Inday TrendingInday Trending
Panloloko ng Ibang Tao ang Modus ng Mag-asawang Ito; Mararanasan Nila ang Ganti ng Tadhana

Panloloko ng Ibang Tao ang Modus ng Mag-asawang Ito; Mararanasan Nila ang Ganti ng Tadhana

“Aaaaaaaay! Malakas na tinig ang bumalingawngaw sa kalagitnaan ng hatinggabi nang matanggap na ni Lyn ang mensahe ng pulis na handa na raw silang bayaran ng may-ari ng tindahan matapos nila itong malinlang na nasira ang kanilang tiyan sa biniling pagkain mula roon.

Tagumpay na naman sila sa kanilang modus na panlilinlang. Halos libutin na nila ang buong Luzon sa paggawa ng ganitong gawain. Humahanap sila ng kahit na anong expired na pagkain sa isang convenience store at bibilhin iyon ng sadya. Ilang araw lamang ay pupunta sila ng ospital upang ireklamo na sumasakit ang kanilang tiyan dahil sa kinain na expired na pagkain. Kung hindi sila mababayaran, ay makukulong ang may-ari at mappasara ang tindahan. Kaya naman, napakaraming tindera ang kanilang naloloko. Ang kanilang paborito, ay mga matatanda na halos walang kalaban-laban.

“At dahil diyan! Babiyahe tayo papuntang Baguio! Maraming tindahan doon at sigurado akong makakarami tayo!” masiglang tinig naman ng asawa niyang si Roy.

Hindi kasal ang dalawa subalit ilang taon na rin silang nagsasama. Isang taon na nilang ginagawa ang ganitong gawain at sa hindi mabilang na pagkakataon na iyon, nagiging matagumpay sila. Nakakakuha sila sa isang raket lamang ng higit kumulang singkwenta mil hanggang isang daang libong piso. Kung kaya talaga namang tiba-tiba sila sa kanilang negosyo. Ang alam lamang ng marami ay sa isang travel agency nagtatrabaho ang dalawa dahil nga parati silang umaalis subalit ito’y ilan lamang sa napakarami nilang kasinungalingan.

“Ita-transfer na raw sa bank account natin bukas iyong pera, mahal. Hmm. Ano’ng gusto mong bilhin?” malambing na alok ni Lyn habang ang dalawa’y magkatabi at nakahiga sa kama ng ospital kung saan sila naroon.

“Hmm… Kotse! Please. Please. Please! Gusto ko na ng bagong kotse!” masiglang hiling ni Roy at dahil malaki-laki ang nakuha nila ngayon, agad namang pumayag si Lyn.

Pagkalipas lamang ng dalawang linggo, nagtungo ang dalawa sa Bagiuo tulad ng kanilang plano. Gamit-gamit na rin nila ang bago at talaga namang mamahaling sasakyan na bagong bili lamang. Gumala na rin sila kung saan saan at gumastos nang malaki sa kanilang mga luho.

Napatigil sila sa isang convenience store na mukhang matagal nang nakatayo sa may tawiran sa mismong lungsod. Ito na nga ang nais nilang puntiryahin dahil marami malamang pera ang may-ari ng tindahang iyon! Nagkunwari ang dalawa bilang mga turista sa lugar subalit lahat ay nakaplano na. Hinihintay na lamang ang araw ng kanilang paggawa ng plano.

Dumating na nga ang araw na iyon. Sinigurado ng dalawa na walang magdududa sa kanila. Handa na ang lahat pati na ang numero ng pulis na kanilang pagsusumbongan ng report. Naunang pumasok sa loob tindahan ang babae habang iginagarahe naman ni Roy ang kanilang sasakyan.

“’Wag na lang kaya, Roy,” dismayadong mukha ni Lyn pagkalabas ng tindahan. Habang ng mga pagkakataong iyon naman, ay kakababa lamang ng lalaki sa sasakyan.

“H-ha? Anong ‘wag ka diyan? Baliw ka ba nandito na tayo oh? Tara na!” pagpupumilit naman ni Roy sa nobya.

