Inday TrendingInday Trending
Tumawag ang Dating Kaklase ng Babae at Kinukuha Siyang Ninang ng Anak Nito; Pumayag Kaya Siya Kahit sa Una pa Lang, Humihingi na Ito ng Pakimkim?

Tumawag ang Dating Kaklase ng Babae at Kinukuha Siyang Ninang ng Anak Nito; Pumayag Kaya Siya Kahit sa Una pa Lang, Humihingi na Ito ng Pakimkim?

Isang ‘di inaasahang video call ang natanggap ni Aileen mula sa kaniyang dating kaklase sa high school na si Liezel. Matagal silang nawalan ng komunikasyon, kaya naman gulat na gulat siya nang biglang magpadala ito ng friend request sa kaniya sa Facegram. Nang tanggapin niya ito, bigla na lamang itong tumawag sa kaniya.

“Hello! Hello Liezel! Kumusta ka na, classmate?” nakangiting sabi ni Liezel.

“Uy, Liezel! Classmate! Heto maayos naman, may asawa’t mga anak na. Ikaw ba? It’s been a while,” tugon naman ni Aileen. Nakatutuwa ring makipag-catch up sa mga dating kaklase, lalo na sa panahon ng high school.

“Heto, dalagang ina! Kapapanganak ko pa lang kaya mukha akong haggard. Heto si Baby oh,” at ipinakita pa nito ang kalong na sanggol. Maamo ang mukha ng sanggol at mahimbing na natutulog.

“Wow! Ang cute naman ng anak mo? Sorry to know na solo parent ka. Anyway, kayang-kaya mo naman iyan! Isa ka sa may pinakamalalakas ang loob sa atin noon,” panunumbalik ng gunita ni Aileen sa kanilang kaklase.

Natatandaan niya, ito lagi ang pasimuno ng paggamit ng kodigo sa kanila. Kailanman, hindi ito nahuli ng kanilang guro. Mahusay magtago.

“Oo nga, naalala ko pa, ako ang gumagawa ng kodigo lalo na sa twuing may pagsusulit tayo sa Math. Anyways, napatawag ako kasi gusto ko kayong gawing ninang at ninong dito sa Baby ko, okay lang ba?”

“Ay oo naman, ayos lang naman sa akin. Sino pa ba sa mga kaklase natin?”

“Medyo konti lang, yung mga medyo ka-close ko lang gaya mo. Oh sige ha? Sabihan na lang kita kapag binyagan na. Oo nga pala, narito kami sa Pampanga ngayon nakatira, sa mga magulang ko.”

Nagtagal pa nang kaunti ang kanilang chikahan bago sila tuluyang magpaalam sa isa’t isa.

“Sino yung tumawag, hon?” usisa sa kaniya ni Ernesto, mister niya.

“Ah si Liezel, kaklase namin noon sa high school. Kinukuha akong ninang sa anak niya. Kaming mga piling kaklase niya. Pumayag naman ako, wala namang masama, kahit hindi naman kami close, kinuha niya ako,” paliwanag naman ni Aileen.

Makalipas ang dalawang buwan, muling nagparamdam si Liezel sa pamamagitan ng chat. Binyag na pala ng anak nito. Humihirit ito ng pakimkim mula sa mga ninong at ninang. Taos-puso namang nagpadala ng pera si Aileen, mga 2,000 piso, sa pamamagitan ng bank transfer.

“Wow, salamat ninang! Kaya lang bakit 2,000 pesos lang? Gipit po ba? Si Debbie kasi 5,000 piso ang pinadala. Joke lang! Salamat pa rin!” pabirong saad naman ni Liezel sa chat. Si Debbie ang kanilang presidente noon, at talaga namang galante ito noon pa man, palibhasa, mayaman ang pamilya.

Hindi malaman ni Aileen kung masasaktan, maiinis, o palalampasin na lamang niya ang pabirong banat ni Liezel. Pinili na lamang ni Aileen na huwag sabihin kay Ernesto ang sinabi ng kaniyang ‘kumare’ dahil tiyak na magagalit ito.

