Nagalit ang Dalaga sa Ate Niya Dahil Sa Sobrang Higpit Nito; Nagulat Siya nang Malaman ang Sikreto ng Kanilang mga Pagkatao
“Ano ba naman ‘yan Missy, lagi ka na lang hindi sumasama sa amin!” Irap ni AJ sa kaibigan na si Missy.
“Oo nga, Missy! Nung birthday ni AJ hindi ka din nakapunta,” segunda naman ni Alyssa.
“Sorry na, alam niyo naman na mahigpit talaga ang ate ko, ‘di ba?”
“Oo, alam na alam namin! Grabe din kasi ‘yang ate mo, parang nanay mo kung umasta!” Inis naman ng komento ni AJ sa tinuran ng kaibigan.
“AJ! Si Ate Danica na ang tumayong magulang ni Missy simula nang mamat*y ang parents nila last year, kaya ‘wag mo siya pagsalitaan ng ganun,” seryosong saway ni Santi sa kaibigan.
Pinukol ni Missy ng maliit na ngiti ang boyfriend bilang pasasalamat. Hindi niya kasi maipagtanggol ang ate niya sa mga kaibigan. Minsan kasi ay nasasakal na siya sa pagiging mahigpit nito.
“Sorry.” Hinging paumanhin ni AJ. Ngunit alam niya na masama pa rin ang loob nito.
Namayani naman ang katahimikan sa pagitan ng magkakaibigan. Malungkot ang magkakaibigan dahil hindi na naman makakasama si Missy sa plano nilang isang linggong bakasyon sa bahay nila Santi sa probinsiya.
Masama ang loob ni Missy habang pauwi ng bahay. Gusto niyang komprontahin ang kapatid pero ayaw niya naman mag-away sila. Mahal na mahal niya ang nag-iisang kapatid niya subalit kung minsan ay talaga namang sumosobra na ito.
Mahigpit ang mga magulang nila. Kaya naman mula pagkabata ay sanay na sila sa istriktong pamamalakad ng mga ito.
Nang mam*tay ang mga ito, akala ni Missy kahit papaano ay makakaranas na siyang maging malaya.
Ngunit hindi. Mas mahigpit pa ang kapatid niya.
“Missy, halos alas siyete na, bakit ngayon ka lang?” Sita ng kapatid niya nang dumating siya sa bahay. Mukhang nagluluto ito.
Bahagyang nakaramdam ng pagrerebelde si Missy. “May tinapos lang sa school, ate.” Nagpipigil ng inis niyang sagot dito.
“Ano’ng tatapusin mo? E huling araw na ng pasok at bakasyon na?” Makulit na usisa nito.
Tuluyan nang sumabog ang inis ni Missy sa kapatid.
“Basta, ate! Ang dami mong tinatanong!” Pasigaw niyang sagot dito bago pumasok sa kanyang kwarto at ibinalibag ang pinto.
Nagulat naman si Danica sa inasta ng kapatid. Iyon ang unang beses na umasta ng ganun si Missy. Malapit ang loob nila sa isa’t isa kahit na labinlimang taon ang tanda niya rito.
Kaya naman nang gabing iyon, kinausap niya ito.
“Missy, may problema ka ba?” Mahinahon niyang tanong sa kapatid na tila nagmumukmok pa rin.
Mula sa pagkakahiga ay umupo si Missy sa kaniyang kama. Naisip niya na iyon na ang tamang oras para sabihin niya sa kapatid ang mga saloobin.
“Ate, masyado kang mahigpit sa akin. Minsan nasasakal na ako,” nakayukong pag-amin niya dito.
“Dahil ba ‘to sa hindi ko pagpayag ko na sumama ka magbakasyon sa boyfriend mo?” Narinig niyang tanong nito.
“Iyon ate, at madami pang iba. Mas mahigpit ka pa kay mama at papa,” umiiyak na kumpronta niya dito.
“Missy, bata ka pa at ayokong mapariwara ka sa pagsama sama mo diyan sa boyfriend mo.”
Nanlaki ang mata ni Missy sa sinabi ng ate niya. Hindi niya alam na ganun pala ang iniisip nito sa kanila ni Santi.
“Ate, mabait si Santi! Hindi siya kagaya ng iniisip mo!” Pagtatanggol niya sa kasintahan.
“Missy, ayoko lang na mapasama ka. Ginagawa ko ‘to para protektahan ka. Kung nabubuhay sila mama ay ito ang gusto niya gawin ko,” pilit na pagpapaunawa ni Danica sa kapatid.
“Wala kang karapatan! Hindi ikaw ang magulang ko! Kapatid lang kita!” Sigaw niya sa kapatid.
“Missy–”
Masama ang loob na tinalikuran ni Missy ang kapatid. Mukhang hindi naman ito handang pakinggan ang sinasabi niya.
Bago lumabas si ang kaniyang ate ay may sinabi ito. “Ayokong magaya ka sa akin, Missy. Ayokong danasin mo ang hirap na dinanas ko.”
Matinding palaisipan ito kay Missy. Hindi niya ni minsan nakita na nagdala ng boyfriend sa bahay nila ang ate niya. Hanggang ngayon nga, kahit nasa edad na ito para mag-asawa ay wala pa itong boyfriend.
