Nagkaroon ng Pag-asa ang Binatang ito nang Muling Tawagan ng Dating Nobya, Uuwi pa rin pala Siyang Luhaan

Nagkaroon ng Pag-asa ang Binatang ito nang Muling Tawagan ng Dating Nobya, Uuwi pa rin pala Siyang Luhaan

InspiringLoveStories

“O, pare, madaling araw na, ha? Saan ang punta mo?” tanong ni Joey sa kaniyang kaibigan nang mapansin niya itong palabas ng kanilang bahay habang siya’y papunta sa kusina upang uminom ng tubig.  

“D’yan lang sa kabilang kanto, sa bahay ni Lisa, bigla akong tinawagan, eh. Mukhang nakainom, alam mo na, baka makaisa ulit!” pilyong sagot ni Jake habang nilalaro sa kaniyang kamay ang susi ng motor. 

“Nahihibang ka na ba? Hindi ba’t may nobyo na ‘yon? Diyos ko, pare, mukhang mapapalaban na naman tayo sa away,” pag-aalala nito dahilan upang siya’y mapangisi. 

“Pare, si Lisa na ang tumawag sa akin! Kung siya na ang magdedesisyong humiwalay doon at bumalik sa akin, wala na akong kasalanan doon! Hindi na natin kailangang makipag-away!” sambit niya sabay kindat sa kaibigan. 

“Naku, basta mag-ingat ka, ayoko nang mapabarangay!” sigaw nito saka uminom ng tubig.

“Akong bahala, pare, pustahan tayo, pag-uwi ko, kasama ko na ulit dito ‘yon?” biro pa niya dahilan upang mapailing ang kaniyang kaibigan. 

“Aba, sige! Basta wala lang mangbabato sa bahay natin, ha?” babala nito dahilan upang mapatango-tango na lamang siya’t magmadaling magpunta sa bahay ng dating nobya. 

Sa iisang bahay na naninirahan ang binatang ito pati ang kaniyang mga kaibigan noong kolehiyo. Simula nang sila’y magkaroon ng sari-sariling trabaho, nagdesisyon na silang magsama-sama para mas lalong mapagtibay ang kanilang samahan habang sila’y wala pang mga pamilya. 

Naging maayos naman ang pamumuhay ni Jake sa piling ng kaniyang mga kaibigan, lalo na, lahat nang ito’y mayroong naggagandahang trabaho dahilan upang wala siyang problemahin sa mga gastusin sa bahay. 

Maituturing ngang perpekto na ang buhay niya rito kahit pa malayo sa kaniyang buong pamilya. Bukod kasi sa kasama niya ang kaniyang mga tropa, kasama niya pa ang kaniyang nobya. 

Ngunit, hindi kalaunan, nanabang ito sa kaniya at sumama sa ibang lalaki dahilan upang mapaaway ang kaniyang buong tropa at mauwi sa baranggayan. 

Simula noon, pinutol na niya ang koneksyon sa dalagang tinuturing na niyang asawa. Masakit man dahil mahal na mahal niya ito, unti-unti siyang nakabangon dahil sa halos araw-araw na pagpapasaya ng kaniyang mga kaibigan. Kahit papaano kahit na alam niya sa sarili niyang mahal niya pa ang naturang dalaga, inaaliw niya na lang ang sarili sa mga bagay at taong nakapaligid sa kaniya. 

At bukod doon, palagi niyang sinusumpa, “Hindi ka magiging masaya sa lalaking ‘yan, sinusumpa ko, babalik ka rin sa akin!” dahilan upang ganoon na lang ang pagsabik at saya niya nang bigla itong tumawag sa kaniya habang siya’y nasa kalagitnaan nang pagtulog.

Noong araw na ‘yon, pagkapasok na pagkapasok niya sa bahay ng naturang dalaga, agad siyang dumiretso sa kwarto nito. Nakita niya itong nakahiga sa kama at parang wala sa katinuan dahil sa alak dahilan upang siya’y mag-init. 

Ngunit bago pa man siya makalapit nang tuluyan sa dalaga, napansin niyang ang buong kwarto nito’y puno ng litrato ng kasalukuyang nobyo nito dahilan upang siya’y mapatigil at magmasid sa buong kwarto.

“Ang gwapo niya, ano? Masaya ako sa kaniya, Jake, pero hindi ko alam kung bakit parang may kulang pa rin. Siguro, iniisip mo pa rin ako, ano? Pwede bang kalimutan mo na ako? Nahihirapan na kasi ako mag-isip, eh. Alam ko at sigurado naman akong mahal ko siya, masaya ako sa kaniya, pero hindi ko alam kung bakit parang may butas pa rin sa puso ko. Sana hayaan mo na ako, oras na rin siguro para maging masaya ka sa iba,” sambit nito dahilan upang unti-unting pumatak ang kaniyang luha. 

Habang panay pa rin sa pagdaldal ang dalaga tungkol sa kasalukuyang kasintahan, kinumutsa na niya ito at hinilot ang ulo katulad ng ginagawa niya noon upang ito’y makatulog na. 

Doon niya napagtantong siguro nga, kailangan na niyang tuluyang pakawalan sa puso’t isip niya ang dalaga upang makaramdam na ito nang tunay na saya. 

Nang masigurado niyang tulog na ito, muli na siyang umuwi sa kanilang bahay. Sumalubong sa kaniya ang kaniyang mga kaibigang naghihintay sa harap ng kanilang bahay at nang mapansin ng mga ito na wala siyang angkas na dalaga, ika ng isa niyang kaibigan, “Mukhang talo na naman tayo, ha? Gusto mo ba mag-almusal sa Tagaytay? Libre ko!” dahilan upang siya’y mapangiti at maghiyawan ang kaniyang mga kaibigan. 

More Stories