Inday TrendingInday Trending
Nagsasawa na ang Bata sa Pagtatago sa Kaniya ng Ina sa Ilalim ng Kumot Kaya Naglayas Ito at Sumama sa Ama; Makalipas ang Ilang Taon ay Malalaman Niya ang Tunay na Dahilan

Nagsasawa na ang Bata sa Pagtatago sa Kaniya ng Ina sa Ilalim ng Kumot Kaya Naglayas Ito at Sumama sa Ama; Makalipas ang Ilang Taon ay Malalaman Niya ang Tunay na Dahilan

“’Nay, bakit ko po ba kailangang magtago sa ilalim ng kumot? Sino po ba ang kailangan nating pagtaguan?” pagtataka ng anim na taong gulang si Alzen.

“Basta magtago ka na lamang, anak. Ayokong pati ikaw ay makita nila. Kinuha na nila ang kapatid mo sa atin. Ayokong maging ikaw ay kuhain din nila,” saad ng inang si Aling Aida.

Madalas ay ganito ang tagpo sa maliit na silid na tinutuluyan ng mag-inang Alzen at Aida. Dalawang taon pa lamang noon si Alzen nang mawala ang kapatid niyang si Alma. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito nakikita. Madalas na sabihin ng ina na wala na ito at sumakabilang buhay na.

“Huwag kang lalabas sa pagkakatago mo sa kumot, Alzen, hanggang hindi sinasabi ng nanay. Huwag kang lalabas sa silid na ito. Gagawin ko ang lahat upang iligaw sila. Hinding-hindi ako makakapayag na pati ikaw ay makuha nila sa akin,” sambit muli ng ina.

Hindi lubusang maintindihan ni Alzen kung sino ba ang tinutukoy ng kaniyang ina. Kung sino ba ang mga taong nais siyang ilayo sa kaniyang nanay. Ang tanging naiisip lamang niya ay ang kaniyang ama at ang pamilya nito.

Narinig kasi niya na may kausap ang ina sa telepono at alam niyang ito ang kaniyang ama. Todo sa pagtanggi ang kaniyang ina noon na bigyan ng pagkakataon ang ama upang makita si Alzen.

“Ngayon mo gustong magpakaama sa anak ko? Nasaan ka nung mga panahong mas kailangan ka ng mga anak natin?” sigaw ng ina. “Huwag na huwag kang magpapakita sa amin dahil noong umalis ka ay tinapos mo na rin ang pagiging ama mo sa mga anak ko!” dagdag pa ng ina.

Ngunit hindi maitanggi ni Alzen na may parte sa kaniyang puso na nais pa rin niyang makilala at makasama ang tunay niyang ama.

Nakatulog na si Alzen sa pagtatago sa ilalim ng kumot. Kinaumagahan ay nagising na lamang siya na naghahanda ng pagkain ang kaniyang ina. Bakas sa mga ngiti nito ang saya nang makita ang anak na gumising na ngunit bakas din sa mga mata nito na hindi siya masyadong nakatulog.

“P’wede po ba akong sumama sa inyo ngayon sa pangangalakal, ‘nay?” tanong ni Alzen sa ina.

“Ikaw ang bahala pero baka mainitan ka lang. Dito ka na lang kaya sa bahay at hintayin ako? Maaga akong uuwi,” tugon ng ina.

“Natatakot po kasi ako mag-isa, ‘nay. Lalo na po kapag sinasabi niyo sa akin na may mga taong pilit po akong kinukuha sa inyo,” pag-amin ng bata.

“Huwag mong intindihin ang mga iyon, anak. Basta pangako ko sa iyo ay gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka,” wika ng ina.

“Puwede po ba akong magtanong, ‘nay? At sa pagkakataon po ba na ito puwedeng sabihin niyo na rin po ang totoo sa akin?” nakayukong sambit ng bata.

“Si tatay po ba ang tinutukoy ninyo sa kukuha sa akin?” pagpapatuloy ng bata.

Matagal na katahimikan ang bumalot sa silid bago nakasagot si Aida.

“Huwag na nating pag-usapan, anak. Basta sumunod ka na lamang sa akin,” saad ng ginang.

Gabi na at kumakalam na ang sikmura ni Alzen sa gutom ngunit hindi pa rin dumadating ang kaniyang ina. Ilang oras na siyang naghihintay hanggang malalim na ang gabi at natatarantang umuwi na naman si Aida.

“Anak, magtago ka sa ilalim ng kumot. Huwag kang lalabas hanggang hindi ko sinasabi. Ngayon na!” sigaw ng ina. Agad naman itong sinunod ng takot na takot na bata.