Kinabukasan ay masama pa rin ang loob ni Missy sa ate niya.
“Punta lang ako sa mall, ate. Magkikita kami nila AJ bago sila umalis para magbakasyon next week.” Hindi niya na hinintay na sumagot ang kapatid at lumabas na siya ng bahay.
“May malapit na dagat sa bahay namin, pwedeng dun tayo tumambay! Masaya ‘yun!” Tuwang-tuwang balita ni Santi sa mga kaibigan.
Excited ang magkakaibigan sa kanilang bakasyon kaya naman wala na silang mapag-usapan, dahilan para mas lalo lang malungkot si Missy dahil hindi naman siya makakasama.
Kaya naman maaga siyang umuwi. Nagtaka siya nang may makitang sasakyan sa labas. Bihira kasi sila magkabisita sa bahay.
Inaasahan niyang may makitang bisita sa sala kaya naman nagtaka siya ng walang makitang tao doon. Kahit ang ate niya ay hindi niya nakita.
May narinig siyang mahihinang boses mula sa kwarto ng kaniyang ate.Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay may kabang bumundol sa kanyang dibdib.
Nakaawang ang pinto sa silid ng kaniyang ate. Nagulat siya sa nasaksihan – may lalaki sa kwarto ng kaniyang ate!
“Hindi na kailangan pang malaman ni Missy ang totoo, Greg!” Mariing giit ng kaniyang ate sa lalaking nagngangalang “Greg.”
“Bakit, Danica? Ang tagal niyong pinagkait sa akin na makilala ang anak ko! Wala na ang mga magulang mo, wala nang pipigil sa akin na makilala si Missy!”
“Greg, please… masaya na si Missy. Hayaan na lang natin na maging sikreto ang pagkatao niya. Ayokong madagdagan lang nito ang lamat sa relasyon namin,” pilit na pakiusap na Danica sa lalaki.
Si Missy naman ay hindi malaman kung paano ipo-proseso ang sikretong aksidente niyang natuklasan. Sa gulat ay nahila niya ang pinto pasara, dahilan para maalerto ang mga tao sa loob.
Segundo lamang ang lumipas at bumukas ang pinto.
“Missy!” Gulat na sigaw ng kaniyang ate. Sa likod nito ay ang ‘di kilalang lalaki na kausap ng ate niya.
“K-kanina ka pa diyan?” Kinakabahang tanong nito.
Tumango si Missy. Gusto niya ring malaman ang katotohanan.
“Halika dito, at may sasabihin ako sa’yo. Gusto kong makinig ka nang maigi para malaman mo ang buong katotohanan,” mahinahong sabi ng kanyang ate.
Nang makaupo silang tatlo ay nagsimula itong magkwento.
“Kinse anyos pa lang ako ng mabuntis ako ni Greg,” tukoy nito sa ‘di kilalang lalaki.
“Gusto nila mama na ipalaglag ko ang bata dahil isa daw iyong malaking kahihiyan pero hindi ko kayang gawin iyon sa sarili kong anak,” umiiyak na kwento ni Danica.
“Kaya sa kondisyon na hindi ako ang kikilalaning ina ng bata, itinuloy ko ang pagbubuntis. Pinaghiwalay din kami ni Greg, at nang mam*tay sila mama, nagbalik si Greg para sa anak namin.”
“Kaya ganun na lamang ang galit nila mama sa akin, hindi nila ako mapatawad dahil sa kahihiyan na inabot ko,” mahabang litanya ni Danica.
Alam ni Missy iyon, dahil napansin niya na malamig ang trato ng kanilang mga magulang sa kanyang ate nung nabubuhay pa ang mga ito.
Namayani ang katahimikan.
“Ikaw ang batang iyon, Missy.” Lumuluhang rebelasyon ng kinilala niyang ate, na ina niya pala.
Naluha naman si Missy, hindi niya inakala ang hirap na dinanas ng kaniyang ‘kapatid’ dahil sa kaniya.
“Kaya ganun na lamang ang pagprotekta ko sa’yo, Missy. Ayoko na mahirapan ka din kung sakaling magagaya ka sa akin na maagang nabuntis,” paliwanag nito.
Naunawaan naman ni Missy ito. Kaya pala ganun na lamang ang pagmamahal sa kaniya nito, simula pa noong bata pa siya.
“Sorry… Hindi ko alam na malaki pala ang sakripisyo mo sa akin. Sorry dahil hindi ko na-appreciate yung pag-aalaga mo sa akin,” umiiyak na humingi siya ng tawad dito.
“Mahal na mahal kita, Missy. Lahat ng ginagawa ko ay sa para sa ikabubuti mo.” Niyakap siya nito.
“Mahal na mahal din kita… mama.” Niyakap niya din ito ng mahigpit.
Lumakas ang hagulhol ni Danica. Masayang-masaya marinig na kinilala siyang ina ng pinakamamahal na anak.
Nakilala ni Missy ang kanyang ama na si Greg. Ipinadala pala ito ng magulang nito sa ibang bansa para hindi ito makalapit kay Danica.
Hindi man nakasama si Missy sa kaniyang mga kaibigan ng bakasyon na iyon, iyon pa din ang pinakamasaya para sa kaniya dahil kasama niya ang kaniyang buong pamilya.