Inday TrendingInday Trending
Pekeng Pera ang Ibinayad ng Lalaki sa Matandang Nagbebenta ng Buko; Sunud-sunod na Karma ang Inabot Niya

Pekeng Pera ang Ibinayad ng Lalaki sa Matandang Nagbebenta ng Buko; Sunud-sunod na Karma ang Inabot Niya

Binata pa lamang si Mang Kanor, pagtitinda at paglalako na ng buko ang pinagkakakitaan niya. Sa edad na sisenta y kwatro anyos ay matiyaga pa rin siyang nagtitinda sa lansangan para may maipangtustos sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

“Kanor, narito ang baon mong tubig at tinapay para hindi ka magutom at mauhaw sa daan,” sabi ng asawa niya.

“Salamat. Paano, tutuloy na ako para maaga akong makauwi,” tugon ng matanda saka itinulak ang dalang kariton na puno ng panindang buko.

Mainit ang panahon ngunit hindi iyon alintana ni Mang Kanor. Ang mahalaga ay ang kumita ng pera kaya kahit tagaktak na ang pawis ay tuloy pa rin siya sa paglalako.

“Sana naman ay maagang maubos ang mga paninda ko, para maaga akong makabalik sa bahay,” bulong ni Mang Kanor sa sarili.

Maya-maya ay may pumaradang kotse sa harapan niya. Nagulat pa ang matanda dahil mukhang mapera ang may-ari ng magarbong sasakyan kaya itinabi niya ang kariton. Lumabas sa kotse ang isang lalaki na nakasuot ng mamahaling damit. Panay ang himas sa suot na kurbata at panay rin ang tingin sa mamahaling balat na sapatos na suot nito.

Nagsimulang magtanong ang lalaki.

“Magkano ang tinda mong buko, tanda?” maangas nitong tanong.

“Depende kung buo, laman lang, o mismong sabaw ng buko ang bibilhin mo, sir,” sagot ni Mang Kanor.

“Pagbilhan mo nga ako ng sampung pirasong buko. Ang gusto ko’y buong buko,” sambit ng lalaki habang tinitingnan ang oras sa suot na mamahaling wristwatch.

“Sampung piraso? Sige, tatlong daang piso lahat.”

Tinulungan pa niyang ipasok sa kotse ng lalaki ang mga binili nitong buko. Bago ito umalis ay dumukot ito ng perang papel sa bulsa at iniabot kay Mang Kanor.

“Bayad ko, tanda!”

Nang makita ni Mang Kanor ang halaga ng ibinayad sa kaniya ay nanlaki ang mga mata niya.

“Isang libong puso ito, sir. Wala akong maisusukli sa iyo, wala pa akong benta, eh,” sabi ng matanda.

Tumawa nang malakas ang lalaki.

“Huwag na! Keep the change na ‘yan, sa iyo na ang sukli. Sige at aalis na ako. Nagmamadali ako,” tugon ng lalaki.

“Totoo? Hindi mo na hihingin ang sukli? Naku, maraming salamat, sir. Malaking tulong ito sa pamilya ko!”

Nakipagkamay pa si Mang Kanor sa lalaki bago ito tuluyang lumisan. Pagkaalis ng lalaki ay may mga ilan pang kustomer ang bumili sa kaniyang paninda hanggang sa maubos iyon. Bago siya umuwi ay dumaan muna siya sa panaderya para bumili ng tinapay para ipasalubong sa kaniyang asawa at dalawang anak. Nang ibinayad niya ang isang libong piso na ibinigay ng lalaki ay laking gulat ng tindera.

“Manong, peke po itong pera niyo!”

“A-ano? P-paanong naging peke, eh, ibinayad ‘yan sa akin nung mayamang lalaki na bumili sa mga paninda kong buko kanina?” giit niya.

“Peke po talaga, manong. Tingnan niyo, ganito po ang tunay na isang libong piso, pero ang isang ito ay hindi totoo. Peke po ang ibinayad na pera sa inyo, manong!” wika ng tindera habang ipinakita pa sa kaniya ang pagkakaiba ng tunay na perang papel kaysa sa pekeng pera.

“H-hindi maaari! Paano ang kinita ko? Diyos ko!” tanging nasambit ng matanda bago nanikip ang dibdib at tuluyang nawalan ng malay.

Wala namang pagsidlan ang galak ng lalaki habang nagmamaneho ng sasakyan. Masayang-masaya ito dahil sa panlolokong ginawa niya sa kaawa-awang tindero ng buko.

“Bobong matanda. Hindi man lang napansin na peke ang ibinayad kong pera sa kaniya. Biruin mo, sampung buko ang nakuha ko ng libre. Bakit ako magbabayad kung makukuha ko naman ng walang bayad,” wika ng lalaki sa isip. Ugali na kasi niya na hindi nagbabayad ng tama sa tuwing may binibili sa kalye. Para sa kaniya, sayang lang ang ibabayad niya, kaya nahiligan na niyang magbayad ng pekeng pera para makatipid.

Maya-maya ay tumunog ang cell phone niya at agad iyong sinagot.

“Yes, darling? Pauwi na ako. May pasalubong akong mga buko!” bungad niya.

“Bimbo, ang mga anak natin, naaksidente ang sinakyan nilang kotse. Agaw-buhay sila ngayon sa ospital,” hagulgol ng kaniyang asawa na nasa kabilang linya.

“A-ano?! H-hindi!”

Nang biglang naputol ang tawag nito at nakarinig siya nang malakas na ingay mula sa kinaroroonan ng asawa. Nabangga ng rumaragasang truck ang sasakyan ng asawa niya sa sobrang pagmamadali nito papunta sa ospital at hindi nito nakita ang paparating na truck na tumapos sa buhay nito.

“Linda? Linda!” Diyos ko, ang mag-iina ko!”

Mas lalo niyang pinabilis ang pagmamaneho hanggang sa ‘di niya namalayan na sumalpok na pala ang kotse niya sa malaking van na nakasalubong niya sa daan. Himalang nakaligtas ang apat na sakay ng van ngunit hindi si Bimbo. Hindi nakaligtas ang lalaki sa malagim na aksidenteng iyon sa kalsada na kaniya ring ikinas*wi.

Sunud-sunod na karma ang dumating kay Bimbo nang lamangan at lokohin niya si Mang Kanor. Mabuti na lamang at naisugod agad sa ospital ang matanda at maayos na ang kalagayan nito. Dahil naawa ang tindera sa panaderya ay binayaran na lang nito ang tatlong daang piso na hindi ginawa ni Bimbo kay Mang Kanor.

Labis ang pasasalamat ni Mang Kanor sa ginawang kabutihan ng tindera. Nakalabas din siya sa ospital at maayos na nakauwi sa kaniyang pamilya.

Advertisement