Nagkaroon ng pagdadalawang-isip si Lyn ng mga oras na iyon dahil pagpasok niya sa tindahan, dalawang matanda ang nagmamay-ari nito. Subalit dahil ganoon naman talaga ang kanilang pinagkakakitaan, sinamantala na lang nila ang pagkakataong iyon upang gawing dahilan ang pagkalabo ng mata o panghihinga mga ito upang magtapon ng mga expired na pagkain.

Lahat ay naayon sa kanilang plano. Nakahanap nga sila ng isang pagkain, isang chichirya na expired at bumili sila nang napakarami nito upang hindi mahalata. Itinago ang resibo, ipinakita ang transaksiyon sa CCTV camera, at kunwaring nag-uusap ang dalawa. Ang lahat ng ito ay natapos lamang ng tatlumpu’t tatlong minuto.

Umuwi na ang mag-asawa sa kanilang tinitigilang hotel sa may malapit. Habang nasa daan pa lamang, itinapon nila ang lamang ng chichirya at itinago ang balat ng isang piraso na expired na.

Kinabukasan, halos hindi pa sumisikat ang araw, alingawngaw naman ng ambulansiya ang narinig sa may ‘di kalayuan. Hudyat na iyon ng pagkukunwari naman ng babae na sumasakit ang kaniyang tiyan kahit na hindi naman. Habang nasa ospital si Lyn, si Roy naman ay abalang pumunta mismo sa police station para ireklamo ang may-ari ng tindahan na iyon.

Nakangiti nang halos sagad sa kaniyang tenga ang lalaki ng siya’y makalabas sa istasyon ng mga pulis. Aniya, “nangangamoy pera na naman ito!” At saka muli siyang bumalik sa piling ng kaniyang mahal na si Lyn.

Masaya naman siyang ibinalita iyon kay Lyn. Sa tuwing may pupunta sa kwartong iyon, namimilipit kunwari sa sakit ng tiyan ang babae. Nanghihina at kung minsan pa nga’y dinadaing ang pagkahilo’t pananakit ng katawan.

Araw na lamang ang inaantay at nagkukwentuhan ang dalawa sa mga nais nilang gawin at bilhin muli sa pagkakataong ibigay na sa kanila ang pera mula sa may-ari. Lahat kasi ay masyado naging madali para sa kanila. Tunay ngang eksperto na sila sa ganitong gawain! At ang tanging ikinasasaya nila sa tuwina, ay ang pagkuha ng napakalaking halaga ng wala halos ginagawa.

Isang araw, muling nagsaya ang dalawa dahil wika ng mga pulis, darating na sila kasa-kasama ang may-ari ng tindahan upang iabot mismo ang pera pati na paumanhin sa kanila. Hindi matawaran ang ngiti sa mga labi ng dalawa! Naghanda sila nang mabuti at wari bang lungkot na lungkot at hinang-hina sila.

Pumasok ang mga pulis na ganoon ang nadatnan. Paubo-ubo pa nga ang babae ngunit sa loob-loob niya, sabik na siyang makakita muli ng limpak-limpak na salapi. Ilang sandali pa, nanlaki ang mga mata ng dalawa at nagpanik sa mga salitang sinabi ng pulis.

“Mr. Roy Velasquez and Ms. Analyn Gomez, inaaresto ho namin kayo dahil sa ‘di mabilang na panloloko ninyo sa mga tinder sa halos lahat na ng siyudad. Inimbestigahan po naming ang lahat ng ito sa utos ng may-ari ng tindahan na si Mayor Ferdie. Sa presinto na lang po kayo magpaliwanag,” sabi ng pulis.

Binitbit ng mga pulis ang dalawa at nahaharap sila sa patong-patong na kaso dahil sa kanilang mga nagawa na rin noong nakalipas na taon. Sa kulungan, doon nila tuluyang naisip na hindi talaga kailanman daan ang panloloko ng kapwa dahil darating ang panahon, tayo rin ang babalikan ng karma.

Advertisement