Inday TrendingInday Trending
Hindi Gusto ng Babae ang Lalaking Nakatakda Niyang Mapangasawa; May Magliligtas Kaya Sa Kaniya?

Hindi Gusto ng Babae ang Lalaking Nakatakda Niyang Mapangasawa; May Magliligtas Kaya Sa Kaniya?

Si Apo Dukay ay pinuno ng isang tribo na naninirahan sa pusod ng kagubatan. Isa siyang matipuno at mahusay na pinuno kaya pinapangarap ng mga kababaihan. Naghahanap siya ng mapapangasawa at mayroon na siyang napiling dalawang dalaga para gawing maybahay.

“Napasuwerte natin, Aliora dahil tayong dalawang magkaibigan ang nagustuhan ni Apo Dukay na kaniyang maging kabiyak,” tuwang-tuwang sabi ni Lorela.

“Hindi ko ikinatutuwa ‘yan, Lorela dahil hindi ko naman siya iniibig. Kahit siya pa ang pinuno ng ating tribo ay ayokong magpakasal sa kaniya,” pagtanggi ng babae.

“Huwag mong sabihin ‘yan. Hinahangad ng bawat babae sa ating tribo ang mapangasawa si Apo Dukay. Siya ang pinakamakisig at pinakamahusay na makipaglaban sa lahat ng kalalakihan dito. At alam mo namang matagal ko na siyang iniibig. Kaya kung sinuman sa ating dalawa ang unang magkaanak sa kaniya ang siya niyang pakakasalan.”

Kahit ano pang sabihin ng kaibigan ay hindi niya gusto ang ideyang iyon. Hindi niya mahal ang lalaki, wala siyang nararamdamang anumang espesyal dito kaya walang dahilan para maikasal siya rito. Ngunit wala siyang magagawa dahil nakasaad sa kanilang batas na kung sinumang babae ang magustuhan ng kanilang pinuno ay kailangang makipagniig sa lalaki. Kung sinong babae ang unang magdalantao ang siyang magiging asawa ng pinakamagiting na lalaki sa kanilang tribo. Wala siyang nagawa kundi isuko ang kaniyang pagkababae sa pinuno. Ganoon din ang ginawa ng kaibigang si Lorela, nakipagniig din ito kay Apo Dukay. Kung sinuman sa kanila ang unang mabuntis ang siyang masuwerteng babae.

Isang araw ay may binatang naligaw sa gubat at napadpad sa kanilang lugar. Sugatan ito at nanghihina. Agad itong tinulungan ng mga kalalakihan sa tribo, ginamot at inalagaan at pinakain hanggang sa naging maayos ang lagay nito. Tinanong ito ni Apo Dukay kung ano ang ginagawa nito sa gubat at kung ano ang nangyari rito.

“Ano’ng nangyari sa iyo, lalaki? Bakit ka napadpad dito sa amin at saan nanggaling ang mga sugat mo sa katawan?” tanong ng pinuno.

“Ipagpaumanhin niyo po. Ako si Leonardo. Naligaw ako habang nangangaso sa gubat. Bigla akong inatake ng isang mabangis na oso, mabuti na lamang at ako’y nakaligtas. ‘Di rin sinasadyang napadpad ako sa inyong lugar. Salamat po sa ginawa niyong paggamot sa akin at pagbibigay ng makakain. Huwag kayong mag-alala, hindi ako masamang tao at wala akong balak na manggulo,” magalang na sagot ng lalaki na nagtataglay rin ng kakisigan at kaguwapuhan.

“Nauunawaan ko ang iyong dahilan. Buweno, dumito ka na muna at magpahinga,” tugon ng pinuno.

“Maraming salamat po. Ilang araw lang naman ang aking ilalagi rito para makapagpahinga. Aalis din po ako agad at babalik sa siyudad.”

Nakilala ni Aliora ang binata. Sa kanilang unang pagkikita at maging sa ilang araw na nagkakasama sila ay ‘di inaasahan na may nabuong espesyal na pagtitinginan sa kanilang dalawa.