Nakita na lamang ni Aileen ang mga larawan ng naganap na binyagan sa wall ng social media ni Liezel. Kasalukuyan naman siyang gumagamit ng kaniyang laptop.

“Hindi man lang nag-imbita? Nanghingi ng pakimkim pero hindi naman ako pinadalhan ng imbitasyon,” bulong sa sarili ni Aileen. Tiningnan-tingnan din niya ang iba pang mga larawang naka-upload sa wall ni Liezel, at wala siyang nakita ni isang dating kaklase, o pamilyar na mukha.

Inisip na lamang ni Aileen na baka hindi nakarating ang iba pa niyang mga kaklase, kung naimbitahan man sila, dahil malayo nga naman ang Pampanga. Baka nga ganoon.

Makalipas ang dalawang buwan, at wala nang paramdam ulit si Liezel. Ngunit isang araw, nakatanggap siya ng chat mula rito, humihingi ng tulong dahil nasa ospital daw ang anak nito.

“Mare, kahit magkano lang sana, makatulong lang sana sa gamutan ni Baby. Nakitaan kasi na may butas sa kaniyang baga, kailangan ng operasyon.”

Dahil likas na mabuti talaga ang kalooban ni Aileen at inaanak naman niya ang pinag-uusapan dito, hindi siya nag-atubiling magpadala ng 5,000 piso rito.

Maya-maya, may nag-chat sa kaniya. Si Debbie.

“Aileen, kumusta? Kinuha ka rin bang ninang kuno ni Liezel?” tanong nito.

“Oo, bakit? Hindi ba’t ikaw rin?”

“Oo. Isa ako, at marami tayong kinuhang ninang. Ngayon, nanghihingi siya ng pera sa lahat ng mga kinuha niyang ninong at ninang para sa anak kuno niya na maysakit. Pero napag-alaman ko mula sa isa nating kaklase na hindi totoong nanganak si Liezel. Yung ipinakikita niyang sanggol ay pamangkin niya. Gusto mo bang sumama sa amin para malaman natin nang harapan kung totoo ito? Alam mo naman si Liezel, noon pa man, mandurugas na ang babaeng iyan. Siya nga ang tinagurian nating ‘Kodigo Queen’, hindi ba?” sabi ni Debbie.

Tila naman binuhusan ng malamig na tubig si Aileen sa kaniyang mga nalaman. Pumayag siya sa pag-aaya ni Debbie na sorpresahin si Liezel sa Pampanga upang malaman ang katotohanan. Pinayagan naman siya ni Ernesto.

Kaya naman, sama-samang nagpunta ang mga ‘ninong at ninang’ na pinagkukuha ni Liezel para sa kaniyang anak. Nagmistula itong high school reunion dahil halos kalahati ng klase ang nakuha nito. Habang daan, kaniya-kaniya silang kuwento kung paano sila hiniritan ng pera ni Liezel, para umano sa kanilang inaanak.

“Nakapagtataka naman na kinuha niya tayong ninong at ninang pero ni isa, wala man lang sa atin na nakapunta sa binyagan? Diyan pa lang maghihinala ka na,” saad ng isa nilang dating kaklase.

Makalipas ang dalawang oras na paglalakbay, nakarating sila sa bahay na tinutuluyan ni Liezel; mabuti na lamang at may nakapagsaliksik sa address. Gulat na gulat si Liezel lalo na’t nasa kasarapan siya ng pakikipag-mahjong sa kaniyang mga kapitbahay.

Napag-alaman nila na hindi talaga nanganak si Liezel, at ang batang sinasabi niyang anak niya ay pamangkin lamang niya. Galit na galit sila sa ginawang panloloko ni Liezel, lalo’t wala naman pala talagang sakit ang bata, at ginagamit niya ito para lamang makapanghuthot ng pera.

Patong-patong na kaso ang isinampa kay Liezel, hindi lamang ng mga ninong at ninang kuno, kundi maging ang magulang ng kaniyang pamangkin, dahil ginamit pa nito ang walang muwang na bata para sa kaniyang pansariling interes.

Advertisement