Inday TrendingInday Trending
Binatikos ang Binata Dahil sa Pagbebenta ng Underwear at Recycled Costumes Online; Ikinagulat ng Lahat ang Dahilan Niya

Binatikos ang Binata Dahil sa Pagbebenta ng Underwear at Recycled Costumes Online; Ikinagulat ng Lahat ang Dahilan Niya

Mahilig magtinda sa online ng kung ano-ano si Michael. Nag-aalok siya ng mga pabango, mga damit at iba pang aksesorya. Maging sa eskwelahan ay inilalako niya iyon sa mga kaklase.

“Bili na kayo ng mga paninda ko, murang-mura lang!” alok niya sa mga kaklase.

“Aba, hindi ka lang pala sa online nagbebenta, pati rito sa school ay nagbebenta ka rin, Michael?” tanong ng isa sa mga kaklase niyang babae.

“Siyempre, may mga dala nga akong sample rito. Gusto mong makita?”

“Sige nga patingin at bibili ako!” kinikilig na sabi ng babae habang tinitingnan ang mga paninda niya.

Hindi lang siya hinahangaan ng mga kaklse at ibang mag-aaral dahil sa kaniyang kaguwapuhan, pagiging matalino at magaling sa sports, hinahangaan din siya sa kaniyang pagiging madiskarte sa pagnenegosyo. Nakakabenta naman siya sa eskwelahan ngunit sa tingin niya ay hindi pa sapat ang kinikita niya kaya nag-isip siya kung ano pa ang maaari niyang ibenta. Tumingin-tingin siya sa internet kung ano pang mga item ang puwedeng pagkakitaan at nakahanap nga siya roon.

Nang sumunod na araw ay inihanda na niya ang mga gagamitin sa pananahi. Mahusay manahi si Michael, bata pa lang siya ay tinuruan na siya ng ina kung paano manahi gamit ang makinang panahi ng kaniyang lola. Nang matapos niya ang mga ginawa ay ipinost na niya sa social media ang mga bago niyang paninda.

“Mga suki, bili na kayo ng bago kong mga paninda!” sabi niya sa Facebook at Instagram.

Ngunit nang makita ng mga kaklase, mga kakilala at mga follower niya sa social media ang mga bago niyang ibinebenta ay pinagtawanan siya ng mga ito at sari-saring pambabatikos ang inabot niya.

“Hoy, Michael, hindi ka na nakuntento sa pagbebenta ng mga pabango at mga damit na pambabae. Nagbenta ka pa talaga ng mga underwear at bra?” pang-aasar ng isa niyang kaklaseng lalaki.

“Sa dami ng puwede mong ibenta, pambabaeng underwear at bra pa? Ikaw pa naman ang heartthrob sa school tapos ay magtitinda ka lang ng mga panty at bra? Naku, nababak*la ka na yata, eh,” gatol pa ng isa.

Hindi na niya napigilan ang sariling ipagtanggol ang sarili.

“Ano’ng masama sa pagbebenta ng panty at bra? Ginagamit naman ng mga tao ‘yan at gumagamit rin naman ang mga nanay, lola at kapatid niyong babae ng mga paninda ko, ‘di ba? Kaya walang masama sa ginagawa ko.”

“Pero, pare, kilala ka bilang habulin ng mga babae. Isa ka ring magaling na varsity player at marami kang tagahangang babae sa school, pero magtitinda ka lang pala ng mga ganyan sa online? Ang guwapo at ang hunk mo pa naman sa profile picture mo sa Facebook at Instagram account mo, tapos ang makikita ng mga follower mo ay ang mga ibinebenta mong panty at bra,” hirit ng isa niyang kaklase.

“Nananahi at nagdidisenyo kasi ng mga pambabaeng underwear at bra ang mama ko noon at tinuruan din niya akong manahi ng mga iyon. Nang tingnan ko sa internet na maganda ang kitaan sa pagbebenta ng mga underwear at bra ay agad akong gumawa at ibinenta sa online. Pandagdag din sa kikitain ko ang mga paninda kong iyan,” tugon niya.

Hindi na niya pinakinggan pa ang mga negatibong komento ng mga kaklase at ipinagpatuloy ang paggawa at pagbebenta ng mga underwear at bra. Pinag-aralan din ni Michael na magtahi ng panlalaking underwear at mga costume na maaaring gamitin sa mga pageant at party gamit ang mga recycled materials.