“Mula nang makilala kita ay agad na akong humanga sa taglay mong kagandahan, Aliora,” sambit ni Leonardo sa sinserong tono.

“Ako rin. Pakiramdam ko’y matagal na tayong magkakilala kaya mabilis na nahulog ang damdamin ko sa iyo.”

“Ang akala ko’y panlabas lang ang iyong kagandahan, pero nabatid kong nagtataglay ka rin ng busilak na kalooban, kaya nga mas lalo mong nabihag ang aking puso.”

Sa kaunting panahon na nagkakilala ang dalawa ay nabuo ang pag-ibig nila sa isa’t isa ngunit hindi maaari ang kanilang nararamdaman dahil isa si Aliora sa naipagkasundo sa kanilang pinuno na maging asawa. Hindi siya puwedeng umibig sa kahit na sinong lalaki maliban kay Apo Dukay dahil parte iyon ng batas sa kanilang tribo. May kaakibat na kaparusahang naghihintay sa lalaking iibig sa kaniya. Ipinagtapat niya kay Leonardo ang lahat.

“Kung gayon ay hindi ka pa niya nabubuntis? Kung gusto mo ay magniig tayo para tuluyan ka nang magdalantao. Kapag nalaman niyang ibang lalaki ang ama ng iyong magiging anak ay pakakawalan ka na niya at hindi mo na kailangang ikasal sa kaniya,” sabi ng lalaki.

“Hindi maaari ang gusto mong mangyari. Tiyak na malalagay lang sa panganib ang buhay mo kapag ginawa natin ‘yon. Ayokong may mangyaring masama sa iyo,” sagot ng babae.

“Huwag kang mag-alala, mahal ko. Hangga’t hindi ka niya nabubuntis ay hindi ikaw ang mapapangasawa niya.”

“Sa ngayon, iyan lamang ang pinanghahawakan ko. Ang maunang magdalantao si Lorela kaysa sa akin. Mahal na mahal ng aking kaibigan si Apo Dukay. Hangad kong siya ang maunang mabuntis ngunit kahit ilang ulit na kaming sinipingan ng aming pinuno ay walang mabuong sanggol sa aming sinapupunan.”

Nagkaroon ng hinala ang magkaibigan.

“Hindi kaya baog si Apo Dukay kaya hindi niya tayo mabuntis?” nag-aalalang sabi ni Lorela.

“Maaaring tama ang iyong hinala dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nagdadalantao,” sagot niya.

“Paano tayo mabubuntis kung baog ang pinuno?” tanong ni Lorela.

“Hindi ko alam,” tangi niyang tugon.

Nang hapong iyon ay lihim na nagkita sina Aliora at Leonardo. Hindi napigilan ng dalawa na yakapin nang mahigpit ang isa’t isa.

“Hanggang kailan tayo ganito, Aliora? Palagi na lang tayong patagong nagkikita.”

“Hindi maaaring malaman ni Apo Dukay na nagkikita tayo dahil naipagkasundo na ako sa kaniya. Ako ang isa sa nakatakda niyang maging asawa.”

Nang biglang may nagsalita sa likuran nila.

“Akin ang babaeng ‘yan, lalaki!” sigaw ni Apo Dukay.

“P-pinuno? P-patawarin mo ako, pero si Leonardo ang mahal ko,” sambit ni Aliora.

“Hindi maaari ang gusto mo, Aliora. Alam mo ang ating batas at iyon ang dapat na masunod. At ikaw lalaki, nagtiwala ako sa iyo at tinanggap kita rito nang maayos, ‘yun pala ay aagawin mo ang isa sa mga babaeng nakatakda kong mapangasawa? Isa kang hangal! Tanggapin mo ang iyong kaparusahan, ang iyong kamat*yan!” galit na wika ng pinuno.

“Mahal ko si Aliora, Apo Dukay. Handa kong patunayan ang pag-ibig ko sa kaniya kung kailangan kong ibuwis ang buhay ko para kay Aliora ay gagawin ko. Palayain mo lang siya,” tugon naman ni Leonardo.

