Inday TrendingInday Trending
Bigla na Lamang Naghiwalay ang Magkasintahan nang Walang Paalam; Nang Magkita Sila sa Loob nang Mahabang Panahon ay may Muling Magbabalik

Bigla na Lamang Naghiwalay ang Magkasintahan nang Walang Paalam; Nang Magkita Sila sa Loob nang Mahabang Panahon ay may Muling Magbabalik

“Ben, ayokong ilayo ako ng mga magulang ko sa iyo. Ayokong ikasal kay Lance. Hindi sila ang dapat masunod sa nararamdaman ko,” saad ni Lindsey sa kaniyang kasintahan.

“Hindi ko rin hahayaan, Lindsey na ilayo ka nila sa akin. Bukas ng hatinggabi ay magkita tayo sa parke. Magtanan tayo. Iuuwi kita sa probinsiya namin. Doon ay hindi na tayo matatagpuan ng mga magulang mo,” saad ni Ben.

Agad na pumayag si Lindsey sa plano ng kaniyang nobyo. Ilang araw na lamang kasi ay pilit na ipapakasal ni Lindsey sa anak ng isang mayamang negosyante. Sa pamamagitan kasi nito ay makakabawi sa pagkakalugi ang kanilang pamilya.

Mariin kasi ang pagtutol ng mga magulang ni Lindsey sa pagmamahalan nila ni Ben. Hindi kasi sila pareho ng antas sa buhay. Isang trabahador lamang si Ben sa isang construction site at tubong probinsya. Ngunit tila baliw na baliw ang dalawang ito sa kanilang pagmamahalan. Nais ng dalawa na magsama na at talikuran ang anumang plano ng mga magulang ni Lindsey.

Agad naghanda ng gamit si Lindsey para sa kanilang pagtatanan. Nang alam niyang wala ng makakakita sa kaniya ay agad niyang nilisan ang bahay at nagpunta sa lugar na kanilang tagpuan. Dumating ang oras na kanilang itinakda at lubusang nasasabik na ang dalaga na makita ang kaniyang minamahal. Ngunit halos sikatan na siya ng araw ay walang Ben na dumating.

Isang sulat ang natanggap niya mula sa isang bata. Nakasaad doon na hindi na makakarating si Ben sapagkat napagtanto niya na hindi niya kaya ang responsibilidad kay Lindsey. Hindi niya kayang ibigay ang buhay na nakasanayan nito. Lubusan itong ikinabigo ng puso ng dalaga.

Pag-uwi niya ng bahay ay agad siyang sinalubong ng mga magulang.

“Sa tingin mo ba ay pananagutan ka talaga ng lalaking iyon? Umuwi na tayo sa bahay, anak. Hindi na siya darating. Hindi siya ang nararapat para sa iyo, anak. Kailangan mo nang tanggapin ang tadhana ninyong dalawa,” wika ng ina.

Dahil sa nangyari ay napilitan si Lindsey na magpakasal na lamang sa mayamang si Lance. Naging mabuti namang asawa ang ginoo sa kaniya at nagkaroon sila ng dalawang anak. Magandang buhay ang kaniyang natamo sa lalaki at dahil sa kabaitan ni Lance ay unti-unti na din niya itong natutunang mahalin.

Pero hindi pa rin niya maitanggi sa kaniyang sarili na paminsan-minsa’y naiisip pa rin niya si Ben at ang dati nilang masayang relasyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubusang maintindihan kung bakit sa huling sandali ay umatras na lamang ito sa kanilang itinakdang plano.

Ngunit sa tuwing titignan niya ang kaniyang asawa ay naaalala niya ang lahat ng pasakit na kailangan niyang pagdaanan upang makalimutan ang masakit na ginawa ng dating nobyo. At tanging si Lance lamang ang handang magbigay sa kaniya ng wagas na pag-ibig.

Kaya sa tuwinang maiisip niya si Ben ay itinutuon na lamang niya ang kaniyang pansin sa asawa.

Makalipas ang dalawamput isang taong pagsasama ay bigla na lamang ginupo ng sakit itong si Lance. Naratay ito sa isang matinding karamdaman.

“Lindsey, alam mo bang ikaw lang ang babaeng minahal ko?” sambit ni Lance. Ngumiti lamang si Lindsey habang batid pa rin sa kaniyang mga mata ang lumbay na makita sa ganitong sitwasyon ang asawa.

“Alam kong mahal mo ako, Lindsey. Pero alam ko rin na mula pa noon ay may kahati na ako sa iyong puso. Ramdam ko na naging tapat ka sa akin. Ngunit ramdam ko rin ang mga bumabagabag sa damdamin mo,” saad ng mister.

“Alam kong hindi na ako magtatagal. At sa pagkakataong ito ay nais kong tuluyan kang maging maligaya. Hanapin mo siya at hanapin mo ang sagot sa bawat tanong mo. Mahal kita at kung ito lang ang paraan para tuluyang mapayapa ang isipan mo ay gawin mo,” dagdag pa ni Lance.

Hindi na napigilan pa ni Lindsey ang pag-agos ng kaniyang luha sapagkat hanggang sa huling pagkakataon ay pagmamahal pa rin ang pinairal ng kaniyang mister.

Ilang taon ang lumipas at tila inadya ng panahon, nagkita muli sina Lindsey at Ben. Sa pagkakataong ito ay hindi na pnalagpas ni Lindsey na malaman ang lahat ng katotohanan mula sa dating kasintahan.

“Napakasakit sa akin na hindi mo ako sinipot, Ben. Handa akong ibigay ang lahat sa’yo. Handa akong isuko ang lahat kahit na pamilya ko para lang sa pag-iibigan natin. Pero binigo mo ako,” malungkot na pahayag ni Lindsey.

“Kinausap ako ng mga magulang mo, Lindsey. Hindi ko kayang ipagkait ang magandang buhay na kayang ibigay sa iyo ni Lance. Hindi ko kayang ipagkait ang buhay na nararapat sa’yo,” tugon ng ginoo.

“Pero handa ako na isuko lahat ng iyon para lang makasama ka! Bakit hindi ka man lamang sumipot. Hindi ka man lamang nagpaliwanag. Hindi sana ay napatunayan ko sa’yo na kaya ko. Kakayanin ko!” wika muli ng dating nobya.

“Dumating ako, Lindsey. Napagtanto ko na mali ang ginawa ko sa’yo kaya agad akong nagtungo sa parke. Ngunit hindi na kita naabutan. Sa loob ng mahabang taon, Lindsey, walang araw na hndi ako nagtungo sa lugar na ito. Nagbabakasali na isang araw ay dumating ang panahon na ito na makakausap kitang muli,” paliwanag ni Ben.

Lubusan itong ikinagulat ni Lindsey. Hindi man niya magawang maniwala kaagad ay nagulat din siya nang malamang kahit kailan pala ay hindi na nagawa pa ni Ben na mag-asawa. Inilaan na lamang niya ang kaniyang buhay sa pagnenegosyo. Lubusan siyang nagpayaman nang sa gayon ay sa pagbabalik ni Lindsey sa kaniya ay maging karapat-dapat na siya.

Sa pagkakataong ito ay hindi na napigilan pa ng dalawa ang kanilang mga damdamin. Muling nagbalik sa kanila ang dating mga naudlot na nararamdaman. Tunay na nagawang mahalin ni Lindsey ang dating asawa ngunit hindi niya maitatanggi na sa loob ng mahabang panahon na iyon ay hindi pa rin tuluyang nawala ang kaniyang pag-ibig sa unang lalaking nagpatibok ng kaniyang puso.

Advertisement