Inday TrendingInday Trending
Inggit ang Ginang Sapagkat Hindi Malambing ang Kaniyang Asawa; Isang Araw ay Mapapatunayan Niyang Swerte Pa Rin Siya

Inggit ang Ginang Sapagkat Hindi Malambing ang Kaniyang Asawa; Isang Araw ay Mapapatunayan Niyang Swerte Pa Rin Siya

Tuwing huwebes ay lumalabas at nagkikita ang magkakaibigang Lisa, Sandra at Haydee. Nakagawian na nila ito simula pa noong sila ay nasa kolehiyo pa at pawang mga dalaga. Nangako ang matatalik na magkaibigan na kahit na magsipag–asawa sila ay gagawin nila ang nakaugalian niyang pagkikita-kita.

“Nakaka-stress din kapag lagi ka lang nasa bahay. Buti na lamang at may isang araw tayo para sa sarili natin na magkita-kita at kalimutan ang lahat ng mga gawain,” natatawang saad ni Lisa sa kaniyang mga kaibigan.

“Tama ka riyan! Mabuti na lamang at naiintindihan ng mga asawa natin na kailangan din natin ng panahon para sa sarili natin. Kung hindi, sige sila, papanget tayo!” pabirong tugon ni Sandra.

Sa kanilang tatlo ay tanging si Haydee lamang ang pinakasimple ang buhay. Sina Lisa at Sandra kasi ay pawang nakapangasawa ng nakakaangat sa buhay. Ang asawa ni Lisa ay isang arkitekto habang isang doktor naman ang asawa ni Sandra. Isang simpleng empleyado lamang ang asawa ni Haydee ngunit hindi naman sila ganoon din kahirap.

“Noong isang araw, alam mo ba, sinupresa ako ng asawa ko! Binigyan niya ako nito!” pagmamalaki ni Lisa habang ipinapakita niya ang bagong dyamanteng hikaw na nakasabit sa kaniyang mga tainga.

Namangha ang dalawa sa ganda ng alahas.

“Hindi ko rin alam kung bakit niya ako binigyan nito. Hindi naman namin anibersaryo, hindi ko rin naman kaarawan, basta nakita lang daw niya at binilhan niya ako!” kinikilig pa nitong kwento.

“Naku, nakakatuwa naman ang asawa mo. Ang asawa ko rin. Isang linggo kasi siyang mawawala dahil sa pagpupulong ng mga doktor na gagawin sa ibang bansa. Pero bago ‘yon, hindi daw siya papasok ng dalawang araw para makapagbakasyon kami at magsolo. Hindi na nga ako makapaghintay sa darating na sabado!” pagmamalaki naman ni Sandra.

“Hay, mabuti pa kayong dalawa. Napakalalambing ng mga asawa nyo. Si Roger, ni wala man lamang akong natatanggap kahit isang bulaklak sa araw ng anibersaryo namin!” reklamo ni Haydee.

“Minsan nga naiinggit na talaga ako sa inyong dalawa. Ano kaya ang pakiramdam ng asawang malambing. ‘Yung tipong laging may surpresa sa iyo,” dagdag pa ng ginang.

“Huwag ka na ngang malungkot diyan. Baka hindi lang talaga ganoon ang asawa mo,” saad ni Lisa.

“O hindi naman kaya ay hindi ka rin malambing sa asawa mo, Haydee. Minsan ay talikuran mo muna ang mga gawaing bahay at pakita mo sa kaniya ang lambing na hinahanap niya!” natatawang payo ni Sandra sa kaibigan.

Ngunit kahit pa ano ang gawin ni Haydee sa kaniyang asawa ay tila wala nang pag-asa na maging malambing ito. Madalang nga rin kung sabihin nito sa kaniya na mahal siya nito. Kung hindi pa ata mauuna ang ginang ay hindi din siya sasabihan ng asawa ng mga katagang gusto niyang marinig.

Minsan na rin niyang kinausap ang asawa hinggil dito.

“Kung patuloy na makakaramdam ka ng inggit sa mga kaibigan mo ay mas mabuti pang huwag na lamang kayo umalis tuwing huwebes,” saad ni Roger sa kaniyang misis.

“Hindi naman sa ganoon, Roger. Ang sinasabi ko lang ay sana naman kahit papaano ay makaramdam ako ng lambing at pagmamahal mula sa iyo,” daing ni Haydee.

“Ganito mo na ako nakilala, Haydee. Saka hindi napipilit ang paglalambing kusa itong ibinibigay. Pero ikinalulungkot ko nang sabihin mo na hindi mo nararamdaman na mahal kita,” tugon ni Roger.

Upang hindi na mauwi sa pagtatalo ang kanilang usapan ay pilit na lamang inintindi ni Roger ang kaniyang misis.

“Patawarin mo ako kung ganito lamang ako. Pero sana naman ay huwag mong pagdudahan ang pagmamahal ko sa pamilyang ito. Lalo na sa iyo,” saad ng mister.

Doon ay kumalma na si Haydee. Ngunit madalas ay naiisip pa rin niya kung ano kaya ang pakiramdamn kung mararanasan din niya ang mga nararanasan ng dalawa pa niyang kaibigan.

Nang sumunod na linggo ay sumama si Haydee sa isang pagtitipon sa opisina ni Roger. Ginanap ito sa isang mamahaling restawran. Hindi sinasadya ay nakita niya ang asawang arkitekto ni Lisa na may kasamang ibang babae.

Sa kilos ng mga ito ay hindi mapagkakaila na may relasyon ang dalawa. Nabigla na lamang si Haydee ng inilabas ng lalaki ang isang kahon ng alahas. Tila kaparehas ito ng hikaw rin na ibinigay sa kaniyang kaibigang si Lisa.

“Kaya naman pala! May ginagawa palang kababalaghan ang lalaking ito!” saad niya sa isipan. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa kaniyang matalik na kaibigan kaya kinuhaan na lamang niya ito ng larawan at bidyo.

Nang huwebes ay muli silang nagkita-kita. Umiiyak si Sandra sapagkat nahuli daw niya na ang kaniyang asawa ay wala talaga sa pagpupulong nang mga doktor sa ibang bansa kung hindi nasa piling ng kalaguyo nito. Ang matindi pa doon ay nalaman niya ang bagay na ito mismo sa kalaguyong mister. Walang ginawa si Sandra kung hindi umiyak sa dalawang kaibigan.

Doon ay sinabi na rin ni Haydee kay Lisa ang kaniyang nakita. Lubusan ang galit ni Lisa sa kaniyang asawa na gumagawa din ng milagro.

“Walang hiya sila!” sambit ni Lisa. “Kaya pala ibinibigay ang lahat kasi may pinagtatakpan!” dagdag pa nito.

Dito ay napagtanto ni Haydee kung gaano pa rin siya kaswerte sa kaniyang asawa. Kahit na hindi ito ganoong nakakariwasa sa buhay ay naisip niya ang pagsisikap nito para sa kanilang pamilya. Hindi man siya binigyan nito ng bulaklak noong araw ng kanilang anibersaryo o kahit ano mang mamahaling regalo ay hindi ito nakalimot. Agad siyang binati nito at ipinaghanda ng pagkain. Buong araw din na siya ang gumawa ng gawing bahay at nag-alaga sa mga bata.

Ito ang mga simpleng bagay na nakapagpangiti ng puso ng ginang. Hindi nga malambing ang kaniyang asawa ngunit napaka swerte niya dahil kahit kailan ay siya lamang ang minahal nito ng lubusan.

Advertisement