Agad na hinuli at tinalian ang lalaki ng mga katutubong tauhan ni Apo Dukay at pansamantalang ikinulong. Sinabi ng pinuno na dapat munang matuloy ang kasal niya sa masuwerteng babae na magdadala ng kaniyang anak bago tuluyang pat*yin ang binatang estranghero. Ikinulong din ni Apo Dukay si Aliora para hindi na ito makipagkita pa sa lalaki.

Nalaman naman ni Lorela ang tungkol sa pag-iibigan nina Aliora at Leonardo kaya nakaisip ito ng paraan para matulungan ang magkasintahan. Palihim nitong pinuntahan ang kulungan ng lalaki at pinatakas.

“Salamat at pinakawalan mo ako. Ikaw ang kaibigan ni Aliora, ‘di ba? Nasaan siya?”

“Ikinulong din siya ni Apo Dukay. Narito ako para tulungan kayong dalawa. Mahal na mahal ko si Apo Dukay at gusto ko siyang maging asawa at mahal ko rin ang aking kaibigan kaya isa lang ang paraan para palayain niya si Aliora. Kailangang mabuntis ako para tigilan na niya ang kaibigan ko. Kung papayag ka, gusto kong makipagniig ka sa akin para mabuntis ako. Sa tingin namin ni Aliora ay baog si Apo Dukay kaya hindi niya kami mabuntis kaya anakan mo ako para ako ang magdalantao. Kapag kami ay naikasal, hihilingin ko kay Apo Dukay ang kalayaan niyo ni Aliora,” hayag ng babae.

“W-wala bang ibang paraan?” tanong ng lalaki.

“Iyon lang ang paraan para mapasaiyo si Aliora. Alam kong mahal na mahal mo ang kaibigan ko at gayon din siya sa iyo. Kung wala tayong gagawin ay hindi kayo makakaalis dito ng buhay. Kilala ko si Apo Dukay, ginagawa niya ang anumang gustuhin niya. Siguradong itutuloy niya ang pagbitay sa iyo.”

Dahil wala na ring maisip na ibang paraan si Leonardo at gusto na niyang ilayo sa lugar na iyon si Aliora ay pumayag siya sa plano ni Lorela. Nakipagniig siya sa babae at tiniyak na mabubuntis niya ito. Pagkatapos nilang gawin iyon ay bumalik si Leonardo sa kulungan na parte pa rin ng plano ni Lorela.

‘Di nagtagal ay nagdalantao nga si Lorela. Naniwala naman si Apo Dukay na nakabuo na sila ng babae kaya ito ang pinakasalan at ginawang asawa. Dahil si Lorela na ang asawa ng pinuno at itinuturing na reyna ng tribo ay hiniling nito sa asawa na palayain na sina Aliora at Leonardo at hayaan nang magmahalan at lumayo. Pumayag naman si Apo Dukay sa hiling ng asawa. Pinalaya nito ang dalawa at hinayaan nang magsama sa labas ng kagubatan. Nang tuluyang makalayo ay ipinagtapat ni Leonardo kay Aliora kung bakit sila nakalaya.

“Naiintindihan ko, mahal. Ginawa niyo lamang iyon ni Lorela para sa akin. Kung may nangyari man sa inyo ay pinatawad ko na kayo sa inyong ginawa. Alam kong hindi niyo ginusto ‘yon. Ang mahalaga ay malaya na tayo,” sabi ni Aliora.

“Oo, mahal ko. Malaya na tayong magmahalan. Magpapakalayu-layo na tayo at bubuo ng sarili nating pamilya. Mahal na mahal kita, Aliora.”

“Mahal na mahal din kita, Leonardo!”

At nagsama ang dalawa sa siyudad. Ikinasal at pinagkalooban ng tatlong anak. Habang buhay nilang pasasalamatan ang ginawang sakripisyo ni Lorela para sa kanila. Masaya na rin itong namumuhay sa kagubatan kasama ang lalaking pinakamamahal nito.

Advertisement