Tulad ng mga nakaraang araw ay nakakatulugan na nito ang pagtatago sa ilalim ng kumot. Naiinis na rin siya sa kaniyang ina na pilit siyang itinatago sa kaniyang ama. Nang makita ni Alzen ang telepono ng ina ay agad niyang tinawagan ang numero ng ama at saka nakipagkita. Doon ay tuluyan na siyang sumama sa kaniyang ama dahil hindi na niya matitiis pa ang pagsisinungaling sa kaniya ng ina.

Binigyan si Alzen ng kaniyang ama ng magandang buhay. Pinag-aral siya at binihisan. Hindi na siya kailanman nagutom at higit sa lahat ay hindi na niya kailangan indahin ang paglayo sa kaniya ng kaniyang ina sa sarili niyang ama.

Hindi na bumalik pa kahit kailan si Alzen sa kaniyang ina. Ngunit isang araw ay napagtanto ng dalaga kung ano na kaya ang tunay na nangyari sa kaniyang ina.

Bumalik siya sa dating tinitirhan at doon ay nalaman niyang matagal nang wala doon ang kaniyang ina.

“Simula nang umalis ka ay tuluyan nang nawala sa sariling bait ang iyong ina,” saad ni Beth, matalik na kaibigan ni Aida. “Isang araw ay tumalon na lamang siya sa ilog at tinapos ang sariling buhay.” pagapatuloy nito.

“Kasalanan naman po niya kung bakit ko siya iniwan,” sambit ng dalaga. “Ni hindi niya ako pinapalabas. Madalas ay iwan niya ako sa bahay. Maraming gabi na hinihintay ko siya ngunit darating siya at kailangan kong magtago sa kumot. Ayaw niya akong ibigay sa tatay ko. Madamot siya! Sabi niya ay nagagawa lang nya iyon para protektahan ako. Pero tingnan niyo naman ang magandang buhay na naibigay sa akin ng tatay ko!” dagdag pa ni Alzen.

“Alzen, hindi sa tatay mo ikaw prinoprotekhan ng nanay mo. Ginagawa niya iyon dahil gusto ka niyang protektahan mula sa kaniyang sarili!” pagsiwalat ng ginang.

“A-ano pong ibig niyong sabihin na sa sarili nya?” pagtataka ng dalaga.

“Mahal na mahal ng nanay mo ang tatay mo. Isinuko niya ang lahat para lang sa tatay mo. Nang nakaramdaman ng konting ginahawa ang ama mo ay pinagpalit niya ang nanay mo sa iba’t ibang babae. Pilit siyang pinapatawad ng nanay mo hanggang isang araw ay may iniuwi na lamang ang ama mo na ibang babae sa bahay,” pahayag ni Beth.

“Pilit ng ama mong ginawang katulong ang iyong ina sa sarili nitong pamamahay. Ginugulpi niya ito. Hanggang sa hindi na nakayanan ng nanay mo ang ginagawa ng tatay mo at iniwan kayo. Ngunit nang gabi na umalis kayo ay nadisgrasya kayo at nakit*l ang buhay ng panganay mong kapatid. Nagkaroon ng depresyon ang nanay mo ngunit pilit niyang nilalabanan para sa iyo,” patuloy ng ginang.

“Hanggang sa sabi niya sa akin ay may naririnig na siyang mga boses at nais kang gawan ng masama. May mga nakikita na siyang mga bagay at mga taong hindi niya alam kung totoo ba at binubulungan daw siya ng mga ito na gawan ka ng masama. Kaya gusto ka niyang protektahan. Inisip na rin niya na tuluyan ka nang ibigay sa iyong ama ngunit nang umalis ka ay akala niya’y tuluyan kang kinuha ng mga boses at nilalang sa kaniyang isipan. Doon ay bumigay na siya,” pagtatapos ng ginang.

Hindi lubusang makapaniwala si Alzen sa kaniyang narinig. Nilalabanan pala ng kaniyang ina ang pagkabaliw nang mag-isa. Lubusan siyang nanlumo nang mapagtanto niyang sa loob ng maraming taon na umalis siya sa ina ay mag-isa na lamang nito nilabanan ang sakit sapag-iisip hanggang hindi na nito kinaya dahil wala nang dahilan para lumaban pa.

Iyak nang iyak si Alzen sa kaniyang pagsisisi. Nais man sana niyang ibalik ang panahon at tulungan ang ina ay hindi na niya magagawa sapagkat huli na ang lahat.

Advertisement