Inday TrendingInday Trending
Pinaggigiitan ng Dalagita na Magkaroon ng Bagong Laptop Para sa Online Class, Bagay na ‘Di Maibigay ng Kaniyang Inay na Isang Tindera ng Gulay; Hanggang sa Makaisip Siya ng Paraan kung Paano Magkakaroon Nito

Pinaggigiitan ng Dalagita na Magkaroon ng Bagong Laptop Para sa Online Class, Bagay na ‘Di Maibigay ng Kaniyang Inay na Isang Tindera ng Gulay; Hanggang sa Makaisip Siya ng Paraan kung Paano Magkakaroon Nito

“Inay, anong gagawin natin, kailangan yata may laptop at internet para sa online class,” nakalabing sabi ni Maymay sa kaniyang inang si Aling Agnes. Si Aling Agnes ay tindera ng gulay sa palengke.

“Naku, anak… wala kasi tayong pambili ng laptop at internet. Dinig ko sa mga kasama ko sa palengke, puwede naman daw ang module, yung may kukuha na lang mga gagamitin mo sa paaralan. Kaya ko naman kunin,” sabi ni Aling Agnes sa dalagitang anak na nasa Grade 9.

“Nakakahiya naman! Lahat ng mga kaklase ko kahit mahirap sila, online class ang pinili nila. Ako lang maiiba. Ayoko. Ano ba naman iyan…” nagmamaktol na sabi ni Maymay sa kaniyang kahabag-habag na ina.

“Sige, gagawan natin ng paraan anak. Iyang cellphone mo, baka puwede nang gamitin iyan,” sabi ni Aling Agnes.

“Inay naman eh… hindi kakayanin ng cellphone lang ang online class! Mabuti pa ang mga kaklase ko nagawan ng paraan ng mga magulang nila,” sumbat ni Maymay sa kaniyang ina. Parang kinurot ang puso ng kaawa-awang ina, na mag-isang binubuhay ang kaniyang kaisa-isang anak na dalaga. Matagal nang sumakabilang-buhay ang kaniyang mister dahil sa malubhang sakit.

Nang gabing iyon, hindi makatulog si Aling Agnes. Iniisip niya kung paano makakukuha ng sapat na pera upang makabili ng laptop para sa online class ng kaniyang anak. Hirap na hirap pa man din siyang magbenta sa palengke, lalo pa’t limitado lamang ang galawan ng lahat dahil sa pandemya.

Kinabukasan, sinadya ni Aling Agnes ang lahat ng kaniyang mga kakilala. Nagbabaka-sakaling makautang.

“Naku Agnes, iyan din ang nagpapasakit ng ulo namin ngayon ng mister ko. May desktop na kami, ang problema namin, dahil apat ang anak ko, namomroblema ako ngayon kung paano sila maghahati-hati,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Naku Agnes, heto nga’t kauutang ko lang din sa bumbay. Kailangan din namin ng internet connection. May luma kaming laptop, yung internet naman ang kailangan.”

Katwiran naman ng isa, “Napakaarte naman kasi ng anak mo, puwede namang modular! Ang mga anak ko, module na lang, ganoon din naman iyon. Kaya lang ang problema ko naman, hindi ako tapos ng pag-aaral. Paano kapag nagtanong sila sa mga leksyon? Diyos ko, wala akong maisasagot.”

Desperado na si Aling Agnes. Pagkauwi sa bahay, masaya siyang sinalubong ni Maymay. Nakita niyang tambak ang mga hugasin, at nakahawak lamang sa kaniyang cellphone ang anak.

“Nay, may pambili na tayo ng laptop ko?” sabik na tanong ni Maymay.

“Anak… wala pa, eh kailangan din ng pera ng mga napagtanungan ko. Mahirap ang pera ngayon, anak. Mag-module ka na lang kaya?” pangungumbinsi ni Aling Agnes sa anak.

Nagdabog at nagmaktol si Maymay.

“Bakit hindi kayo mangutang sa bumbay o kaya sa dati ninyong pinagkakautangan? Hindi ba sabi mo gusto mo kong makatapos ng pag-aaral? Paano ako makakatapos niyan kung hindi mo ko kayang pag-aralin!” tungayaw ni Maymay.

“Gagawan ko ng paraan, anak. Maghintay ka lang. Naantala naman ang pagbubukas ng mga klase. May sapat na panahon pa,” sabi ni Aling Agnes.

Hindi na nga huminto ang kaawa-awang ginang sa paghahanap ng mauutangan o mahihiraman ng laptop o desktop para sa kaniyang anak, subalit wala talagang gustong magpautang sa kaniya. Nahihiya naman siyang lapitan ang kaniyang mga nautangan na noon dahil hindi pa siya nakakabayad.

Pagkauwi niya ng bahay, nagitla ang ginang sa kaniyang nasaksihan: naabutan niyang hubo’t hubad si Maymay at ipinakikita nito sa ka-chat na lalaki, na mukhang mas matanda pa kay Aling Agnes, ang maseselang bahagi ng kaniyang katawan. Pulang-pula ang mukha ni Maymay. Hiyang-hiya siya sa kaniyang ginawa.

“Anak… anong ginagawa mo? Bakit mo ipinakikita sa mamang iyon ang katawan mo? Bakit ka nagkakaganiyan?” lumuluhang untag ni Aling Agnes.

“Dahil sa inyo, Inay! Dahil sa inyo! Hindi mo kayang ibigay sa akin ang buhay na ipinangako ng Itay noon! Noong nabubuhay pa si Itay, lahat ng gusto ko ay ibinibigay niya. Hindi tayo namomroblema sa pera. Pero simula nang mawala siya, wala na… hindi ko na alam ang mangyayari! Sana ikaw na lang ang nawala! Sana ikaw na lang!” sumbat ni Maymay sa kaniyang ina.

Mabilis na umigkas ang kanang kamay sa kaliwang pisngi ng anak. Napahawak sa kaniyang namumulang psingi si Maymay.

“Huwag na huwag na huwag mong sasabihin sa akin iyan, Marietta! Alam ng Diyos kung paano ko ginagawang umaga ang gabi para lamang mabuhay ka! Halos hindi na ako nagpapahinga, halos hindi ko na nga makita ang sarili kong mukha! Tapos ganiyan lang ang sasabihin mo sa akin? Wala kang kuwentang anak!” hindi na napigilan ng ina ang pagbalong ng mga luha sa kaniyang mga mata. Pumasok siya sa kaniyang silid at ibinuhos ang sama ng loob sa kaniyang anak.

“Saan ba ako nagkamali, Arnulfo? Saan ba ako nagkamali sa pagpapalaki ng anak natin? Baka tama siya, baka dapat ako na lamang ang nawala at hindi ikaw,” tila kaharap lamang na kinausap ni Aling Agnes ang asawa. Hawak niya ang picture frame na kinalalagyan ng dati nilang larawan noong magkasintahan pa lamang sila.

“I-Inay… sorry po. Hindi ko po sinasadya ang mga nasabi ko po kanina. Patawarin po ninyo ako. Patawad po sa paraang naisip ko para matulungan ko kayo. Mahal na mahal ko po kayo,” lumuluha si Maymay na humingi ng tawad sa kaniyang ina. Nagyakap ang mag-ina.

Pumayag na rin si Maymay na mag-module. Hindi na niya inintindi ang sasabihin o iisipin ng kaniyang mga kaklase. Ang mahalaga, hindi na mahirapan ang kaniyang Inay.

Advertisement