umalis.

Kinabukasan, nasa canteen si Naomi kasama ang kaniyang mga kaklase ng may mahagip na pamilyar na mukha ang kaniyang mga mata! Ang lalaking tumulong sa kaniya kagabi! Schoolmates pala sila!

Hindi niya maalis ang kaniyang mata sa binata. Kagabi niya pa ito iniisip pagkatapos siya nitong ihatid. Napansin naman ng mga kaibigan niya ang pagtitig niya sa binata.

“Hoy! Baka matunaw ‘yan ha? Grabe makakatitig bes?” pang-aasar sa kaniya ng kaibigan.

“Sino siya? Ba’t ngayon ko lang siya nakita rito?” tanong niya sa mga kaibigan.

“Ah! Transferee kasi siya,” paliwanag naman nito sa kaniya. Sinabi niya sa mga kaibigan ang nangyari sa kaniya nung nakaraang gabi at kinilig naman ang mga ito.

“So, may gusto ka sa kaniya?” tanong pa ng mga ito kay Naomi. Napaisip naman ang dalaga sa tanong na iyon. May gusto nga ba siya dito? Hindi niya alam ang sagot sa tanong na iyon.

Lumipas ang ilang araw at napagtanto ni Naomi na may gusto na nga siya sa lalaki! Ilang beses na rin kasi silang nagkakasabay at habang tumatagal ay mas lalo niyang nakikilala ito. Gwapo, mabait, at matalino si Ronnie kaya naman hindi nakapagtatakang sikat ang lalaki sa kanilang paaralan.

“Ay ang kapal ni ate girl makipag-usap kay Ronnie! Hindi man lang nahiya sa balat niya?! Eww,” parinig sa kaniya ng mga ka-schoolmtes nilang babae ng minsang mag-usap sila ni Ronnie. Nagsisimulang ma-conscious si Naomi sa kaniyang itsura.

Simula ng araw na iyon ay ginawa ni Naomi ang lahat para magpaputi at magpa-ganda. Nag-aral siyang mag-ayos at manumit ng maayos. Hindi nagtagal ay napapansin na ng lahat ang pagbabago kay Naomi. Nagbubunga na ang kaniyang pagsisikap na magpaputi at magpaganda. Madami na rin ang nagsisimulang magkagusto sa kaniya, ngunit si Ronnie lamang ang nakikita ng kaniyang mga mata.

Hindi lamang ang itsura ni Naomi ang kaniyang binigyang pansin. Hindi niya parin pinabayaan ang kaniyang pag-aaral at patuloy na pinangangalagaan ang kanilang usapan ng kaniyang ama. Hindi niya pa rin kinalilimutan ang kaniyang responsibilidad bilang anak.

Sa katunayan ay mas pinag-igihan niya pa nga dahil gusto niyang mapansin siya ni Ronnie. Matalino rin kasi ito. Pareho silang honor students kaya naman madalas silang magkasama sa mga events sa school.

Valentine’s Day ng huling taon nila sa high school, napagdesisyunan ni Naomi na umamin kay Ronnie. Plano niyang bigyan ito ng chocolates na siya mismo ang gumawa. Maaga siyang pumasok sa skwela para makipagkita kay Ronnie. May early morning practice kasi ito araw-araw dahil isa din itong athlete.

“Oh Naomi! Kumusta? Ang aga natin ah! Haha. Sipag talaga ng kaibigan ko!” paunang bati sa kaniya ni Ronnie habang nakangiti pa ng malaki. Kinakabahan man ay nilakasan na ni Naomi ang kaniyang loob.

“Uhm…” lumunok muna siya bago magpatuloy sa kaniyang pagsasalita, “Ronnie, may aaminin sana ako sayo.”

“Oh sure, ano iyon?” Nakangiti pa ring saad ng binata sa kaniya.

“Matagal na kitang gusto. Simula ng gabing tinulungan mo ako hanggang ngayon. Alam kong wala akong karapatang gustuhin ka kasi napaka-panget ko noon diba? Kaya naman naisipan kong magpaganda, magsumikap sa pag-aaral, sumali sa iba’t ibang activities sa school para mapansin mo. Para makasama ka. Lahat ng iyon ginawa ko para sayo. Ron…” iniabot niya ang dalang tsokolate na siya mismo ang may gawa sa binata, “I love you.”

Nabigla si Naomi ng bigla na lamang siyang niyakap ng binata.

“Bakit kasi inuunahan mo ako parati eh?” natatawang saad ni Ronnie sa dalaga. Tinignan niya si Naomi sa mga at punong pusong binigkas ang mga katagang kaytagal niyang kinimkim, “I love you too, Naomi.”

“Tsaka, hindi mo naman na kailangang magpaputi pa para gumanda eh, dahil sa mga mata ko, ikaw ang pinakamagandang babae sa mundo. Hindi sa panlabas na anyo nakikita ang kagandahan ng isang tao, nasa puso niya Naomi. At lahat ng nakilala ko, ikaw ang may pinakabusilak na kalooban. Kaya kahit ano man ang sabihin nila, ikaw ang pinakamagandang babae sa aking mga mata,” muling niyakap ng binata si Naomi.

Pumatak ang mga luha sa mga mata ni Naomi. Hindi niya inaasahang marinig ang mga katagang iyon sa binata. Pakiramdam niya ay siya nga ang pinakamagandang babae sa buong mundo ng mga sandaling iyon. Totoo ngang, basta ba ay tapat ka sa iyong pag-ibig ay makukuha mo din ito sa huli. Lakasan mo lang ang iyong loob at sundin mo lang ang sinasabi ng iyong puso at magwawagi ka rin sa huli.

Advertisement