
Naudlot nang Naudlot ang Nakaplanong Marangyang Pag-iisang Dibdib ng Magkasintahan Dahil sa Iba’t Ibang mga ‘Di Inaasahang Pangyayari; Makapagpakasal pa Kaya Sila?
Matagal nang balak ng magkasintahang sina Juvy at Marco na magpakasal. 2014 sila nagkakilala, at 2018 nang magpasya silang humarap sa dambana upang magsama na habambuhay. Subalit isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Sumakabilang-buhay ang lolo ni Juvy.
Kinailangan nilang ipagpaliban ang kasal dahil ayon sa pamahiin, bawal ang sukob. Bawal magpakasal sa loob ng isang taon ang magsing-irog kung may nawala sa pamilya. Kinausap na lamang nila ang wedding coordinator tungkol dito dahil halos nakahanda na ang lahat.
“Okay lang iyan Mahal, baka talagang hindi pa panahon. Magpokus na lamang muna tayo sa pag-iipon,” pampalubag-loob ni Marco kay Juvy.
“Oo nga eh. Huwag kang mag-alala, okay lang naman ako, basta’t nariyan ka lang,” sabi naman ni Juvy.
Habang naghihintay ng babang-luksa, kumuha na ng bahay sa pamamagitan ng housing loan at home improvement loan si Marco. Naisip niya, habang hinihintay nila ang babang-luksa, saktong isang taon ay tiyak na tapos na siya pagbabayad ng equity ng kinuhang bahay, at susunod na ang buwanang amortization. Kapag ganito, maaari nang tuluyan at ipa-renovate ang bahay.
Matapos ang babang-luksa, maaari nang magpakasal sina Juvy at Marco. Subalit isa na namang hindi inaasahang pangyayari ang dumating. Hindi sinasadyang nakabuntis ang bunsong kapatid na lalaki ni Marco. Hiling ng pamilya ng nabuntis nito na panagutan ang anak nila, kung hindi ay magsasampa sila ng kaso.
Bilang pagtalima na naman sa sukob sa kasal, nagpaubaya muna sina Juvy at Marco. Ikinasal ang kaniyang bunsong kapatid sa nabuntis nito, na ni hindi niya nobya, kundi kakilala lamang subalit gusto naman nila ang isa’t isa.
“Ano ba itong nangyayari sa atin, Mahal. Bakit kaya nauudlot ang kasal natin? May gusto kayang sabihin sa atin ang Panginoon? Tayo kaya ang nakatadhana sa isa’t isa?” naiiyak na tanong ni Juvy kay Marco.
“Mahal, hindi ko alam ang kalooban ng Diyos, pero isa lang sigurado. Para tayo sa isa’t isa. Mahal mo naman ako, hindi ba? Maliban na lang kung nagbago na ang damdamin mo para sa akin,” sabi ni Marco.
“Hindi nagbago ang damdamin ko para sa iyo, Mahal. Ikaw pa rin ang nakikita kong magiging ama ng mga magiging anak ko. Ikaw pa rin ang nakikita kong magiging asawa ko,” tugon naman ni Juvy.
“So wala tayong magiging problema, Mahal. Huwag ka nang mag-isip ng mga negatibong alalahanin. Siguro talagang kailangan pa nating mag-ipon para mapabongga pa natin ang kasal natin, tapos masimulan na ang renovation sa bahay natin, para kapag kasal na tayo, tiyak na may pupuntahan at titirahan tayo,” saad na lamang ni Marco sa kaniyang fiancee.
Kaya ang ginawa ng magkasintahan, nag-ipon na lamang sila nang nag-ipon upang nang sa gayon, maging mas magarbo pa ang kanilang kasal.
Makalipas ang isang taon, wala na talagang makahahadlang sa pagnanais ng magkasintahan na magpabasbas na sa simbahan at maging mag-asawa. Iyon na lamang ang kulang sa kanila. Malaki na ang naipon nila. Maaari na ang isang marangyang kasal, isama pa ang reception at honeymoon. Kahit tatlo hanggang limang bansa, maaari siguro nilang puntahan. Kahit higit 100 pa ang kanilang panauhin sa reception, ayos lang.
Subalit sa mismong araw ng kanilang kasal, isa na namang ‘di inaasahang pangyayari ang naganap. Dumating ang banta ng pandemya. Ipinagbawal ang anomang mga pagtitipon, lalo na ang kasalan at iba pang mga gawaing pansimbahan.
Pagkabigo. Iyan mismo ang nararamdaman nina Juvy at Marco.
“Huwag kang mawalan ng pag-asa, Mahal. Matapos lang itong mahigpit na community quarantine, magpapakasal kaaagd tayo, kahit na wala nang magarbong seremonya, reception, at honeymoon. Mahalaga, makasal tayo, kahit tayo-tayo lang.”
Nang maibaba sa modified general community quarantine ang kalagayan sa Metro Manila, at dahil pinayagan na ang pagpapakasal basta’t limitado lamang ang mga panauhin, sinunggaban na ito nina Juvy at Marco. Mula sa marangyang seremonya ng kasal, reception, at honeymoon, nairaos nila ang napakasimpleng kasalan muna sa huwes. Ang tanging naging saksi ay ang kanilang mga magulang, isang ninong at ninang, at dalawang saksi.
Hindi lamang iyon ang nagyari. Dahil tapos na sa pagbabayad ng equity sa kinuhang bahay si Marco at nagsimula na siya sa pagbabayad ng amorization, nasimulan at natapos na rin nila ang renovation sa kanilang bahay. Nakabili pa sila ng mga kagamitan at appliances. Hindi na sila namroblema pa sa kung saan sila titira.
Nakita na nila kung paano kumilos ang biyaya ng Diyos sa kanila. Sabi nga, ‘Look at the brighter side.’ Hindi man natuloy ang mga mararangyang plano nila sa kasal, hindi man ito ang pinangarap nilang kasal, nagamit naman nila sa mas kailangan at praktikal ang naipong pera. Ang mahalaga naman, kasal na sila at legal na ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Maaari na talaga silang bumuo ng isang masayang pamilya.
Hindi pa rin naman nila binibitiwan ang plano na magpakasal sa simbahan. Saka na, kapag nasa maayos na ang lahat.

Mahilig sa Online Shopping ang Ginang na Ito; Kaya Lamang, Bakit Kailangang Papasukin Pa sa Loob Mismo ng Bahay ang Delivery Rider?
