Iniligtas ng Estudyante ang Isang Matanda sa Bingit ng Kapahamakan; Hinangaan siya ng Karamihan
Papasok pa lang ang medical student na si Angela sa eskuwela nang siya ay mapadaan sa tapat ng isang ginagawang building. Laking pagtataka ng dalaga nang mapansing maraming nagkukumpulang mga tao sa paligid niyon at halatang nagpapanic ang mga ito.
Hindi naman natural na usisera si Angela kaya hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang ang sipa ng kaniyang isip na silipin kung ano ang nangyayari doon.
Dahil sa kyuryosidad ay sinunod ni Angela ang bulong ng kaniyang damdamin. Sinilip niya kung ano nga ba ang nangyayari doon at bakit tila hindi maganda ang kaniyang pakiramdam.
Ganoon na lamang ang gulat ni Angela nang makita ang isang nakahandusay at duguang matanda sa sahig habang napalilibutan ito ng mga taong nagpa-panic at tila kinakabahan sa mga nangyari.
“Ano po ang nangyari sa matanda?” bakas ang awa at pagkataranta sa tinig ni Angela nang magtanong sa isang ale roon.
“Nabagsakan ng kahoy mula riyan sa ginagawang building, hija. Kawawa nga, e! Kanina pa kami tumawag ng ambulansya pero hanggang ngayon ay wala pa rin!” sagot naman nito sa malungkot na tinig.
Tila kumilos nang mag-isa ang katawan ni Angela matapos marinig ang sinabi ng ale. Basta ang alam niya lang ay kailangang malapatan ng first aid ang matanda bago pa may mas malalang mangyari dito. Hinubad ni Angela ang kaniyang bag at lumuhod sa tabi ng matanda upang tingnan kung gaano kalala ang sugat na natamo nito. Tiningnan niya rin ang pulso nito, maging ang paghinga upang siguraduhing nasa ayos iyon.
“Teka, ineng anoʼng gagawin mo?! Marunong ka ba?” tila may pagdududang tanong ng isa sa mga nakikiusyoso roon.
“Medical student po ako, maʼam. Please, hayaan nʼyo po akong lapatan siya ng first aid, kundi ay may mas malala pang mangyayari!” sagot naman niya. Hindi na tumutol pa ang mga tao sa paligid bagamaʼt alam niyang duda pa rin sila sa kaniyang ginagawa.
Binuksan niya ang kaniyang bag at kinuha ang malinis na bimpo na palagi niyang dala-dala upang ipanglinis sa sugat ng matanda sa ulo. Ginamit niya ang lahat ng kaniyang natutunan sa medical school upang iligtas ang matandang sa wari niya ngayon ay malapit nang maubusan ng dugo. Naging maingat si Angela sa kaniyang bawat galaw dahil isang pagkakamali lamang niya ay buhay ang magiging kapalit niyon.
Kaya naman ganoon na lamang ang paghinga niya nang maluwag nang tagumpay niyang maisagawa ang paunang gamot para sa matanda. Umampat na ang pagdudugo ng sugat nito at bumalik na rin sa normal ang kaniyang mga pulso. Napapahid sa kaniyang butil-butil at nanlalamig na pawis si Angela matapos iyon.
Noon lamang napansin ng dalaga na napakaraming camera palang nakatutok sa kaniya. Sinubukan niyang takpan ang kaniyang mukha ngunit huli na dahil ngayon pa lamang ay napakarami nang nakapanuod ng ginawa niyang kabayanihan.
Nang dumating ang ambulansya ay sumama na rin si Angela roon upang siguraduhing maayos ang lagay ng matanda at walang komplikasyong mangyayari dahil sa ginawa niyang paunang lunas.
Matapos ang ilang sandali ay nag-announce na ang doktor na humawak sa matanda at sinabing maayos na ang lagay nito. Salamat sa maagap na kilos ng medical student na si Angela na hindi nag-atubiling gawin ang tawag ng tungkulin kahit pa nga hindi pa siya lubusang natatapos sa pag-aaral niyon.
Samantala, umani ng sari-saring magagandang realsyon ang kabayanihang ipinakita ni Angela dahil kumalat na nang kumalat ang kaniyang video. Naging instant sikat ang dalaga kahit saan siya magpunta at proud na proud naman sa kaniya ang kaniyang mga professors pati na rin ang kaniyang mga kapamilya.
Ngayon pa lamang ay nakikita na nila ang dedikasyon ni Angela sa kaniyang piniling landas. Marami pa siyang pagsubok na pagdaraanan at mga leksyong pag-aaralan, ngunit ngayon pa lamang ay nakikita na ng karamihan ang kaniyang magandang kinabukasan.
Naging inspirasyon din si Angela sa maraming kapwa niya medical students upang mas pagbutihin pa ang kanilang pag-aaral upang makatulong din sa kapwa katulad ng kaniyang ginawa.
Napakalaking tulong ng mga health workers sa buhay ng tao lalo na sa panahon ng mga sakit ay sakuna. Patuloy natin silang suportahan, respetuhin at bigyang halaga tulad ng pagbibigay natin ng karangalan sa ibaʼt ibang mga propesyon. Mabuhay ang mga doktor, nurses, at mga health workers na patuloy na nagsisilbi sa atin.