Simula nang Makilala ng Dalaga ang Lalaki sa Kanilang Eskwelahan ay Pinangarap na Niyang Maging Isang Abogado; Sa Kaniya Niya Rin Pala Mahahanap ang Tunay na Pag-ibig
Naitakda na tumulong sa gaganaping seminar si Ken sa isang eskwelahan ng high school na sister school ng eskwelahang kaniyang pinapasukan. Nasa unang taon pa lamang siya ng abogasya at isa siya sa mga napiling magsalita sa mga mga-aaral roon tungkol sa mga batas na kinakailangan nilang malaman, lalo na ang kanilang mga karapatan sa lipunan.
Layunin nilang ipaalam sa mga kabataan ang kanilang mga karapatan nang sa ganun, sa murang edad pa lamang ay malaman na nila kung paano ipagtatanggol ang kanilang mga sarili kung sakaling sila ay alipustahin ng kung sino mang tao. Hindi na sila maaapi o maaabuso ng ibang taong mapang-alipusta.
Doon niya unang nakilala si Misha. Nasa ikatlong taon pa lamang ito ng high school. Simpleng tao lamang ang dalaga. Simple lamang ang kaniyang ganda at nasa katamtaman lang din ang kaniyang talino. Kung mayroon mang maipagmamalaki at kahanga-hanga sa munting dalaga ay iyon ang kaniyang aking tapang na harapin ang kahit na ano mang pagsubok sa buhay, ang kaniyang walang kapantayang sipag at determinasyon na maabot ang kaniyang nais.
“Kuya, bakit mo niyo po ba naisipang kumuha ng abogasya?” tanong sa kaniya ni Misha.
“Ahm, gusto ko kasing makatulong sa mga kapwa nating hindi nakakamit ang hustisya na nakakarapat naman sa kanila dahil lamang sa bulok na sistema ng bansa kung saan kung ikaw ay mahirap ay sigurado nang selda ang bagsak mo. Gusto ko sanang maging boses para sa kanila. Gusto kong iangkat ang mga nasa laylayan ng lipunan at bigyan ng boses ang mga mahihirap ngunit mga tapat nating mga kababayan,” pagpapaliwag niya sa dalaga.
Tumango-tango lamang ang dalaga at bumalik na sa kaniyang upuan. Hindi akalain ni Ken na hindi pa pala yun ang huling pagkikita at pag-uusap ng dalaga dahil paglipas lamang ng isang linggo ang laking gulat niya na lamang ng biglang nakita ang dalaga sa labas ng kaniyang unibersidad na pinapasukan.
“Kuya Ken! Mabuti naman at nakita na kita! Kanina pa kasi kita hinihintay dito kahit na walang kasiguraduhan na makikita kita ngayong araw kasi hindi ko naman alam ang schedule mo,” pahayag ng munting dalaga ng makita siya paglabas ng gate ng kanilang unibersidad.
“Misha, tama ba? Bakit, ano ang kailangan mo sa akin? May mga tanong ka pa ba sa mga naitalakay kong mga paksa nang nakaraan?” sunod-sunod na tanong niya sa munting dalaga.
“Nakapagdesisyon na po ako. Gusto ko pong maging abogado!” matapang na pahayag ng dalaga na ikinagulat niya. Bigla naman siyang napangiti ng mapagtanto ang sinabi ng dalaga.
Hindi gaanong matalino si Misha, nasa average level lang ang IQ ng dalaga. Ngunit mahirap pantayan ang sipag, tiyaga at determinasyon na taglay nito. Simula ng araw na iyon ay naging madalas silang magkita ng munting dalaga. Madalas itong magpaturo sa kaniya ng mga aralin nila sa eskwela. Pakiramdam niya tuloy ay nagkaroon siya bigla ng isang nakababatang kapatid na babae.
Parati ring nandyan ang dalaga para sa kaniya. Lalo na mga oras na labis siyang nahihirapan sa kaniyang pag-aabogasya at sa mga panahong nawawalan siya ng tiwala sa kaniyang sarili. Ito ang nagpapalakas ng kaniyang loob sa tuwing pinanghihinaan na siya ng loob at para gusto ng sumuko. Sa tuwing siya ay naliligaw na ng landas, itong ang nagsisilbing liwanag upang siya’y makabalik sa tamang landas ng kaniyang pangarap. Palaging ipinapaalala sa kaniya ni Misha ang rason nila kung bakit sila nagsimulang mangarap na maging abogado.
Walong taon ang agwat nilang dalawa kaya naman nang nagsimulang umusbong ang kakaibang damdamin sa kaniyang dibdib ay natakot siya. Sinubukan niyang iwasan ang dalaga ngunit hindi niya nagawang takasan ito dahil sadyang makulit at napakahirap takasan ng dalaga.
Nang hindi niya na makayanan ay umamin siya sa dalaga at pinapalayo na lamang ito sa kaniya. Laking gulat niya ng magmatigas ito at sinabi ni Misha na hindi nito gagawin ang nais niya.
“Ayoko. Malaki man ang agwat ng edad, maaaring napakabata ko pa sa bata ng mundo pero alam ko, sigurado akong mahal din kita, Ken. Kaya hindi kita lalayuan,” puno ng emosyong pahayag ng dalaga sa kaniya na labis niyang ikinagulat.
Niligawan niya ang dalaga at itinago nila ang kanilang naging relasyon sa loob ng halos limang taon. Nakapagtapos na ng abogasya si Ken at nagrereview na para sa darating na Bar Exam na gaganapin sa Nobyembre. Araw-araw ay pinupuntahan siya ng dalaga sa kaniyang condo para dalhan ng kung ano-anong pagkain at mga kailangan niya. Todo ang suporta nito sa kaniya.
Hindi niya alam kung paano siya nagawang tiisin ng dalaga. Ilang beses nang sigurado siyang may sapat nang rason ang dalaga para bitawan siya pero ni minsan ay hindi siya nito iniwan o binitawan, nanatili ito sa kaniyang tabi at sinuportahan siya.
Masasabi niyang sobrang tiyaga ng dalaga, o sobrang mahal lamang talaga siya nito. Nagagawa ng dalaga na hintayin at samahan siya ng mahigit sampung oras na nag-aaral lamang siya at hindi niya ito kinakausap. At kahit na ganun, ni minsan ay hindi ito nagpakita ng pagkabagot na siya ang kasama ng dalaga imbis na dapat ay nasa labas ito at nagpapakasaya kasama ang mga kaklase at kaibigan niya.
Lahat ng naging paghihirap niya at ni Misha ay nagbunga ng makapasa siya ng Bar Exam at naging isang ganap na abogado. Ilang buwan matapos ang kaniyang manunumpa ay umamin silang dalawa sa kanilang relasyon at kalaunan ay hiningi niya ang kamay ng dalaga sa mga magulang nito.
Nagpakasal sila at biniyayaan naman kaagad ng isang munting anghel na lalaki na pinangalanan nilang Justice. Katatapos lamang manganak ni Misha at sa susunod na taon ay nakatakda na rin itong mag-aral ng abogasya para sumunod sa yapak ng asawa. Sabay nilang aabutin ang kanilang mga pangarap na nagsimula sa isang hindi inaasahang pagkakataon.