Inday TrendingInday Trending
Dating Miyembro ng Akyat-Bahay ang mga Kabataang ito; Talento ang sa Kanilaʼy Magpapabago

Dating Miyembro ng Akyat-Bahay ang mga Kabataang ito; Talento ang sa Kanilaʼy Magpapabago

Nangungutyang mga tingin, nanghuhusgang mga bulungan at may pagdududa ang kaisipan ng bawat maraanang tao ng grupong ngayon ay naglalakad sa kalsada.

Kilala ang grupo nila Nathan sa lugar na iyon dahil dati silang mga miyembro ng akyat bahay na namemerwisyo maliit na pamayanang iyon sa Laguna. Pinangingilagan, kinukutya at hinugusgahan sila ng mga nakakaalam ng kanilang nakaraan kahit gaano nila ipakita at ipaalam sa mga ito na sila ay mga nagbago na at hindi na muling uulitin pa ang kanilang kasalanan matapos maranasan ang buhay na para silang preso.

Hindi na talaga yata nila mababago ang impresyon sa kanila ng mga tao⏤mga salot at perwisyo⏤at magiging kakabit na ng kanilang pagkatao ang kanilang mga karanasan.

Malungkot ang tanghaling iyon para sa kanilang magkakaibigan. Nagkaroon ng pagpululong ang grupo nina Nathan sa bakanteng lote sa dulo ng kanilang barangay kung saan sila ngayon madalas magsitambay.

“Ano raw ang dahilan at tinanggal ang grupo natin sa pa-singing contest ni kap para sa fiesta?” tanong ni Nathan sa mga kaibigan.

“Ang pangit daw ng imahe natin sa barangay, pare. Baka raw walang manuod kapag isinali nila tayo dahil matatakot ang mga tao na manggulo tayo,” si Jasper ang sumagot. Walang gana nitong ibinagsak ang hawal na gitara sa lupa at tila anumang oras ay babagsak na ang mga luha sa nag-uulap nitong mga mata.

“Wala na ba talaga tayong pagkakataon para magbago, mga pare? Hindi na ba talaga pʼwede?” singit naman ni Anton na siyang may hawak na drumsticks habang nakaupo sa harap ng improvised drum set niya.

“Huwag tayong susuko, mga pare. Tutal ay kasalanan naman natin kung bakit natin nararanasan ang mga ito, e. Panahon na siguro para harapin natin ang totoong kapalit ng mga ginawa nating kalokohan at patuloy itong pagsisihan,” muling sagot ni Nathan na sinang-ayunan naman ng magkapatid na Paul, ang isa pang gitarista at Paulo na siya namang may hawak sa keyboard o piano.

Matapos kasing makalaya nina Nathan sa boys town na siyang pinaglakan sa kanila noong mahuli sila bilang mga miyembro ng akyat bahay ay itinuon na nila ang kanilang mga atensyon sa musika. Bumuo sila ng banda at sa bakanteng loteng iyon sila madas mag-ensayo.

“Hayaan nʼyo na kung ayaw nila tayong isali. Ang mabuti pa, mag-video na lang tayo ng mga sarili natin habang tumutugtog at kumakanta at i-post natin sa social media para maraming makakita,” suhestiyon pa ni Nathan sa kaniyang mga kagrupo, “Malay nʼyo naman, hindi ba? Wala namang masama kung susubukan natin. Wala namang mawawala,” aniya pa.

Nagsisang-ayon naman ang kaniyang mga kagrupo kayaʼt ganoon nga ang kanilang ginawa. Kinuhanan nila ng video ang kanilang mga sarili habang inaawit ang kantang sila mismo ang gumawa.

Hindi inaasahang nag-hit ang kantang iyon at nag-viral sa buong Pilipinas! Lalo na nang malaman ng mga tao ang nakaraan nilaʼy naging mas matindi ang suportang natamasa nila!

Naging laman sila ng ibaʼt ibang TV shows, mga gigs, parties at fiestahan hanggang sa may mag-alok na sa kanila ng kontrata upang maging singer sila ng isang TV stations!

Napakaraming oportunidad ang dumating sa magkakaibigan nang dahil lamang sa pagkanta nila nang araw na iyon sa bakanteng lote.

Simula noon ay naging maganda na ulit ang pakikitungo ng mga tao sa grupo nina Nathan sa kanilang pamayanan. Nabigyan na ulit sila ng pagkakataong magbago at ituwid ang tinahal nilang dati ay liku-likong daan.

Kung noon pa sana nila pinagtuunan ng pansin ang kanilang talento at hindi na gumawa pa ng masama ay hindi na sana nila pagdaraanan ang mga pinagdaanan nila, ngunit sabi nga sa kasabihan; ang karanasan daw ang pinakamahusay na guro.

Mabuti na lamang talaga at maaga nilang naituwid ang kanilang mga pagkakamali. Sila ang patunay na hindi dapat natin hinuhusgahan ang mga taong may madilim na nakaraan dahil maaari pa naman silang magbago. Huwag nating alisan ng pagkakataon ang bawat isa na patunayan ang sarili nila, lalo na kung sinsero ang mga ito at tagang nais ng pagbabago. Walang taong perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali. Maging mapagpasensiya tayo sa kapwa. Kung walang sasabihing maganda ay mas mainam na itikom na lamang ang ating mga bibig at sarilinin ang masama nating iniisip sa kapwa. Hindi natin alam, baka balang-araw, kung sino pa iyong hinuhusgahan natin ay siya pa nating titingalain sa hinaharap.

Advertisement