Imbes na hangaan ang mga ginawa niya ay mas lalo siyang hinamak at binatikos sa social media matapos niyang ipost ang mga bago niyang paninda. Muli siyang pinaalalahanan ng mga kaklase niya.

“Ano ka ba naman, pare. ‘Di ka pa nadala sa pagbebenta mo ng panty at bra at nagbenta ka pa ng mga pamba*lang costume? Nababaliw ka na, Michael!”sambit ng isa niyang kaklase.

“Hinuhusgahan na nila ang pagkatao mo. Pati ang kasarian mo ay kinukuwestyon na rin nila. Itigil mo na ang pagbebenta mo ng mga kalokohang ‘yan kung ayaw mong mas lalo kang pagtawanan at kutyain ng mga follower mo. Ang dami tuloy mga babae ang umaayaw na sa iyo dahil sa mga pinaggagagawa mo,” sabad ng isa pa.

“Hindi ko maaaring itigil ang pagbebenta ko ng mga underwear, bra at recycled costumes dahil malaki ang kinikita ko sa mga ‘yon!” giit niya.

“Noong nagbebenta ka ng mga pabango at mga damit ay malaki na rin naman ang kinikita mo, eh. Kung gusto mong huwag masira ang image mo, itigil mo na ‘yan, Michael.”

“Hindi ko nga puwedeng itigil dahil malaki ang naitutulong ng mga ibinebenta ko sa pangpa-chemo ni mama,” hayag niya.

“A-ano?!” sabay-sabay na bigkas ng mga kaklase niyang lalaki.

“May kan*er sa matres si mama at kailangan na tuluy-tuloy ang chemotherapy niya. Kailangan ko ng dagdag na kita para sa pagpapagamot niya, kaya nang makita kong maganda ang kitaan sa pagbebenta ng mga underwear, bra at recycled costumes ay gumawa ako ng mga ito at ibinenta ko. Lahat ay gagawin ko para kay mama. Wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba dahil wala naman akong ginagawang masama,” pagtatapat niya.

Ikinagulat ng mga kaklase niya ang dahilan at naunawaan naman ng mga ito kung bakit nagagawa niyang magbenta ng mga bagay na iyon. Sa kagustuhan na tumulong sa agarang paggaling ng kaniyang ina ay sinuporthan ng mga kaklase niya ang kaniyang negosyo.

Kinagabihan ay muling nagpost si Michael sa social media. Nilalaman ng kaniyang mensahe kung ano ang dahilan kung bakit siya nagbebenta ng underwear, bra at recycled costumes na sinasabing pamba*la.

“Good evening. I’m selling these underwear, bra and recycled costumes for the benefit of my mother. This is fund raising activity that will support my mother’s chemotherapy. All the proceeds will be a great help for my mother. You can enjoy wearing those underwear, bra and recycled costumes and save my mother’s life,” sabi niya sa kaniyang social media accounts.

Ang mga pangungutya, pambabatikos at panghahamak sa kaniya ay biglang napalitan ng pagkagulat, paghingi ng tawad, magagandang mga salita at pagbuhos ng tulong mula sa mga follower niya.

Agad na nag-viral ang kaniyang post at mas lalong dumami ang bumili sa mga paninda niya.

Dahil sa naturang panawagan ay patuloy ang pagdagsa ng order sa mga produkto ni Michael, habang ang ilan ay nagpahayag ng kanilang pagnanais para sa mas mabuting kalagayan ng kaniyang ina.

Mas dumami rin ang mga follower niya sa social media at mas nadagdagan pa ang mga tagahanga niya. Sa ginawa niya ay pinarangalan pa siya ng kaniyang eskwelahan dahil isa siyang magandang ehemplo sa mga kabataan na handang gawin ang lahat para sa magulang. Nagbigay rin ng tulong pinansyal ang eskwelahan para sa pagpapagamot sa kaniyang ina.

Labis ang kasiyahan ni Michael sa lahat ng tulong at suporta na natanggap niya para sa ina kaya agad siyang nagpost sa kaniyang account ng mensahe ng pasasalamat.

“Maraming salamat po sa lahat ng tutulong at tumulong po sa aking mama. Sobra-sobrang blessings na po nito para sa kaniya!” wika niya sa ginawang post.

Advertisement